Balik-tanaw sa muling binubuhay na patay: Kasaysayan ng ROTC sa bansa

Si Pang. Ferdinand Marcos, kabulungan si Hen. Fabian Ver. Isa sa mga produkto ng programang ROTC, si Ver ang pinakamalapit na opisyal ng militar sa nasirang diktador. Siya rin ang pangunahing tagapagpatupad ng madudugo at mapanupil na mga polisiyang militar ng diktadurang Marcos.
Nabubulok
Ang mga katiwaliang isiniwalat niya ay hindi lamang nakakulong sa haligi ng UST. Sa mga panahong iyon, laganap sa katabi pang mga paaralan sa University Belt, at hanggang sa iba pang mga unibersidad, ang gawaing pagbabayad upang mawala ang absences ng isang kadete-estudyante.
Pinapanatili rin ng Corps Office ang tanging karapatan na magbenta ng mga kagamitang kakailanganin para sa mga pagsasanay – mula sa bull cap, t-shirts, unipormeng pangmilitar, combat shoes, sinturon, at iba pang paraphernalia, hanggang sa patches na ikakabit sa uniporme – sa presyong mas mahal kumpara kung mabibili ang mga ito sa labas (liban sa corps shirt na kailangang dala ang pangalan ng paaralan).
Sa loob ng mga pagsasanay, bawal ang magdala ng baon. Kung kaya hawak sa leeg ang mga kadete upang bumili ng makakain at maiinom sa mismong mga ibinebentang meryenda ng corps office – isang captive market ang lumalabas sa hanay ng mga nagsasanay.
Ayon pa kay Palatino, bukas na sikreto noon ang paggamit sa ilang opisyal at kadete ng ROTC para makapangalap ang mga militar ng impormasyon hinggil sa mga kabataang aktibista sa kampus. Napag-alaman nila na sa pamamagitan ng mga programang ROTC sa mga kampus, nakakapagbuo ang militar ng tinaguriang “student intelligence networks” o SIN.
Kung kulang pa ito, isang kulturang palakasan ang mababanaag sa mismong gawi ng mga pagsasanay. Kung may sasakyan ang isang kadete, maaari na rin siyang mawalay sa pagmamartsa sa araw o ulanan kumpara sa mga “infantry” na babad sa mga elemento. May kulturang machismo pa ang itinuturo na lantad sa pangungutya ang mga kadeteng nasa ikatlong kasarian.
At salamin rin ng marahas na kultura na ito ng militar habang nasa loob ng pagsasanay ang isang kadete, maging sa paglabas niya, ang kumitil sa buhay ni Chua.
Kaya naman libong mag-aaral ang kumilos upang wakasan ang mga katiwaliang ito. Malawakang mga pagkilos at panawagan ang umikot sa hanay ng mga estudyante, kasama ang kani-kanilang mga pahayagang pang-kampus.
At noon ngang Hulyo 1, 2001, pinamunuan ng militanteng mga grupo ng kabataan ang lumansag sa kanilang mga hanay sa mismong pagsasanay sa ROTC upang ihayag ang kanilang disgusto sa bulok na sistema ng ROTC at ipanawagan ang lubusang pag-abolis nito. Ang mga islogan na naghahayag ng “Dagdag bayarin, ROTC buwagin!” at “Abolish ROTC!” ang naging battlecry ng kabataan sa araw na iyon.
Ang tagumpay ng pagkilos na ito ang naghimok sa mga mambabatas na lusawin ang ROTC at magsagawa ng mga pagbabago, at isang bagong programa na papalit sa militaristikong programa ng ROTC.
Lazarus project?
Sa ilalim ng Philippine Republic Act No. 9163 na pinirmahan noong Enero 23, 2002, idineklara at pinangalanan ang ROTC bilang National Service Training Program (NSTP). Nakasaad pa rin sa programa ang paghimok sa mga estudyante na sumailalim sa programa upang ibahagi sa kanila ang patriyotismo, nasyonalismo at panlipunang responsabilidad.
Hinati sa dalawang komponent ang NSTP. Sasailalim sa programang pangsibiko ang mga estudyanteng mapapasailalim.
Ngunit sa programang ito, mandato na pati sa mga kababaihan ang programa. Kahit pa isang taon na lamang ang bubunuin nila upang matapos sa programa, tila dumoble o mas dumami pa ang mapapailalim sa sistema nito.
Samantala, nananatiling buhay pa rin ang ROTC sa ilalim ng pangalang MS (Military Science) bagaman kumonti ang mga estudyanteng sumasailalim rito. Umalma pa rin ang mga estudyante laluna ang mga lalaki dahil kakaunti lamang ang puwang na ibinibigay para sa Literacy Training Service at Community Welfare Training Service, ang dalawang komponent ng NSTP. Walang pamimilian ang mga kalalakihan kundi sumailalim pa rin sa “opsiyonal” na pagsasanay pang-militar ng MS. Ito, matapos isabatas ang “optional and voluntary” na clause ng ROTC ayon sa bagong batas.
Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit, nito lamang taon ay tila si Lazaro na bubuhaying muli ang ROTC. Isinusog ni Gullas angpagpapabalik sa mandatorya ng (ROTC) at lusawin ang National Service Training Program (NSTP) para sa mga mag-aaral ng mga kolehiyo at unibersidad. Inulit niya ang dati nang isinasaad ng ROTC na pagtuturo ng patriyotismo bilang mahalagang tungkulin nito sa mga kabataan.
Ngunit hindi ito ang naging patunay ng nananatiling sistema ng MS sa kasaluluyan nitong estado sa mga paaralan. Napaulat nang noon pang 2006, nagpalaganap ang mga ito ng mga polyeto na pinipigilan ang mga estudyante na sumali sa mga pagkilos ng noo’y isinusulong na 300% tuition hike sa Unibersidad ng Pilipinas, at inaakusahan ang mga lider ng mga protesta na “tagarekluta ng NPA.”
Isa pa, lumalabas na ito ay bahagi ng pagtugon sa problema ng AFP. Ayon mismo kay DND Spokesperson Eduardo Batac, ang naturang panunumbalik ng programa ay tutugon sa suliranin ng AFP sa kakulangan ng tauhan bukod sa kanilang “kakarampot na badyet.”
Ngunit mariing binatikos ito ni Palatino. “Una, ang pagmomodernisa ng AFP sa pamamagitan ng public-private partnerships. Ngayon ito naman. Mag-uumpisa silang bumuhay ng batalyones ng laruang sundalo mula sa abo para sa ikabubuhay ng isang insitusyong militar,” aniya.
Handa ang mga kabataan, sa pangunguna ng militanteng mga organisasyon nila, na harangin ang panukala ni Gullas. Pinamumunuan ng Kabataan Party-list ang laban na ito sa Kamara, habang patuloy ang mga aktibistang kabataan na mangalap ng mga lagda upang humiling sa mga estudyante, magulang at mga guro na tutulan ang panunumbalik ng ROTC sa mga pamantasan.
Lahat ng ito, upang hindi na maulit ang sinapit ni Mark Welson Chua sa kalupitan ng isang programang bulok at nararapat lamang na panatilihing patay.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8937














[...] This post was mentioned on Twitter by Vanessa Faye Bolibol, pinoy weekly. pinoy weekly said: Bago sa PW Online: Balik tanaw sa muling binubuhay na patay: kasaysayan ng ROTC sa bansa http://bit.ly/broYn5 [...]