Pinoy Weekly

Pakikiisa, pakikisangkot

Rachel Corrie (1979-2003)

Rachel Corrie (1979-2003)

Rachel at Monique: Paralelismo

Sa kabila ng pamilyaridad natin sa naratibo ng kabayanihan, kakaiba at kahanga-hanga ang My Name is Rachel Corrie. Kaalinsabay ng mismong kuwento ni Rachel ang naratibo rin ng isang aktres at artistang si Monique Wilson: Mistulang lumaki sa teatro, sumikat sa pagganap sa Miss Saigon, ngunit sa pagtakbo ng panaho’y makikitaan ng unti-unting pagyakap sa “seryoso,” makabuluhan at (sabihin na nating) pulitikal na mga tema sa kanyang mga isinasadula. Si Wilson at ang kanyang New Voice Company ang nagdala sa bansa ng The Vagina Monologues, isang pagtatanghal na papuri sa dangal at paglaban ng kababaihan sa harap ng pagsasamantala, diskriminasyon, at karahasan.

Ngunit sa pagdiriwang ng kanyang ika-30 taon sa pagtatanghal, tunay na kakaiba ang tinahak ni Wilson. Lantarang pulitikal ang dula, at pumapanig sa isang pananaw at paninindigan ukol sa sigalot sa Palestine. Buti na lang, wala sa Mindanao ang Palestine; hindi mararanasan ni Wilson ang naranasan ng mga mandudula’t arista sa New York sa US, Toronto sa Canada, at iba pang lugar, nang di rito payagan ang pagpapalabas ng dula dahil sa “mapanghati at kontra-Hudyong” tema nito.

Kahit pa. Kahanga-hanga ang tapang ni Wilson na isadula ang My Name is Rachel Corrie. Ginamit niya ang buong 30-taong karanasan niya sa teatro sa pagganap sa tanging karakter ng dula na si Rachel. Katangi-tangi ang Amerikanong accent ni Wilson, ngunit mas bukodtangi ang saklaw ng emosyong ipinakita ng artista bilang Rachel Corrie: ang ligaya ng pagkabata, ang self-consciousness ng pagiging aspiring na manunulat at intelektuwal, ang excitement sa pagtungtong sa bagong lupain, ang ngitngit sa pagkasaksi sa karahasan, ang takot sa kahihinatnan ng kanyang paglalakbay.

Saksi sa pagkamulat

Marahil, para sa maraming odyens, mahirap umupo sa mahigit isang oras ng monologo. Laluna’t kalahati nito’y monologo ng pagkamulat ng isang tinedyer sa mundo. Pero marahil dahil niyakap ni Wilson ang buong pagkatao ng persona – sa mga panayam, sinabi ng aktres ang matagal na niyang interes sa pulitika sa Gitnang Silangan – naging kaaliw-aliw ang pakikinig. Hindi siyempre nakasama na talagang mahusay na manunulat – espontanyo, katawa-tawa, personal – si Rachel Corrie.

Paminsan-minsang sinasabayan ng mga imahe ang monologo ni Rachel. Ngunit natapos ang monologo sa isang audio recording ng isang eyewitness sa malagim na sinapit ni Rachel noong Marso 16, 2003. Walang imahe, marahil, ang aangkop. Sa isip ng manonood, malinaw ang imahe ng pagkadurog ng katawan ni Rachel. Bilang dénouement, ipinalabas ang bidyo ng limang-taong gulang na Rachel, sa isang klase, marahil, nagtatalumpati hinggil sa dalisay niyang pagmamahal sa kapwa, hinggil sa hangarin niyang “matapos ang kagutuman sa taong 2000.”

Kakaiba ngang indibidwal si Rachel Corrie. Sa pamagat ng dula, maipapamalas na ang intensiyon ng mga mandudula na itangi si Rachel bilang bayani. Pero sa kabilang banda, pangkaraniwan siya. Karaniwang middle class, karaniwang kabataang Amerikano, karaniwang taong kumawala mula sa pagkasuklob ng kanyang kisame, ng kanyang tahanan, ng kanyang pamilya, ng kanyang bansa, upang makiisa at makisangkot.


Bidyo ng limang-taong gulang na si Rachel Corrie, ipinalabas sa dulo ng dula/monologong My Name is Rachel Corrie

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9257

Posted by on Sep 6 2010. Filed under Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Pakikiisa, pakikisangkot”

  1. [...] Unang lumabas ang rebyung ito sa Pinoy Weekly Online. [...]

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes