Pagkakaisa ng oposisyon laban sa failure of elections, ipinanawagan

Isa ang mga PCOS na ito sa Cembo Elementary School sa Makati City na mali ang pagbasa sa resulta ng halalan, batay sa field test noong Mayo 3. (Tudla Productions)
Nanawagan si Bayan Muna Rep. at senatoriable Satur Ocampo sa lahat ng mga partido ng oposisyon na magkaisa sa gitna ng posibleng kapalpakan ng halalan bunsod ng pagbawi ng Commission on Elections sa 76,000 compact flash cards na gagamitin sa Mayo 10.
“Hindi na mapagkakaila ang mga senyales nanagmamaniobra si Pangulong Arroyo para pumalpak ang halalan. Nararapat na magkaisa ang lahat ng mga puwersa ng oposisyon para mapigilan ang planong ito ni Arroyo,” sabi ni Ocampo, kandidato sa pagkasenador ng Nacionalista Party, sa isang press conference sa Intramuros, Manila ngayong araw.
Ayon kay Ocampo, panahon nang wakasan ang mudslinging mula sa magkakaaway na kampo para masigurong hindi mauulit ang malawakang dayaan na pinangunahan ni Arroyo noong 2004.
“Ito ang tungkulin natin sa mamamayang Pilipino, bilang mga puwersa ng oposisyon,” aniya.
Lima sa umano’y walong hakbang para manatili sa puwesto si Pangulong Arroyo ang natupad na, ayon naman kay Bayan Muna Rep. Teddy Casino.
Ibinulgar ni Casino ang isang Oplan Rafael (Retain Arroyo through Failure of Elections) na “dapat tutulan ng nagkakaisang sambayanan.”
Inihayag niya ang walong mga hakbang ng Oplan Rafael. Una, ang pagtalaga sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga tinaguriang “Hello Garci” generals. Pangalawa, ang pagsisiguro ng malaking papel ng AFP sa halalan. Pangatlo, ang technical glitches sa Automated Elections System. Pang-apat, ang pagbukas sa posibilidad ng pagpapaliban sa halalan.
Inihayag kahapon ni Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Arroyo, na dapat pag-aralan ang pagpapaliban sa halalan hanggang sa hindi naisasaayos ng Comelec ang problema sa compact flash cards, na nagresulta sa maling pagbilang ng mga makinang Precinct Count Optical Scan sa resulta ng halalan.
Panglimang hakbang, ayon kay Casino, ang pagkawala ng Senate President na hahalili kay Arroyo sakaling may failure of elections. Umano’y natupad na rin ito dahil tumanggi si Senate President Juan Ponce Enrile na bumaba sa puwesto.
Ika-anim na hakbang ang pagtalaga ni Arroyo ng Chief Justice na tapat sa kanya. Ika-pito ang kapalpakan, malawakang pandaraya, karahasan, at kaguluhan sa mismong araw ng halalan. Inaasahang dudulo ito sa ika-walong hakbang, ang pananatili ni Arroyo sa puwesto bilang holdover president.
Panawagan ni Ocampo at ng Bayan Muna, dapat maghanda ang Commission on Elections ng parallel manual count para masiguro ang kapani-paniwalang mga resulta ng halalan.
Magsasagawa ang Bayan Muna, Task Force Urban Consciencitization, at iba pang mga grupo at personalidad ng prayer rally sa Baclaran Church ngayong hapon para sa isang malinis at maayos na halalan.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7220














[...] This post was mentioned on Twitter by tochi pat, pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: Pagkakaisa ng oposisyon laban sa failure of elections, ipinanawagan http://bit.ly/bG4y7C [...]