Pinoy Weekly

Gobyerno ni Aquino III: Patuloy na nakatali sa US?

Bisita ni US Pres. George W. Bush sa Pilipinas, kasama si dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ipagpapatuloy lamang ni Pang. Aquino ang "espesyal na relasyong" ito sa pagitan ng dalawang bansa.

Bisita ni US Pres. George W. Bush sa Pilipinas, kasama si dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ipagpapatuloy lamang ni Pang. Aquino ang "espesyal na relasyong" ito sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasalukuyang mga interes ng Amerika

Naghahanap ng kagyat na sagot ang tanong kung ano ang kasalukuyang mga interes ng Amerika sa pagkapangulo ni Aquino III at kung anu-ano ang posibleng “mga pangako” na mapag-uusapan para itanghal ang “historikong ugnayan” ng dalawang bansa. Nagluluwalng mga tanong ang umiiral na resesyong pang-ekonomiya, lumalaking kawalang-trabaho, at pagkaltas sa mga badyet o pagbabawas sa trabaho sa US kung gaano pa kaliit ang tulong pang-ekonomiya o pang-militar na nalalabi para sa Pilipinas at ibang bansa – at kung ano ang kapalit nito.

Ipinapakita ng huling pagbisita ng mga opsiyal ng US sa Pilipinas ng nagpapatuloy na interes nito sa bansa sa konteksto ng mga interes na geo-estratehikong Amerika sa rehiyon at sa iba pang panig ng mundo. Nakatatak ang di-lantad na balangkas ng mga layuning ito sa National Security Strategy (NSS, Mayo 2010) ni Presidente Barack Obama ng US at sa bagong gabay sa kontra-insurhensiya ng militar ng US na inilabas nitong Enero 2009. Bagamat inuulit ng dalawang doktrina ang pangangailangang panatilihin ang akses ng US sa mga rekurso ng daigdig, lalo na sa langis at iba pang pagkukunan ng enerhiya, idinidiin din nila ang karapatan ng Amerika na maglunsad ng nagsasarili at nauunang (pre-emptive) pag-atake sa “terorismo,” mga panggulong rehimen, at mga lumalakas na kapangyarihan, tulad ng Tsina, na gustong hamunin ang kapangyarihan sa daigdig ng US.

Nitong huli, nagpakat si Obama ng mga pwersang laan sa espesyal na mga operasyon (special operations forces, SOF) sa Pilipinas at 69 pang bansa. Sang-ayon ang nasabing pagpakat sa NSS at bagong patakarang kontra-insurhensya na sa esensya ay nagpapatuloy sa mga programang kontra-insurhensya ng US sa maraming bansa, lalo na sa mga “estadong nabigo o mahina” at nang katambal ang mga gobyerno at militar ng mga bansang ito. Nagbibigay ang programang kontra-insurhensiya, gayunman, ng kapantay na halaga sa paggamit ng mga elementong sibilyan tulad ng mga misyong humanitaryan, pagpapalahok sa mga NGO, civil society, at mga migranteng komunidad; at ang lumalaking papel ng USAID at iba pang ahensiya para isulong ang “pamamahala, transparency, paghahari ng batas, at paglaban sa katiwalian.” Pero hindi ito dahil naniniwala ang parehong dokumento sa demokrasya kundi nakikita nila ang pangangailangang panatilihin ang pampulitikang istabilidad at pawiin ang mga “kaaway na panggulo” dahil mahalaga ang mga ito sa imperyalistang interes ng US sa mundo.

Sa ilalim ni Arroyo, nagtagumpay ang US sa pagpasok ng mga puwersa at kampong militar nito sa Pilipinas partikular sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Zamboanga. Sinasabi ng US na ang Pilipinas, lalo na ang Mindanao, ay bahagi ng “arko ng instabilidad” sa Timog-silangang Asya at sa iba pang bahagi ng Silangang Asya kung saan dumadaan ang langis at iba pang estratehikong kalakal ng US sa South China Sea. Tinutunggali ngayon ng US ang pagkamkam ng Tsina sa bahagi ng dagat; ayon dito, “bukas na teritoryo” ang nasabing lugar.

Konsistent

Walang kuwestiyon na mananatiling konsistent si Aquino III sa tradisyunal na pagsuporta sa presensiyang militar ng US sa bansa at buong rehiyon. Gayundin, inilinaw niyang sinusuportahan niya ang kontrobersiyal na Visiting Forces Agreement (VFA) at ipinagpatuloy pa ang kampanyang kontra-insurhensiya ni Ginang Arroyo na sinuportahan ng US, sa kabila ng pagkamatay ng mga aktibista at iba pang abuso.

