Noy na makasalanan, Noynoy na ‘katubusan’

Sa mundo ni Noy at ni Noynoy, walang pagsasamantala ng tao sa kapwa; ang mayroon lamang ay kabayaran ng mga kasalanan (noythemovie.com)
Nagsasalimbayang dokumentaryo at fiction film ang pelikulang “Noy” ni Dondon Santos – at matagumpay ang pelikula sa suwabeng pagtahi sa dalawang uri ng pelikula. Kapag kasama si Noynoy, naipagpatuloy ni Martin ang personang Noy. Umaarte siya sa isang “dokumentaryo”, pero umaarte rin ang sabdyek ng dokumentaryo. Suot ang makapal na makeup, ang kostyum ng t-shirt na may imahe ng mapa ng Pilipinas at dilaw na ribbon, artistang umaarte rin si Noynoy sa harap ng madla at mga kamera habang nangangampanya. Hindi na mahalaga kung alam o hindi ni Noynoy na nagiging sentral na tauhan siya sa isang kuwentong pampelikula.
Inangkop din ng pelikula sa mahabang tradisyon ng social realism ang kuwento ni Noy at kanyang pamilya. Maaalala sa tema ng desperasyon at kahirapan ang pelikulang “Maynila sa Kuko ng Liwanag” ni Lino Brocka; pati na siguro ang artistiko’t artipisyal na pagpapalabas ng kahirapan sa “Serbis” ni Brillante Mendoza na pinagbidahan din ni Martin. Tulad ng estilo ni Mendoza, pinupuwersa ng ilang eksena na tumanaw ka sa dumi ng tubig ng baha (dagat ng basura?), pati sa dumi ng kubeta.
Sa puntong ito, masasabing artipisyal lamang ang pagsasalarawan sa kahirapan. Marahil, dahil ito sa nakakalimitang layunin ng pelikula na patampukin ang kandidatong si Noynoy Aquino at ang simbolismo niya noong nakaraang halalan. Katunayan, itong simbolismo ang mismong humubog sa mensahe ng pelikula. Simula’t sapul sa kuwento, hindi marangal na tao si Noy. Bagamat hangad lamang ang kapakanan ng pamilya, madiskarte siya at lumalabag sa mga moral na panuntunan para lamang makapagbigay ng kaunting ginhawa sa pamilya. Lumapit siya kay Noynoy para “dumikit sa makapangyarihan.” Kinatakatawan ni Noy ang lahat ng “mali” sa kaisipan ng mahihirap – o “mali” sa pananaw ng mga maylikha ng pelikula. Sa huli, kailangang panagutin si Noy sa mga kasalanan niya at ng kanyang pamilya.
Dahil nga, makasalanan si Noy. O sa punto de bista ng pelikula, makasalanan ang mahihirap, dahil ninanais nilang kumawala sa kahirapan, kahit na maapakan man ang mga moral na panununtunan ng lipunan. Sinisisi ng pelikula si Noy sa kahirapan niya; sinisisi rin ni Noynoy Aquino ang mga maralita sa kahirapan nila. Sa mundo ni Noy at ni Noynoy, walang pagsasamantala ng tao sa kapwa; ang mayroon lamang ay kabayaran ng mga kasalanan. Nalumpo si Bong dahil sa panglalamang niya sa kapwa; nagulpi si Letty dahil sa katangahan niya. Nagkasakit si Tata dahil sa kapabayaan nila. At sinapit ni Noy ang sasapitin niya sa dulo dahil sa mga ginawa niya at ng kanyang pamilya.
Habang binabagtas ang baha, sakay ng balsang dating sinasagwan ng karakter ni Pen Medina at kalauna’y “minana” ng apo na karakter ni Ping Medina (anak ni Pen), tinanong ni Noy si Ping: “Bakit hindi ka na lang umalis dito?” Sagot ni Ping: “Dahil kailangang kumain.” Sa lohika ng pelikula, itong kaisipan ang nagpapanatili sa mga mahihirap sa kanilang kalagayan. Ang dapat daw gawin, magsikap sa buhay. Humanap ng ambisyon, tulad ni Noy at (sa katapusan ng pelikula) Bong. Manampalataya sa Diyos, tulad ni Letty at Tata. At iasa ang pagbabago ng lipunan sa iisang tao: si Noynoy Aquino.
Sana’y batid na natin na hindi dapat ganito.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7797














I have not seen the movie yet. I did see the trailer.
This movie review is well-written, radical and objective. Nice.