Istorya ng Linggo

Palpak, malayo’t masikip na pabahay sa Montalban, Rizal


Gumuguhong pader, masisikip na bahay, malayo sa kabuhayan. Ito ang buhay na inilalako ng pamahalaang Aquino sa mga mamamayan ng Sitio San Roque, Quezon City na gusto nilang itaboy pabor sa “Quezon City Central Business District.”

Bahay ito?

Sa pag-iikot ng Pinoy Weekly sa relokasyon sa Montalban, nakumpirma ang kinakakatakutan ng mga residente ng San Roque: palpak ang mga bahay, sobrang liit at masikip, at malayung malayo sa kabuhayan nila sa Quezon City at Maynila.

Bukod kay Aling Jennalyn, nakausap din ng Pinoy Weekly sina Irish Umandal, Gemma Rodrigo at Marissa Montana. Lahat sila, may matinding diskuntento sa pabahay ng NHA sa Montalban.

Itinuturo ng isang nanay ang gumuguhong pader sa kanyang bahay. (Macky Macaspac)
Itinuturo ng isang nanay ang gumuguhong pader sa kanyang bahay. (Macky Macaspac)

Natakot din si Irish para sa kanyang mga anak, kaya nahikayat lumipat noong Agosto 27. “Meron kaming kahit konting paninda, pero kulang pa rin. Nagtatrabaho sa construction sa Balara (Quezon City) ang asawa ko,” aniya. “Mas gusto ko doon (San Roque) kasi doon na ako lumaki, nagkaasawa at anak. Malayo talaga rito, pamasahe pa lang, makakabili ka na ng bigas.”

Inirereklamo naman ni Gemma ang mamahaling tubig at kuryente sa Montalban. Hindi sa Meralco o sa Manila Water (o Maynilad) nanggagaling ang tubig nila, kundi naka-submeter sa pribadong distributor. “Problema rito ang tungkol sa ilaw at tubig. p20.17 ang cubic meter ang tubig, napakalaki para sa amin. Kung di kami kakayod wala kaming kakainin, kaya dapat tumulong sa asawa na nagtatrabho sa maynila, hirap na kami, lalo pang binabaon sa kahirapan. Sub-meter pa — para bang pinaghanapbuhayan kami,” himutok ni Gemma.

Itinuturo ng ilang residente ang isang “Rex Edralin” na siyang nagrekluta umano sa kanila na lumipat sa Montalban. Hinala nila na siya umano ang “nakikihati sa mga singil sa kuryente at tubig.” Pinuntahan ng Pinoy Weekly ang bahay ng naturang tao, ngunit tumanggi itong makipag-usap. Gayunman, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng bahay ni  Rex sa ibang mga bahay: Malaki, may pangalawang palapag. Mistulang palasyo sa pagitan ng masisikip at maliliit na mga bahay-relokasyon.

Ano kaya ang magiging hitsura ng lugar na ito limang taon mula ngayon? (Ilang-Ilang Quijano)
Ano kaya ang magiging hitsura ng lugar na ito limang taon mula ngayon? (Ilang-Ilang Quijano)

Maraming bayarin

Samantalang tuluy-tuloy ang paniningil sa kuryente’t tubig, pansin ng mga residente na palaging nawawala ang kuryente. Laging brownout, dahil di raw kaya ng mga transformer ang pagseserbisyo ng kuryente sa libu-lubong bahay sa lugar.

Pati ang kalidad ng mga bahay, tila may problema. Nakita ng Pinoy Weekly ang mahinang klase ng mga pader (“Pag nagpukpok ka ng pako, parang guguho ang pader,” kuwento ng isang residenteng tumangging pangalanan.), maiiksing pinto (“Pumapasok ang daga, aso, pusa, pati anggi ng ulan”), butas-butas na yero, at bukas na poso-negro — ang halimuyak umaabot hanggang sa magkabilang dulo ng hanay ng mga bahay.

“Kapag may butiki, laglagan ang semento, parang mahina ang semento nila. Tumutulo yung bubong tuwing umuulan,” sabi ni Marissa, na limang buwan nang nakatira sa lugar.

Konstruksiyon sa masikip na ngang mga bloke ng bahay. (KR Guda)
Konstruksiyon sa masikip na ngang mga bloke ng bahay. (KR Guda)

Pero ang pinakamalubhang problema pa rin sa lugar ang kawalan ng hanapbuhay para sa bagong mga residente ng relokasyon sa Montalban. Napansin ng Pinoy Weekly na bawat bloke ng bahay ay tatlo o apat na tindahang nakatayo. Ito na lang, ayon sa maraming residente, ang maaaring ihanapbuhay ng marami sa kanila. Pero sa dami ng tindahan, kulang na kulang ang kostumer. Kulang na kulang ang kostumer na kayang bumili.

“May bahay ka ngang tinuturing, wala namang ibang trabaho. Wala rin. Dito ko naranasan ko yung walang ulam. Panis-panis na kanin, tinutubigan lang, magkalugaw lang. Yung bike ko nabenta-benta ko na, makakain lang,” kuwento ng isang 50-anyos na lalaking tumangging pangalanan.

Sa kabila ng mga bayarin, kailangan ding bayaran ng mga residente sa loob ng 30 taon ang bahay at lupa. Ayon sa dokumentong nakalap ng Pinoy Weekly na mula sa NHA, aabot ng P140,000 ang kailangang bayaran ng bawat residente.

Ito ang buhay sa Montalban/Rodriguez, Rizal na iniaalok ng gobyerno sa mga mamamayan ng San Roque. Kapalit ng pagpapalayas sa kanila sa lupaing gagawing malls, call centers, parke, opisina ng mga korporasyong multinasyunal, at iba pang imprastraktura ng ipinaplanong “Quezon City Central Business District.”

Aso lang ang makakatagal? Bukas na poso negro sa isa sa siksikang mga bahay. (Macky Macaspac)
Aso lang ang makakatagal? Bukas na poso negro sa isa sa siksikang mga bahay. (Macky Macaspac)

May ulat sina Kenneth Roland A. Guda, Ilang-Ilang D. Quijano at Macky Macaspac