Itinutulak ng impluwensiyal na maka-Kanang think tank sa US, partikular ng Heritage Foundation, si Obama na ipagpatuloy ang suporta sa programang modernisasyon ng AFP nang may mas malaking pondo. Nakatuon ang ayuda sa modernisasyon sa pag-angat ng kakayahan ng Pilipinas sa teritoryal na depensa laluna sa mga isla ng Spratly na inaangkin ng China at iba pang bansa.

Sa paglakas ng alyansang depensa ng US tungo sa tahimik na pagtindi ng presensiyang miitar nito, magiging piyon ang Pilipinas sa plano ng Pentagon na pigilan at palibutan ang China. Kung magkakamali si Aquino III na bumigay sa presyur, nanganganib siyang matulak ang Beijing na putulin ang ugnayang kalakal nito sa Manila, gayundin ang lumalaking pamumuhunan nito sa pagmimina, electronics, at iba pang industriya. Maaaring balikan ito ng China sa pinag-aagawang mga isla ng Spratly.

Bahagi ng mga industriyang pandigma ng America ang estratehikong operasyong militar ng gobyernong US sa Pilipinas, sa balatkayo ng paglaban sa terorismo. Sinusuportahan sa mga industriyang ito ang malaking paggastos sa depensa sa gitna ng resesyon. Tanging sa Boeing, at iba pang korporasyong kalahok sa pakikidigma nakaasa na makakaahon at nakakakuha ng empleyo ang US sa panahon ng resesyon. Kumikita ang US sa presensiya ng mga puwersa nito sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng engineering, konstruksiyon, electronics, aircraft, shipping, at iba pang korporasyong nakatuon sa war manufacturing. Sa buong mundo, tumutulong sa pananatili ng makapangyarihang military-industrial complex ng US ang mga puwersa at instalasyon nito at ang giyera ng interbensiyon nito sa Afghanistan, Iraq, at iba pang lugar.

Mistulang promosyon ng mga industriyang pandigma ng US at pangangalakal ng weapons of mass destruction at mga giyera ng interbensiyon sa mundo ang pagpunta ni Aquino III sa Washington DC. Inaasahang makakakuha ng pinansiyal at pangmilitar na ayuda ang bagong administrasyon sa pagsumpa ng suporta sa US. Pero matatali si Aquino III – tulad ng nakaraang mga pangulo ng Pilipinas – sa isang relasyong panginoon-alipin.

Napapahamak ang potensiyal na produktibong ugnayan ng bansa sa ibang bansa sa patuloy na eksklusibong ugnayan ng gobyernong Pilipino sa America. Bukod dito, lumalalim ang neo-kolonyal na pagkakatali nito sa dating kolonyal na amo. Katunayan, lalong naipagkakait nito sa mga mamamayang Pilipino ang karapatang magpasya sa sarili at karapatang di pakialaman ng isang dayuhang bansa. Samantala, ipinapataw ng mga ahensiyang multilateral na naiimpluwensiyahan ng US ang mga mapapait na hakbang pang-ekonomiya. Tumutulong ang relasyong ito sa pakikialam ng US sa mga operasyong kontra-insurhensiya na nagtatransporma sa Armed Forces of the Philippines trungo sa pagiging papet na hubo ng Pentago at mistulang maimpluwensiyang puwersa sa pangulo ng Pilipinas.

Nangako ng pagbabago ang kandidato sa pagkapangulo na si Aquino sa sistema ng paggogobyerno. Ang lumalabas, kabaliktaran ang nagaganap sa pakikipag-ugnayan nito sa US.

Kung gayon, may mabigat na dahilan ang patriyotikong mga puwersa sa Pilipinas, kabilang ang progresibong mga elemento sa Kongreso, na manawagan ng pagbasura sa VFA at iba pang di-pantay na mga kasunduan sa US at wakasan ang presensiyang militar ng US. Pangkalahatang tungkulin ngayon na ipaglaban ang isang polisiya ng independiyenteng ugnayang panlabas ng Pilipinas bilang mahalagang elemento sa paggogobyerno.

Salin ng Pinoy Weekly Online mula sa wikang Ingles. Anumang kamalian dulot ng pagsasalin ay nagmula sa amin.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8986

Posted by on Aug 22 2010. Filed under (Analisis), Istorya ng Linggo, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes