Kapirasong Kritika

The Black Book of Oplan Bantay Laya


Simula nang maging pangulo ng Pilipinas si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, mahigit 1,000 aktibista na ang bumulagta, biktima ng tanyag nang ekstrahudisyal na pamamaslang sa bansa.

rebyu ng: Ibon Foundation, Oplan Bantay Laya: The US-Arroyo Campaign of Terror and Counterinsurgency in the Philippines. Quezon City: Ibon Books, 2010.

Simula nang maging pangulo ng Pilipinas si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, mahigit 1,000 aktibista na ang bumulagta, biktima ng tanyag nang ekstrahudisyal na pamamaslang sa bansa. Kinatangian ang rehimen ni Arroyo, na sinuportahan hanggang dulo ng US, ng malalaking kontrobersya kaugnay ng pagdambong sa kabang-bayan, pandaraya sa halalan, pagsalaula sa mga institusyon ng pamahalaan, at  pagpapatupad sa neoliberal na mga patakarang kontra-mamamayan. Kinatangian din ito, syempre pa, ng matitinding paglabag sa karapatang pantao, tampok ang ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibistang kumikilos sa larangang ligal at di-armado.

Nitong Hunyo 30, nanumpang bagong pangulo si Benigno “Noynoy” Aquino III, na noong eleksyon ay sumakay sa malakas na sentimyentong kontra-Arroyo ng mga mamamayan. Itinatanghal siya ngayon ng pinakamakapangyarihang mga institusyong pangmidya sa bansa at sa mundo bilang maydala ng “pagbabago” at “pag-asa” sa Pilipinas. “Can Noynoy save the Philippines?” pa nga ang sigaw ng pabalat ng Time Magazine noong kampanya, hudyat kung sino ang itinuturing ng US na Mesiyas sa mga kandidato. Itinutulad ang pagkapanalo niya sa pagkaluklok na pangulo noong 1986 ng ina niyang si Corazon “Cory” Aquino, pumalit sa diktador na si Ferdinand Marcos.

Pero sampung araw pa lang sa pwesto si Aquino, tatlong aktibista na ang napatay nang ekstrahudisyal. Dahil dito, isa ang ekstrahudisyal na pamamaslang sa pinakaunang mga isyu na sumalubong sa bagong rehimen. Binasag ang ingay ng pagdiriwang sa pagkapanalo ni Aquino ng mga putok ng baril na nakatuon sa mga aktibista. Sabi ni Aquino, hindi ito patakaran ng gobyerno niya. Pero hindi pagdidiin ang pahayag na ito sa gobyerno ni Arroyo dahil, kaalinsabay, nag-utos siya ng imbestigasyon. Binalaan niya ang militar pero hindi naman inaming ito ang nagsasagawa ng pagpatay. Sinabi rin niyang marami sa mga nababalitang pagpaslang ang personal lang ang dahilan.

Bilang tugon, nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, alyansa ng mga pambansa-demokratikong organisasyong target ng ekstrahudisyal na pagpaslang, sa rehimeng Aquino na ibasura ang Oplan Bantay Laya (OBL), programang kontra-insurhensya ng rehimeng Arroyo at itinuturong sanhi ng mga pagpatay. Ipinatupad noong 2002, layon ng OBL na durugin ang kilusang komunista sa bansa pagdating ng 2010. Bukod sa dati nang mga hakbangin kontra sa New People’s Army, armadong grupo ng kilusang komunista, laman nito ang “pag-nyutralisa” o pagpatay sa mga lider at miyembro ng mga tinukoy na mga “prenteng organisasyon” ng mga komunista.

Sa ganitong yugto lumalabas ngayong buwan ang librong Oplan Bantay Laya: The US-Arroyo Campaign of Terror and Counterinsurgency in the Philippines ng Ibon Foundation. Napapanahon, dahil bukambibig ngayon ang operation plan na ito ng mga tumututol sa ekstrahudisyal na pagpaslang at nagmamalasakit sa karapatang pantao. Sa tyempo ng paglalabas ng libro – taon ng pagbaba ni Arroyo sa pwesto at ng dedlayn ng oplan – parang gusto nang tuldukan ng libro ang OBL, gayung patuloy pa itong nananalasa. Pero dahil mismo sa lumalabas na patuloy na pagpapatupad sa nasabing oplan kaya lalong tumatampok, hindi nababawasan, ang pangangailangang basahin ang libro.

Sa unang seksyon, nagbigay si John Paul Corpus ng pangkalahatang tanaw sa OBL. Inugat naman ni Jennifer del Rosario-Malonzo ang oplan sa kasaysayan ng mga kampanyang kontra-insurhensya ng US sa bansa. Inilantad at kinutya ni Leandro Natividad ang mga absurdong pangangatwiran ng militar sa mga dokumento nito kaugnay ng OBL. Sa ikalawang seksyon naman, binaybay ni Paul Quintos ang mahabang kasaysayan ng pagpapalit-palit ng pagbibigay-katwiran ng US sa mga agresyong militar nito sa ibang bansa. Sa isa pa niyang ambag sa koleksyon, kongkretong ipinakita ni Malonzo ang suportang pampinansya at militar ng US sa OBL.

Sa una nitong ambag, tinipon ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler) ang lahat ng kasamaan – pagpwesto sa mga pasistang diktador at pagsuporta sa terorismo ng estado, pampulitikang asasinasyon, pagpapatakbo sa mga death squads – ng tinawag nitong “pandaigdigang militarismo” ng US. Sa ikalawa nitong ambag, binaybay sa kasaysayan ng bansa hanggang sa rehimeng Arroyo ang paggamit ng US at neokolonyal na Estado sa mga death squads laban sa mga itinuturing nitong kalaban. Pinalitaw rin nito ang pagkakapareho at koneksyon ng pag-iral ng mga death squads sa Pilipinas sa katulad na penomenon sa Vietnam (60s-70s) at El Salvador (80s).

