Pinoy Weekly

Kailan sila magkakaroon ng disenteng pabahay?

Nagpiket ang kababaihan ng Gabriela sa tanggapan ng National Housing Authority sa Quezon City para ihapag ang hamon ng maralitang kababaihan kay Bise Pres. at HUDCC Chair Jejomar Binay. (Macky Macaspac)

Nagpiket ang kababaihan ng Gabriela sa tanggapan ng National Housing Authority sa Quezon City para ihapag ang hamon ng maralitang kababaihan kay Bise Pres. at HUDCC Chair Jejomar Binay. (Macky Macaspac)

Nakatira sa Sitio Manunggal sa Tatalon, Quezon City si Rebecca Patigdas, 40-anyos, nang rumagasa sa bansa ang bagyong Ondoy noong Setyembre 2009.

Isa ang Tatalon sa pinakamatinding binaha sa lungsod; lubog ang mayorya ng kabahayan ng maralitang komunidad na ito, kabilang na siyempre ang bahay nina Rebecca. Tulad ng daan-daang residente, napilitang siyang lumikas sa malapit na eskuwelahang ginawang evacuation center.

Limang araw matapos ang bagyo, dumating si Pang. Arroyo sa Tatalon at nanguha ng mga biktima. Patitirahin daw niya sa Malakanyang (Basahin ang artikulo hinggil dito). Nangako rin na bibigyan sila ng pabahay. Matapos patuluyin at pakainin ng ilang araw sa Malakanyang, inilipat sila sa relokasyon sa Towerville, San Jose del Monte, Bulacan.

Imbes na mapabuti, napasama lang ang kalagayan nila sa relocation center. “Hindi namin matiis ang  hirap na kalagayan namin sa relokasyon, kaya bumalik kami sa Tatalon,” kuwento ni Rebecca.

May sukat na 32 metro-kuwadrado lamang ang bawat bahay, walang sariling tubig at kuryente. Hindi rin sila nakaiwas sa iniwanang baha sa Tatalon: Kung umuulan ay halos bumaha sa loob ng bahay dahil sa butas butas na bubong.

Ang panawagan ng mga maralitang lungsod, sa isang salita. (Macky Macaspac)

Ang panawagan ng mga maralitang lungsod, sa isang salita. (Macky Macaspac)

Ang masaklap, walang tiyak na kabuhayan sa relokasyon. “Ang tanging iniwan sa amin ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) ay sampung kilong bigas at grocery na tumagal lang ng ilang araw,” sabi pa ni Rebecca. Natigil din sa pag-aaral ang kanyang mga anak,  dahil hindi naman na-iayos ang paglipat ng mga bata sa pinakamalapit na paaralan sa Towerville.

Isa lamang si Rebecca sa libu-libong maralitang tagalunsod na binunot o dinemolis sa kanilang komunidad at paulit-ulit na bumabalik sa kanilang dating tinitirhan dahil sa kalunus-lunos na kalagayan, kawalan ng batayang serbisyo tulad ng tubig at kuryente, o kaya naman ay di-abot kayang renta ng  mga  pabahay na inilalako ng gobyerno.

Sa ilalim ng gobyernong Noynoy Aquino, muling iginigiit nila ang kanilang karapatan sa disenteng pabahay.

Kabilang si Rebecca sa kababaihang sumugod sa harapan ng tanggapan ng National Housing Authority para muling hinamon ng kababaihan ang administrasyong Aquino na tupdin ang tungkulin ng gobyernong magbigay sa mga maralita ng disenteng pabahay.  Ayon sa Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, mayorya kasi sa pamilyang Pilipino ang napagkakaitan ng karapatan sa disenteng pabahay, dahil matagal nang pribatisado ang serbisyong pabahay.

“Dito pa lamang sa National Capital Region, aabot sa 69 sa 100 pamilya ang walang sariling bahay.  Nangungupahan sila o kaya’y umookopa na sa bakanteng mga lugar, kahit walang pahintulot,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8370

Posted by on Jul 24 2010. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Kailan sila magkakaroon ng disenteng pabahay?”

  1. angel heart

    ang KAPAL naman ng VICE President nyo na c BINAY na pang hawakan pa ang PABAHAY. numero uno syang nag papalayas ng mga mamamayan sa MAKATI na kung saan kami isinilang at nakaisip la TEJEROS TENEMENT na PABAHAY para sa MARALITANG MAMAYAN NG LUNGSOD NG MAKATI> wala siyang KONSENSYA… BAKIT PA BINOTO NG MGA TAO YAN eh puro KURAKOT lang ang GINAWA nya sa MAKATI.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes