Uncategorized

Meryll Soriano at Lovi Poe, wagi sa 2010 Cinemalaya


Gabi nina Meryll Soriano at Lovi Poe ang ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival awards night na ginanap sa Main Theater o ang Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines noong Linggo. Pareho silang Pinakamahusay na Aktres sa magkahiwalay na kategorya ng labanan. Best Actress si Meryll para sa pelikulang “Donor” ni Mark […]

Gabi nina Meryll Soriano at Lovi Poe ang ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival awards night na ginanap sa Main Theater o ang Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines noong Linggo.

Pareho silang Pinakamahusay na Aktres sa magkahiwalay na kategorya ng labanan.

Best Actress si Meryll para sa pelikulang “Donor” ni Mark Meily na kalahok sa kauna-unahang Directors Showcase ng mga beteranong direktor sa pelikula pagkatapos na sila ay makapagtanghal ng tatlong pelikula sa mga komersyal na sinehan.

Kasama ni Soriano noong gabing ‘yon ang kanyang kasintahang si Joem Bascon na bituin naman sa isa pang pelikulang kalahok sa pestibal subalit sa New Breed category ng mga full length na pelikulang gawa ng mga baguhang tagalikha ng sining ng pelikula, ang “Rekrut” ni Danny Añonuevo.

***

Best Actress naman si Lovi para sa pelikulang “Mayohan” na kasali sa New Breed na dibisyon sa direksyon ni Dan Villegas at ni Paul Sta. Ana.

Alalay lang ang kasama ni Poe at wala siyang maraming baterya ng mga tagabantay hindi tulad ng ibang malalaking artistang aguyod ang mga kasama.

Naka-mini-skirt si Lovi at kampanteng tinanggap ang kanyang tropeyo ng karangalan sa gitna ng paghanga sa kanya ng mga tagapanood.

Hindi nga ba’t anak siya ni Fernando Poe, Jr. at tiyak na ipinagkakapuri siya ng mga Poe dahil heto ang isang supling ni FPJ kahit sa ibang babae na nagbibigay ng karangalan para sa kanyang pamilya.

Masayang-masaya sina Dan at Paul sa pagwawagi ni Lovi dahil sa napatunayan nilang sila ay nakakalikha ng isang bituin.

“Pasensiya na kayo. Alam ko na nahirapan kayo sa akin sa pagdidirek lalo na sa pagsasalita ng Infanta, Quezon. Pero pinagtiyagaan ninyo ako,” pahayag ni Lovi patungkol kina Villegas at Sta. Ana.

***

Best Actor naman si Baron Geisler para sa obrang “Donor.”

Nang tawagin ng presenter na si Jeffrey Quizon ang pangalan ni Baron bilang panalo, parang humulagpos ang palakpakan at hiyawan sa buong bulwagan dahil sa paghanga at pag-aprub kay Geisler na talento subalit ang pagkantiyaw sa kanyang “kakulitan” sa kababaihan ay hindi naiwaglit sa reaksyon ng mga tao.

Nang magsalita na siya sa harap ng tao ay sinabi ni Baron na “magpapakatino na ako.”

Umani ito ng masigabong palakpakan at tawanan sa publiko.

Kaya nga kahit na si Jeffrey ay kumantiyaw sa kanya na “talagang magpapakatino ka na, huh.”

Sinundan ito ni Quizon ng isang malutong na halakhak.

Sa talumpati ni Geisler, sinabi niyang nang tawagan siya ni Mark para sa alok na papel ay sinabi ng direktor na “dito sisikat ka rito.”

Na para bang hindi pa sikat si Baron pero nasakyan agad ito ng batang aktor at pumayag agad siya sa papel na alok sa kanya.

***

Best Actor naman sa New Breed na kategorya si John Arcilla para sa pelikulang “Halaw” ni Sheron Dayoc.

Tungkol sa human trafficking o pagpupuslit ng mga tao sa ibang bansa ang tema ng pelikula.

Maraming kasong ganito sa Mindanao, mga Filipinong pumupunta sa Malaysia sa pamamagitan ng pagdaan sa Sulu o Jolo para magpunta sa Malaysia tulad ng naganap sa mag-amang Jahid at Daying, sa putang si Mercedes na ginampanan ni Maria Isabel Lopez at iba pang nagpaparoo at parito sa Pilipinas at Malaysia sa pamamagitan ng bangka o anumang sasakyang-dagat.

Pero ayon kay Maria Isabel, mas sumasakay ang mga Filipinong pumupuslit patungong Malaysia sa pamamagitan ng bangkang ordinaryo para mas mabilis ang pagtakbo o pagtakas sa mga awtoridad na huhuli sa kanila.

***

Madamdamin at matalino ang talumpati ni John kaugnay sa pagkakamit niya ng karangalan.

“Bonus lang po itong trophy na ito. Ang mas mahalaga ay ang pagpapasalamat natin sa mga gumawa at nagtatag ng Cinemalaya. Nagpapasalamat po kami sa inyo dahil sa pagtatayo ninyo ng languyan para sa mas maraming alagad ng sining ng pelikula upang maiparating sa publiko ang mga problema ng lipunang Filipino.

“Marami na akong nagawang pelikula at nakita ko na ang mga problema ng kahirapan sa ating bansa pero iba ang karanasan ko sa problema ng kahirapan sa Mindanao lalo na sa Zamboanga kung saan namin kinunan ang pelikula.

“Si Daying, nalaman ko sa kanya na isang beses lang siyang kumain sa isang araw dahil wala silang kakainin. Kung meron man, kanin at toyo o asin o mantika lang ang kanyang ulam at isang beses lang ito sa maghapon.

“Sa shooting namin, nakakakain si Daying ng tatlong beses, apat na beses pa nga sa isang araw. Pero hirap na hirap din kami sa shooting. Pati pambili ng gasolina sa bangka, hinihingi pa ni Sheron sa kanyang mga magulang.

“Si Jahid naman, lumalangoy siya sa dagat at naghahanap ng mga metals na puwedeng ipagbili o kung anuman na maaaring pagkakitaan. E, a kaso nila, tatlo na ang namamatay sa kanilang mga kasama sa paglangoy sa dagat para makakuha lang ng pambili ng pagkain. Kasi, pag nasa ilalim ka ng tubig, kailangang may oxygen ka. E, kung walang ma-produce na oxygen, patay na, wala na, hindi na sila makakahinga kaya maraming namamatay,” walang kagatul-gatol na pahayag ni Arcilla.

***

Best Supporting Actress si Carla Pambid para sa “Donor” sa Directors Showcase samantalang Best Supporting Actress naman si LJ Reyes sa New Breed para sa “The Leaving” ni Ian-Dean S. Loreños.

Best Supporting Actor naman si Tirso Cruz III para sa “Sigwa” ni Joel Lamangan para sa Directors Showcase at Best Supporting Actor naman para sa New Breed si Emilio Garcia para sa pelikulang “Rekrut” ni Danny Añonuevo.

Best Director sa Directors Showcase si Gil Portes para sa “Two Funerals” samantalang Beest Film ang “Donor” ni Meily.

Best Director sa New Breed si Sheron at ang “Halaw” din ang Best Film.

Best Film sa Shorts category si Pam Miras para sa maikling pelikulang “Huwag Kang Titingin” samantalang Best Director si Milo Tolentino para sa “P.”

***

Best Screenplay sa Directors Showcase si Eric Ramos para sa “Two Funerals” samantalang sa New Breed ay si Paul Sta. Ana para sa “Mayohan” at si Mikail Red naman para sa Shorts sa kanyang “Harang.”

Nagtabla naman sa Best Cinematography ang “The Leaving” at “Mayohan” para sa New Breed samantalang ang Best Cinematography naman sa Directors Showcase ay nakuha ng “Two Funerals.”

Para sa Directors Showcase pa rin—walang nanalo sa Best Sound and Music; “Pink Halo-Halo,” Best Editing; “Donor,” Best Production Design; Special Jury Prize ang “Two Funerals.”

Para sa New Breed—“Rekrut,” Best Sound; “Mayohan,” Best Music; “Halaw,” Best Editing; “The Leaving,” Best Production Design; “Sampaguita,” Special Jury Prize; “Halaw,” Best Film at Best Director.

“Para sa mga filmmaker ng Mindanao ang award na ito,” pahayag ni Dayoc.

***

Bokya ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ni Mario O’Hara at kahit na isang award ay hindi man lang ito nakakuha kaya marami ang nagtaka kabilang ang mga mamahaayag na sina Will Proviño, Aurora Yumol, Art Tapalla, Ibarra Mateo, Dennis Adobas at marami pang iba.

Hindi man nag-walk out ay umalis nang dire-diretso si Mario pagkatapos ng paghahatag ng mga premyo at sertipiko ng pagkilala.

Si Joel naman ay pumunta agad sa cast party ng “Sigwa” at nagbigay pa nga sa amin ng tiket si Adobas pero hindi na rin kami nakapunta.

Ano nga kaya ang nangyari at kahit isang parangal ay walang nakuha ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio”?