Sa ikatlong seksyon, isa-isang inilarawan ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao na tumampok sa paglaban sa mga paglabag ng rehimeng Arroyo, ang mga epekto ng OBL. Nagbigay naman ng pagsipat si Neferti X. M. Tadiar sa kulturang humuhubog sa, at hinuhubog ng, mga paglabag sa karapatang pantao – ipinapaalalang hindi lang nangahulugan ang pasismo ng dahas ng Estado kundi ng pwersa ng kultura. Magkakahalong lungkot, saya, pag-asa at galit ang makikita sa pag-uulat ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, sa mga hakbangin sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Arroyo at sa mga tagumpay at kabiguan nito.

Sa ikaapat na seksyon naman, tinasa ni United Nations Special Rapporteur Philip Alston ang antas ng pagtalima ng rehimeng Arroyo sa mga rekomendasyong inihapag niya sa kanyang misyon sa bansa noong 2007 at ipinakitang sa kalakhan ay hindi ito tumalima. Inilahad naman ni Leila de Lima, mahusay na dating hepe ng Commission on Human Rights, ang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa – na bagamat nagdiin sa kaso ng mga Ampatuan sa Maguindanao ay sumaklaw sa maraming isyu. Tinanaw naman ni Bobby Tuazon ang prospek ng usapang pangkapayapaan, at ng lipunang Pilipino sa kabuuan, sa ilalim ng rehimeng Aquino – at hindi maganda ang nakita niya.

May Annexes sa dulo ng libro na naglalaman ng magagandang dokumento. Prangkang inihanay ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang mga hakbangin ng rehimeng pinaglingkuran niya para sugpuin ang kilusang rebolusyunaryo. Masinsing ipinakita naman ng artikulong “US Government Roles in COIN,” ang papel ng iba’t ibang departamento ng gobyerno ng US sa kampanyang kontra-insurhensya nito sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ipinasilip naman ng mga pahayag ng Ecumenical Voice for Peace and Human Rights, delegasyon ng mga taguyod ng karapatang pantao, ang pang-internasyunal na paglaban sa OBL at mga paglabag sa karapatang pantao.

Sa pasadang ito, mapapansin ang isang kahinaan: Hindi naglaan ng puwang ang aklat sa kung paano tumulong ang maliliit na grupong pseudo-progresibo sa bansa sa OBL. Paanong ang mga lider nila sa lokalidad ay nagsilbing paniktik ng militar, paanong mahina ang pagkondena nila sa mga paglabag sa karapatang pantao, paanong pinagmumukha nilang masama ang kilusang komunista kasabay ng “pagpapatotoo” na mga prente nga nito ang mga organisasyong inaakusahan. Nagpapasikat pa naman ang mga grupong ito sa mundo, lumilikom ng pinansya. May katulad kaya sila sa karanasan ng ibang bansa? Sa husay ng libro, gayunman, maliit lang ang kahinaang ito.

Magandang halimbawa ang librong ito kung bakit kilala na ang Ibon Foundation sa bansa bilang nakapagturo sa maraming estudyante at mamamayan ng kritikal na pagsusuri at progresibong pananaw, nakapag-ambag sa pagiging aktibista ng kung ilan na ring henerasyon ng kabataan, at patuloy na nagpapaalab sa apoy ng pag-aaral sa lipunan at kasaysayan ng mga progresibo sa bansa. Tatak-Ibon ang libro: progresibo ang perspektiba, komprehensibo ang saklaw sa paksa, matalisik ang iskolarsyip at popular ang porma. Masinop ang pagkakabuo ng koleksyong ito, salamat sa editor; ang mga artikulo – hindi malawig, direkta sa punto, at bihirang nag-ulit ng nasabi na.

Dahil sa husay ng libro, magagawa nitong ihabol sa kamalayan ng mga progresibo sa daigdig ang Pilipinas sa listahang Iraq, Afghanistan, Palestina – na pinakamalulubhang biktima ng karahasan ng US simula noong ilunsad nito ang pandaigdigang “gera kontra terorismo” matapos ang 9/11. Habang ang unang dalawa ay direktang sinakop ng US at ang ikatlo ay sakop ng isang alyado ng US, nominal na malayang bansa ang Pilipinas, kahanay marahil ng ilang bansa sa Latina Amerika. At habang lantad ang salpukang militar at kalagayang gera sa tatlong bansa, nagaganap ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas sa konteksto ng “kapayapaan” ng isang “demokrasya.”

Sa pamamagitan ng librong ito, sinasalat ng bayan ang katawan, dinadama at inaalala ang pinakahuling mga sugat at marka ng tortyur, binabalik-tanawan ang mga dating yugto ng pandarahas, at inihahambing ang lahat sa danas sa dahas ng ibang bansa. Walang makakabasa sa librong ito na hindi makukumbinsi sa kung sino ang salarin: ang imperyalismong US sa pangunahin at ang kasabwat nitong mga lokal na uring naghahari. Hindi unang beses ang Oplan Bantay Laya sa Pilipinas at hindi ito nag-iisa sa buong mundo. Ang masamang balita: hindi rin ito ang huli, hangga’t hindi naibabagsak ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig ang imperyalismo.

19 Hulyo 2010