Pinoy Weekly

Pagbabalik ng Kamag-Anak, Inc.?

Danding Cojuangco: Nakipagbati na kay Noynoy?

Danding Cojuangco: Nakipagbati na kay Noynoy?

“Inaasahan naming lahat na gagawa siya ng executive order, dahil wala pa noong Kongreso. Sa halip, ipinasa niya sa Kongreso ang paggawa ng batas sa repormang agraryo. Doon na ito minanipula ng kanyang mga kamag-anak at iba pang panginoong-maylupa,” ani Teodoro sa panayam ng Pinoy Weekly.

Nagmamay-ari ng malalaking lupain ang 17 sa 21 miyembro noon ng House Committee on Agrarian Reform. Kabilang dito si ang kapatid ni Cory na si Peping, at bayaw na si Herminio Aquino.

Hinihinalang pinaboran din ni Cory ang tiyuhin na si Don Ramon Cojuangco ng Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT), nang hindi binawi ng PCGG ang kompanya. Sinasabing pagmamay-ari ni Marcos sa pamamagitan ng kroni na si Jose Yao Campos ang 12 porsiyento ng PLDT.

Pagsubok sa kapasyahan ni Noynoy

Nakadepende sa kapasyahang pampulitika o political will ni Noynoy kung hahayaan niyang madiktahan ang kanyang administrasyon ng pamilya Cojuangco-Aquino, ayon kay Teodoro. “Pero sa nakikita ko, mahina ang personality niya. Umabot siya sa kanyang edad nang halos walang pinanindigan. Ayaw nga niyang tumigil sa paninigarilyo dahil nakakapresyur. Paano pa kaya niya malalabanan ang presyur ng kanyang pamilya?” aniya.

Sa pagtakbo at pagkapanalo ni Noynoy, tumindi ang presyur na ipamahagi sa wakas ang Hacienda Luisita, lalo at naganap noong 2004 ang isang masaker na kumitil sa buhay ng pitong magsasaka. Pero kahit noong panahon ng kampanya, mas pinakinggan at itinaguyod ni Noynoy ang tindig ng kanyang pamilya.

“Nalulugi” ang kompanyang humahawak sa asyenda at “naghahanap” sila ng puwedeng bumili rito, bukambibig ng kanyang mga kapatid. Ang isa, si Ballsy Aquino-Cruz, ay tinawag pang “maluho” (pretty spoiled) ang mga magsasaka. Sa panayam naman ng New York Times, inihayag ni Fernando Cojuangco, hepe ng kompanya at pinsan ni Noynoy, na walang balak ang kanilang pamilya na pakawalan ito. Si Noynoy mismo, nangakong ipapamahagi ang lupain—pero sa loob pa ng limang taon.

Samantala, naging aktibo si Peping sa kampanya ni Noynoy; sinasabi pang ang pamilya Cojuangco-Aquino ang “lumaglag” kay Manuel “Mar” Roxas II bilang kandidato sa pangalawang pangulo, sa dahilang nais maki-agaw ni Roxas ng kapangyarihan. Inaasahang magiging malaki rin ang papel ni Peping sa administrasyon ni Noynoy.

Bagaman hindi tahasang inendorso ang kanyang pamangkin ng malaking negosyante na si Eduardo “Danding” Cojuangco, may indikasyon, ayon kay Teodoro, na “posibleng makipagbati si Danding” sa ngalan ng posibleng mga pabor pampulitika. Noong panahon ng kampanya, inihayag ni Kris Aquino sa ABS-CBN na sikretong sinusuportahan ni Danding ang kampanya ng kanyang kapatid.

Malinis na paggogobyerno ang ipinangako ng bagong pangulo; pero posibleng mahirapan siyang maglinis sa kanyang sariling bakod at sa kalauna’y pagtaksilan ang interes ng bayan.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7773

Posted by on Jun 14 2010. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes