P125 dagdag-sahod, hiling ng obrero kay Noynoy

Nagsabit ang mga lider-obrero ng Kilusang Mayo Uno sa gate ng tahanan ni Pres.-elect Noynoy Aquino ng dilaw na ribbon na may karatulang nananawagan ng P125 dagdag na sahod sa mga manggagawa. (Soliman A. Santos)
Ilang araw bago manumpa si President elect Benigno Aquino III, nagtipun-tipon ang mga manggagawa sa ilalim ng KMU (Kilusang Mayo Uno) sa tapat ng bahay nito sa Times St. sa Quezon City para hilingin na bigyang-pansin ang pagtaas ng sahod sa kanyang inauguration speech. Nakatakdang manumpa si Aquino sa Hunyo 30 bilang bagong pangulo ng Pilipinas.
Bitbit ng mga manggagawa ang mga yellow ribbon na may nakalagay na “P125 wage increase” at “Panagutin si Gloria Arroyo” para iparating kay Noynoy ang kanilang panawagan.
Maayos namang tinanggap ng mga bantay sa harapan ng bahay ni Aquino ang mga nagpoprotesta gayundin ang kanilang liham na humihiling ng dayalogo sa susunod na pangulo. Tanghali ng Hunyo 25 nang magpiket sa harap ng bahay ni Noynoy ang mga manggagawa pero ayon kay Lito Ustarez, executive vice president ng KMU, hapon pa darating ang chief of staff ni Aquino para asikasuhin ang kanilang request.
Pansamantala’y napabilang lamang ang kanilang liham sa tambak ng mga papel ng mga nagnanais na makausap si Aquino.
Sa pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, gusto ng mga manggagawa na isama ni Aquino sa kanyang talumpati sa inagurasyon ang hinggil sa pagsasabatas ng makabuluhang umento sa sahod – ang sandekada nang hiling na P125 na dagdag sahod ng mga manggagagawa. Aniya pa, sawa na ang mga manggagawa sa siyam na taong pangangako ni Arroyo ng paraiso habang sa totoong buhay ay puro pahirap naman dahil halos di na umusad ang sahod habang walang humpay ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin.
Para naman kay Anakpawis Rep. Joel Maglunsod, hindi sapat ang P22 na dagdag na sahod na ibinigay ng administrasyong Arroyo nitong nakaraan lamang sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila. Tinawag niyang “mumo” lamang ito kung tutuusin sa ipinaglalaban nilang dagdag-sahod. Mas lalo lamang umanong kailangang isabatas ang P125 na umento sa buong bansa at hindi lamang sa Metro Manila.
Pinayuhan naman ni Labog ang bagong halal na pangulo na dapat balansehin nito ang kanyang pakikipagdayalogo sa malalaking grupo ng mga negosyante at gayundin sa tunay na mga representante ng mga manggagawa, “Ito ang mag-iiba sa kanya sa sinundan niya sa Palasyo na makaisang panig na maka-negosyante at anti-manggagawa” aniya pa.
Tinukoy ni Labog ang napipintong pagkasama sa gabinete ni Aquino nina Alberto Lim, Tagapangulo ng Makati Business Club at Jose Rene Almendras, executive ng Ayala Corp., na pawang kapwa tutol sa umento sa sahod.
Pinansin din ng lider-manggagawa na ang mga miyembro ng transition team ni Aquino at ang napipisil nito sa kanyang gabinete ay pawang mula sa ekonomiya at pampulitikang naghaharing-uri. Ayon kay Labog, dapat na alamin ni Aquino ang kalagayan nilang maliliit at tugunan ang kanilang mga panawagan.
Bukod sa umento sa sahod, hinihikayat din ng mga manggagagwa si Pangulong Aquino na sagutin ang panawagan na baligtarin ang polisiya ng kontraktwalisasyon at pangalaan ang karapatan ng mga manggagawa.
“Higit sa apat na milyong Pilipino ang walang trabaho sa pagsisimula ng administrasyong Aquino. Wala pa ring hustisya para sa 98 lider manggagawa na pinaslang mula noong 2001. Ang mga polisiyang ito ni Arroyo ang dapat na baligtarin ni Aquino,” sinabi ni Labog.
Matapos ang mahigit isang oras na protesta, hindi man lamang nakita ng mga manggagawa ang anino ni Noynoy o ng kanyang chief of staff kaya mapayapa rin silang umalis sa naging abalang kalsada ng Times Street. Para sa mga manggagawa, lalo pa nilang paiigtingin ang kampanya para sa matagal nang hiling na P125 dagdag na sahod para magkamit ng kahit paano’y kaunting ginhawa sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7973














Pres. NoyNoy, nawa’y bigyang pansin ang kahilingan nming manggagawa. Ilang taon nbang isinusulong ang omento sa sahod. Ikonsidera nman sna ng mga mambabatas ang malilit na mmmayan na xang bumubuhay sa malalaking kumpanya.