Istorya ng Linggo

Hinaharap ng karapatang pantao sa ilalim ni PNoy


Unang araw pa lamang ng Disyembre at unang araw ng paggunita ng Human Rights Week. Marahas nang binuwag ng kapulisan ang protesta ng mga drayber ng kuliglig sa Maynila. Sa kabila ng pandaigdigang panawagan na palayain ang Morong 43, nanatili silang nakapiit. Sumisigaw na katarungan ng mga taga-Hacienda Luisita at iba pang biktima ng nagdaang rehimen. May katarungan ba sa “daang matuwid?”

Aya Santos ng Desaparecidos. Dahil sa pamamaraan ng pagsimula ng termino ni Aquino, walang inaasahang mabuting pagbabago ang mga grupong pangkarapatang pantao. (Macky Macaspac)
Aya Santos ng Desaparecidos. Dahil sa pamamaraan ng pagsimula ng termino ni Aquino, walang inaasahang mabuting pagbabago ang mga grupong pangkarapatang pantao. (Macky Macaspac)

Tumitinding militarisasyon

Habang pinapanday ng mga ahensiyang panseguridad ng pamahalaang Aquino ang umano’y ipapalit nila sa bigong programang kontra-insurhensiya, nagbigay ng ekstensiyon ang gobyerno sa Oplan Bantay Laya. Diumano, dahil sa ekstensiyon namamayagpag ang mga militar sa paghasik ng takot lalo na sa kanayunan.

Ayon sa ulat ng Karapatan, sa pagsubok umano na lipulin ang rebolusyonaryong mga puwersa habang binabantayan ng Armed Forces of the Philippines ang malalaking dayuhan at gobyernong interes sa kanayunan. Diumano’y nagdudulot ito ng  maraming mga paglabag sa karapatang pantao.

Ibinigay na halimbawa ng grupo ang paglikas ng mga mamamayan sa Brgy. Mahaba, Marihatag, Surigao del Sur, noong Agosto. Ayon sa Karapatan, napilitang lumikas ang aabot sa 900 katao, dahil sa takot matapos mamalagi at magtayo ng kampo ang mga militar sa ilalim ng 36th Infantry Battalion at karagdagang puwersa mula sa 75th IB.

Nawalang parang bula ang dalawang magsasaka matapos magpaiwan ang isa upang asikasuhin ang pananim at mag-aani ang isa. Ayon sa mga kamag-anak ng biktimang sina  Agustito Ladera at Renato Deliguer, nakatanggap sila ng impormasyong may dalawang katao na inaresto ang mga militar at dinala sa estasyon ng pulis. Diumano, hindi pinayagan ang mga kaanak na hanapin ang mga biktima sa loob ng mga kampo ng pulis at militar.

Bago lumikas ang mga taga-barangay Mahaba, diumano’y pinipilit silang paaminin na sila ay kasapi ng mga rebelde.  Sinusuhulan umano sila upang “mangumpisal.”

Ayon pa sa ulat ng Karapatan, aktibo diumano ang pagrerekluta sa mga menor-de-edad sa mga kanayunan.  Ibinigay na halimbawa ng Karapatan ang karanasan ng isang 15-taong-gulang na lalaki, matapos umanong barkadahin ay inalok na maging kasapi ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) isang paramilitary group na direktang pinamumunuan ng AFP.

Matapos umanong tanggihan ng mga magulang ang pagrekluta, tinortyur ang nasabing menor-de-edad  na naging sanhi nang pagkawala ng huli sa katinuan (Basahin ang kaugnay na artikulo).

Iba pang mga kaso ng paglabag

Maliban sa mga kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, sapilitang pagkawala, ilegal na pag-aresto at tortyur, nakapagtala din umano ang Karapatan ng iba pang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng gobyernong Aquino.

Diumano, mayroong apat na biktima ng frustrated killings, 29 na biktima ng illegal search; 33 biktima ng violation of domicile; 40 ang biktima ng divestment of property;

Mahigit 3,000 ang biktima ng threat/harassment/intimidation; lima ang biktima ng forced/fake surrender; pito ang biktima ng  “Use of Civilians in Police and/or Military Operations as Guides and or Shield”; 754 ang biktima ng  “Use of schools, religious and other public places for military purposes.”

Sa pagtingin ng grupong Karapatan, lumalabas na walang magaganap na pagbabago sa anim na taong panunungkulan ni Aquino. Sa kabila umano ng retorika  ng pangulo hinggil sa pagtataguyod niya ng karapatang pantao, wala umanong malinaw na programa hinggil sa pagsawata sa mga abuso ng mga armadong ahente ng estado.

Sinasalamin diumano nito ang kawalang interes ng kasalukuyang administrasyon na mapabuti ang kalagayan ng karapatang pantao. “Malinaw ito sa pagtrato ng administrasyon sa kaso ng Morong 43,” ani Enriquez. “Kita ito sa pag-aatubiling palayain ang mga manggagawang pangkalusugan, kahit inamin ng pangulo ang pagiging depektibo ng kaso.”

Sa kabila nito, tinaasan ng administrasyong Aquino ang badyet ng militar. Halos doble ito kumpara noong nakaraang mga taon. Kasabay ng pagpanday ng bagong programang kontra-insurhensiya upang ipalit sa bigong Oplan Bantay Laya I & II, patumpik-tumpik naman ito sa usapang pangkapayapaan.

Isa sa mga pangako ni Aquino noong halalan ang paghabol at pagpapanagot kay Arroyo. Subalit hanggang sa kasalukuyan, walang naisampang kaso sa mahigit 1,000 kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang. Gayundin, walang ginagawang hakbang ang Pangulo sa mga alegasyon ng pandarambong ng nakaraang administrasyon.

Kahit anim na buwan pa lamang ang administrasyong Aquino, pinasilip na umano nito ang mukha ng “daang matuwid”: ang daan ng pampulitkang panunupil, pagsasamantala at kawalang-hustisya.