Pinoy Weekly

Manggagawa pinatay, magsasaka pinalayas sa Timog Katagalugan

Isang lider-unyon ang pinatay at isang komunidad ng mga magsasaka ang dinemolish sa Timog Katagalugan simula kahapon, mga magkakasunod na insidenteng kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog (Bayan-ST) bilang “matinding atake” laban sa mga progresibo matapos ang eleksiyon.

Bandang ala-sais ng gabi noong Hunyo 2, binaril at pinatay si Edward Panganiban ng hindi pa nakikilalang kalalakihan sa Brgy. Caingin, Sta. Rosa, Laguna. Si Panganiban ay manggagawa sa Takata, isang pabrika na gumagawa ng car parts sa Biñan, Laguna; kasalukuyang nagaganap ang Collective Bargaining Agreement sa pagitan ng kanyang unyon at ng manedsment.

Samantala, bandang alas-diyes ng umaga kanina, dinemolish ng mga pribadong guwardiya ng Manila South Coast Dev’t Corp. ang 21 kabahayan ng mga magsasaka sa Hacienda Looc, Nasugbu, Batangas.

Ayon kay Guillermo Bautista, tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), may mahabang kasaysayan ng pakikibaka para sa kanilang karapatan sa lupa ang mga magsasaka ng Hacienda Looc.

Bago nito, noong Mayo 21, binuwag ang kampo-protesta at inaresto ng pulisya at mga pribadong guwardiya ang mga magsasaka ng Hacienda Yulo sa Calamba City, Laguna.

“Sa gitna ng ganitong mga insidente, hindi namin maiwasang magtaka kung lumikha ba ang katatapos lamang na eleksiyon ng senaryo kung saan ang mga panginoong-maylupa at malalaking negosyante ay komportable at malaya na umatake sa mardyinalisadong mga magsasaka at manggagawa. Nakahanap ba sila ng alyado kay Senador Noynoy Aquino?” ani Christine Macabetcha, tagapagsalita ng Bayan-ST.

Dagdag ni Macabetcha, ang pagtugon sa mga isyu ng mga magsasaka, manggagawa, at iba pang mardyinalisadong sektor ng lipunan ang magiging sukatan ng pagbabago na ipinapangako ni Aquino na ihatid sa bansa.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7670

Posted by on Jun 3 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Manggagawa pinatay, magsasaka pinalayas sa Timog Katagalugan”

  1. [...] This post was mentioned on Twitter by Tonchi Tinio, pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: Manggagawa pinatay, magsasaka d sa Timog Katagalugan http://bit.ly/bZ4VRT [...]

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes