Istorya ng Linggo

Hinaharap ng karapatang pantao sa ilalim ni PNoy


Unang araw pa lamang ng Disyembre at unang araw ng paggunita ng Human Rights Week. Marahas nang binuwag ng kapulisan ang protesta ng mga drayber ng kuliglig sa Maynila. Sa kabila ng pandaigdigang panawagan na palayain ang Morong 43, nanatili silang nakapiit. Sumisigaw na katarungan ng mga taga-Hacienda Luisita at iba pang biktima ng nagdaang rehimen. May katarungan ba sa “daang matuwid?”

Sa suri ng Karapatan, hindi humina, bagus ay tumindi, ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng bagong Pangulo. (Macky Macaspac)
Sa suri ng Karapatan, hindi humina, bagus ay tumindi, ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng bagong Pangulo. (Macky Macaspac)

Sirang plaka na pangako ng “daang matuwid.” Sistematiko pa rin ang paglabag ng karapatang pantao. Unti-unting nahuhubad ang pangakong pagbabago, tungo sa pagpapatuloy ng pamana ng rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo: ang karahasan ng estado, pampulitikang panunupil at pang-ekonomiyang pananamantala.

Ito ang nilalaman nang taunang ulat ng grupong Karapatan para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Disyembre 10.

“Nalampasan ng administrasyong Aquino ang 18 kaso ng pagpatay sa huling anim na buwan ni Arroyo,” ayon kay Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan.

Naitala ng Karapatan ang 20 kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang mula Hulyo hanggang Oktubre. Bukod pa rito, nakapagtala din umano ang grupo ng dalawang biktima ng sapilitang pagkawala, 16 na biktima ng tortyur, 23 biktima nang arbitrayong pag-aresto at mahigit 900 sibilyang biktima ng sapilitang paglikas dahil sa militarisasyon.

Mga biktima ng pamamaslang

Sa 20 kaso ng pagpatay, diumano’y labing tatlo sa mga ito ang kasapi sa mga organisadong grupo. Pinakamataas ang sa sektor ng magsasaka, na mayroong pitong biktima. kasapi ang lahat ng militanteng samahan ng mga magsasaka, ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Isang linggo matapos ang inagurasyon ni Pangulong Aquino, naitala ang unang kaso ng pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino noong Hulyo 5. Binaril at napaslang si Fernando Baldomero sa harapan ng kanyang bahay sa Estancia, Kalibo Aklan, sa harapan ng kanyang 12-taong-gulang na anak.  Si Baldomero ay isang konsehal sa bayan ng Lezo, Aklan at kasapi ng Bayan Muna at Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya (Selda).

Apat na araw matapos paslangin si Baldomero, sumunod na pinaslang ang lider ng Alyansa ng Magbubukid na Nagkakaisa sa 3,100 Ektarya sa Fort Magsaysay Military Reservation (Almana 3100) na si Pascual Guevarra. Ayon sa Karapatan, halos isang beses kada-linggo ang umano’y nagaganap na pamamaslang. Tulad ng pagpaslang kay Casiano Abing noong Agosto 25 at Reynaldo Labrador noong Setyembre 3.

Morong 43, iba pang bilanggong pulitikal

Samantala, 10 buwan nang nakapiit ang mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43. Subalit hindi pa rin sila napapalaya.

Dumaan na ang kaso sa ilang rebyu: una sa Department of Justice, at sumunod sa legal team ng Malakanyang.  Inamin na din ng pangulo na ang kaso ng Morong 43 ay depektibo, subalit tila mas pinapaboran ng pangulo ang sentimyento ng mga militar. Binigyan kasi ng amnestiya ang detinidong mga sundalo na kalahok sa tangkang kudeta umano noong 2003 at 2006. Pero nanatiling tahimik si Aquino sa 43 manggagawang pangkalusugan na detinido.

Kinatigan ng maraming progresibo, pulitiko at eksperto ang paninindigang ilegal ang pag-aresto sa 43 at dapat nang palayain. Isa sa pinakahuling nagsalita si Sen. Joker Arroyo, na nagsabing di hamak na mas makatarungang palayain ang Morong 43 kaysa mga detinidong sundalo ng grupong Magdalo.

“How can the administration so palpably favor one group, the military rebels, and at the same time consign the other group – civilian suspects – at the mercy of their military captors?” pahayag ni Sen. Arroyo.

Ayon kay Enriquez, sa halip na palayain ang Morong 43, dinadagdagan ni Aquino ang mga bilanggong pulitikal. Inihalintulad nila ang ginawang reyd sa training center kung saan inaresto ang mga manggagawang pangakalusugan, sa reyd na isinagawa sa isang opisina sa Daet, Camarines Norte noong Nobyembre 22.

“Naulit ang ilegal na paghalughog, pag-aresto at pagkulong sa Morong 43 ng AFP-PNP (Armed Forces of the Philippines – Philippine National Police) sa Daet, kung saan apat na lider-aktibista ang kinuha at ngayon ay nakakulong, kinasuhan ng illegal possession of explosives batay sa mga piraso ng ebidensiyang itinanim,” sabi pa ni Enriquez.

Sa ulat ng Karapatan, mayroong 371 bilanggong pulitikal sa buong bansa, 181 nito’y nakapiit sa mga detention center sa National Capital Region. Mayroon namang 33 bilanggong pulitikal sa Timog Katagalugan, 31 sa Western Visayas, 24 sa Southern Mindanao at iba pa.

Ayon sa Karapatan, kasama ang mga rehiyong ito sa tinaguriang “priority areas” sa ilalim ng ekstensiyon ng madugong programang kontra-insurhensiya na Oplan Bantay Laya.

Tagapagtanggol ng karapatan, biktima din

Naalarma din ang Karapatan sa anila’y sistematikong paglabag sa karapatan at pagtindi ng atake sa mga tinagurian nilang human rights defenders.  Katunayan, istap umano ng Karapatan ang isa sa mga inaresto sa Daet.

Matagal nang biktima ang human rights defenders. Isa na umano rito ni Kelly Delgado, pangkalahatang kalihim ng Karapatan sa Southern Mindanao, na diumano’y nasa Order of Battle ng militar mula pa noong 2008. Idinawit umano si Delgado sa pagpatay ng isang miyembro ng paramilitar at sinampahan ng kasong kriminal. Inakusahan din si Delgado na umano’y mastermind sa tangkang paglikida kay Lt. Col. Randolf Cabangbang. Itinatanggi ito ni Delgado.

Noong Abril 16, nakatanggap umano ng isang sulat-pagbabanta si Atty. Kathrina Castillo,  legal counsel ng Katungod-Sinirangang Bisayas (lokal na tsapter ng Karapatan), nakasaad diumano sa sulat ang direktang pagbabanta sa kanyang buhay. Ilan sa mga kasamahan ni Atty. Castillo ang diumano’y biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, tulad nina Atty. Felidito Dacut, Rev. Edison Lapus at Prop. Jose Maria Cui na binaril sa harapan ng kanyang mga estudyante noong Enero 2007.

Tulad ni Delgado at Castillo, napilitan umanong lumikas at maghanap ng kanlungan si Fred Cana, pangkalahatang kalihim ng Karapatan sa Negros. Diumano, nasa “order of battle” siya at ang kanyang asawa mula pa noong 2008.  “Napilitan ang aking asawa na lumabas ng bansa dahil sa kami ay subject ng vilification campaign ng militar at nasa order of battle. Kami raw ay ranking officer ng CPP (Communist Party of the Philippines),” ani Cana.

Sa ulat ng Karapatan, ipinunto nilang nakaka-alarma ang tinatakbo ng mga ginagawang reyd ng mga militar sa mga opisina ng legal na mga organisasyon at matapos umanong magtanim ng mga ebidensiya, idedeklara itong “safe house ng mga rebelde.” Katulad umano ito ng pangyayari sa Morong, Rizal at Daet, Camarines Norte.

Sa pagtatapos diumano ng termino ni dating Pangulong Arroyo, mayroong 475 human rights defenders na biktima nang ekstra-hudisyal na pamamaslang, 53 dito’y kababaihan at 68 ay biktima ng sapilitang pagkawala. At sa mahigit 2,000 biktima ng ilegal na pag-aresto sa ilalim ni Arroo, umabot sa 578 ang human rights defenders.