US at malalaking negosyo, masaya sa pagkapanalo ni Noynoy –KMU

Noynoy Aquino, itataguyod ang interes ng US at malalaking negosyo, ayon sa Kilusang Mayo Uno
Hindi maitago ng Estados Unidos ang kasiyahan nito.
Ito ang reaksiyon ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno (KMU) sa sabay-sabay na pagpuri ng US Embassy, Moody’s Investors Service ng New York, at mga dayuhang mamumuhunan sa resulta ng unang automated na halalan sa bansa.
Kinilala ng US ang popular na kandidato na si Senador Benigno “Noynoy” Aquino bilang kapalit ni Pangulong Arroyo dahil sang-ayon din si Aquino sa maka-US na mga patakarang pang-ekonomiya ni Arroyo, ayon kay Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
“Dapat pansining mabilis na sinuportahan ng Moody’s at iba pang business chambers ang pagkapangulo ni Aquino bago pa man opisyal na maiproklama ang nagwagi sa halalan. Malinaw na gustung-gusto nilang palitan si Arroyo dahil makakasira sa negosyo at pautang sa bansa ang paglawak ng diskuntento kapag nanatili siya sa puwesto,” sabi ni Labog.
Kinikilala si Arroyo bilang pinaka-di-popular na presidente sa kasaysayan ng bansa.
“Ang mga papet ng US na bumaho na sa mga mamamayan, dali-daling pinapalitan ng mga popular na papet na pabor din sa interes ng US. Iyan ang leksyon ng kasaysayan, hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa,” dagdag ni Labog.
Ayon din sa grupo, inani ni Aquino ang tiwala at suporta ng mga grupo ng negosyante noon pang panahon ng kampanya.
Pabor din umano sa US at malalaking negosyante ang “mapayapang” takbo ng automated na halalan, kahit pa walang paraan ang mga mamamayan para masigurong tama ang resulta.
“Pinahihirapan nito (automated na halalan) ang iba’t ibang grupo na maberipika at mapatunayan ang kredibilidad ng bilangan,” pagtatapos ni Labog.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7449














[...] This post was mentioned on Twitter by pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: US at malalaking negosyo, masaya sa pagkapanalo ni Noynoy –KMU http://bit.ly/9Dxvf2 [...]