Istorya ng Linggo

Katarungan, sigaw pa rin ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita


Patuloy ang pagtangis ng mga kaanak ng biktima ng masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004. Ang masama, niyuyurakan ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang alaala ng mga biktima sa patuloy na panloloko at panunupil sa mga magsasaka ang asyenda.

Serye ng video stills mula sa raw footage ng Mayday Productions sa masaker sa Hacienda Luisita noong Nob. 16, 2004. Sa pinakababang <i>frame</i>, ang sugatang si Jesus Laza.
Serye ng video stills mula sa raw footage ng Mayday Productions sa masaker sa Hacienda Luisita noong Nob. 16, 2004. Sa pinakababang frame, ang sugatang si Jesus Laza.

Sa tuwing maaalala ni Federico “Tatay Pedring” Laza ang araw na iyon, Nobyembre 16, 2004, hindi niya maiwasang maluha.

Hindi siya simpleng nalulungkot. Matindi ang hinanakit niya sa gobyerno, sa nakaraan at kasalukuyang administrasyon. “Masakit isiping anim na taon na at wala pa rin kaming naririnig na nakulong o nakasuhan man lang sa mga pumaslang sa aming mga anak.”

Isa ang anak niyang si Jesus sa mga manggagawang bukid na nagwelga noong Nobyembre 6, 2004. Aabot sa P9.50 ang nakukuhang sahod nila mula sa manedsment ng Hacienda Luisita Inc. Ilegal pang tinanggal ang mahigit 300 manggagawang bukid.  Binarikadahan ng mga manggagawang bukid sa pangunguna ng United Luisita Workers’ Union (ULWU) ang mga tarangkahan ng asukarera. Sumama din sa welga ang mga mangagawang kasapi ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (Catlu) dahil naman sa pagbagsak ng negosasyon sa Collective Bargaining Agreement o CBA sa pagitan nila at ng manedsment.

Nobyembre 10, naglabas ng Assumption of Jurisdiction ang Department of Labor and Employment sa ilalim ni dating Sek. Patricia Sto. Tomas. Inayudahan ng militar at pulisya ang pagbabantay sa asukarera. Sunud-sunod ang tangkang pagbuwag sa pinagsamang piketlayn ng mga manggagawa at manggagawang-bukid.

Aabot sa tatlong batalyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at Northern Luzon Command (Nolcom) ng Armed Forces of the Philippines ang lumusob sa piketlayn upang buwagin ito. Sa sumunod na mga araw naghagis sila teargas at nambomba ng tubig mula sa mga trak ng bumbero, pero nabigong mabuwag ang welga. Noong Nobyembre 16, pinaulanan ng bala ang piketlayn ng mga manggagawang bukid  at manggagawa ng asukarera. Marami ang tinamaan, kabilang si Jesus.

“Noong tumimbuwang ang anak ko at tinatawag niya ako, sinabi niya sa akin, ‘Tay, ’wag kang bibitiw, tuloy ang laban hanggang sa tagumpay’,” pagbabalik tanaw ni Tatay Pedring sa naganap na masaker. Ayon sa kanya, matapos magsalita ang kanyang anak, nagsalimbayan ulit ang mga putok at napilitan siyang umatras.

“Kaming nasa piketlayn talaga ang pinupuntirya ng mga putok,” aniya.

Isa si Jesus sa pitong nasawi, sa tinagurian ngayong masaker sa Hacienda Luisita. Mahigit isandaan ang sugatan at mahigit isandaan din ang hinuli at ikinulong. Pero muling naitatag ang welga. Kalauna’y pito pang manggagawang bukid, lider, at tagasuporta ang naging biktima ng pamamaslang.

Nalibing na kaso?

“Matagal nang naisampa ang kaso sa Ombudsman, ngunit hindi namin alam kung ano na ang nangyayari, hindi umuusad ang kaso nang pagmasaker,” pagpapatuloy na kuwento ni Tatay Pedring.

Bago maisampa ang kaso sa Ombudsman, nagkaroon ng serye ng public hearing sa Senado matapos ang pagkondena at pagtawag ng imbestigasyon hinggil sa insidente ni Sen. Jinggoy Estrada.  Dumalo ang mga opisyal ng AFP at PNP maging si dating Sek. Patricia Sto. Tomas ay dumalo sa nasabing imbestigasyon.  Bukod dito may hiwalay ding imbestigayon sa kamara. Subalit walang nangyari sa lahat ng imbestigasyon na inilunsad.

Isinampa ng kaanak ng mga biktima ang kasong kriminal at administratibo sa Ombudsman noong Enero 2005. Kasama sa respondent ang mga matataas na opisyal ng militar, PNP, DOLE at ang pamilyang Cojuangco-Aquino. Subalit, sa mga sumunod na taon, isa lang na resolusyon ang ipinalabas ng Ombudsman. Tinanggal bilang respondent sa kaso ang mga opisyal ng gobyerno tulad ni Sto.Tomas, at maging ang pamilyang Cojuangco -Aquino ay inabsuwelto ng resolusyon ng Ombudsman.

Para sa maraming kaanak ng biktima, malaki ang pananagutan ng pamilyang Cojuangco sa nangyaring masaker. “Hindi dapat naabsuwelto ang pamilyang Cojuangco. Sa harap ng asukarera naganap ang pangyayari, hindi sa labas ng asyenda. Kaya’t dapat lang na managot ang mga Cojuangco,” aniya.

Idinagdag pa niyang hindi sila naniniwalang walang responsabilidad si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. “Siya ang kongresista sa ikalawang distrito ng Tarlac noon, at ang Hacienda Luisita ay saklaw ng distrito niya,” ani Tatay Pedring. Dati nang nagsilbing pinuno ng seguridad sa asyenda si Aquino III. Matapos ang masaker, nagsilbi pa siyang tagapagsalita ng asyenda at ng pamilya Cojuangco.

“Hindi naman maaaring makapasok ang mga militar at pulis doon sa pag-aari ng lupain ng mga Cojuangco, kaya imposibleng hindi niya malaman at imposibleng wala siyang kinalaman sa masaker,” aniya.

Nanatili na lamang sa mababang mga elemento ng pulisya at militar ang nasampahan ng kaso. Ngunit maging sila, malaya pa rin hanggang ngayon. Ayon sa mga nakaligtas sa masaker, hindi na rin nila alam ang resulta ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights.