Pakikibaka ng mamamayan, mula Europa hanggang Asya


Saan mang panig ng mundo, may mga nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Sa ika-4 na asembliya ng International League of People’s Struggles sa Maynila, nagtipun-tipon ang mga mamamayan para ibahagi sa isa’t isa ang sitwasyong nagtutulak ng pag-aalsa sa kanilang mga bansa.

Luis Detan ng Ecuador at Lucy Pagoada ng Honduras (Ilang-Ilang Quijano)

Pag-alma ng Latin America sa U.S.

Patuloy naman ang pagtutol ng mga bansa sa Latin America sa presensiya at impluwensiya ng Estados Unidos sa rehiyon.

Halimbawa, sa Puerto Rico, isang estadong Commonwealth ng gobyernong U.S., sinabi ni Daniel Vila ng Frente Amplio de Solidaridad y Lucha (Broad Front for Solidarity and Struggle) na nangunguna ang mga manggagawa sa popular na mga pakikibaka, sa pamamagitan ng pangkalahatang mga welga na umaabot sa 150,000 katao.

Sinabi naman ni Luis Detan ng Movimiento Popular Democratico ng Ecuador, isang “ticking timebomb” ang bansa, kung saan matindi ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan na hindi naman natitinag sa pakikibaka. “All the revolutionary parties in Ecuador have come together so that they can work for social and national liberation of our country,” aniya.

Ikinuwento naman ni Lucy Pagoada ng Frente Nacional de Resistencia Popular (National Front for Popular Resistance) kung paano nilabanan ng mga mamamayan ng Honduras ang pagyurak sa kanilang soberanya.

Noong 2009, tinanggal sa kanyang puwesto ang maka-Kaliwang presidenteng Manuel Zelaya Rosales sa isang kudetang pinaniniwalaang minaniobra ng gobyernong U.S. para mapigilan ang progresibong mga reporma sa Honduras, ang ikalawang pinakamahirap na bansa rehiyon (sunod sa Haiti, na kontrolado rin ng U.S.). Ngunit inanak lamang ng kudeta ang lalong lumalakas na Kaliwa, ayon kay Pagoada.

Tuluy-tuloy na pakikibaka sa Asya

Binahagi naman ni Ran Bahadur Thapa Magar, Maoist na miyembro ng parlamento sa Nepal, ang pagkaantala ng bagong Konstitusyon at iba pang mga reporma sa nasabing bansa. Sa tagumpay ng mga rebeldeng Maoist na wakasan ang monarkiya noong 2003, nagkaroon ng representasyon ang mga rebelde at iba pang mardyinalisadong sektor sa parlamento at Constituent Assembly.

(Mula kaliwa) Ran Bahadur Thapa Magar ng Nepal, Kim Seung Ho ng South Korea, at Malem Ningthouja ng India (Ilang-Ilang Quijano)

Pero ayon kay Magar, hindi pa rin nakakausad ang asembliya dahil sa tunggalian ng mga partido pulitikal hinggil sa iba’t ibang usapin (isa na rito ang integrasyon ng People’s Liberation Army sa hukbong sandatahan). Sinisikap pa rin ng mga mamamayan ng Nepal na maipreserba ang mga tagumpay ng kanilang pakikibaka.

Samantala, sa estado ng Manipur sa Hilagang Silangang India, 60 taon na ang armadong pakikibaka. Paliwanag ni Malem Ningthouja ng Campaign for Peace and Democracy, “People take up arms when they are forced to take up arms, when the state doesn’t give you the space to exercise your rights.” Gaya ng sa Pilipinas, pinapatay ng mga sundalong militar ang sinumang sibilyan na mapagbintangang rebelde.

Sa dating sosyalista at ngayo’y kapitalistang Tsina, sinabi naman ng manggagawang si Qin Ling na simula nang magbukas ang gobyerno sa mga dayuhang mamumuhunan, naging masahol ang kanilang kalagayan. Dahil dito, napupuwersa silang mag-organisa, kahit ipinagbabawal ito. Nakakapagsagawa sila ng walkout sa mga pabrika ng mga multinasyunal. “This is just the beginning of our struggle,” aniya.

Ilan lamang ito sa mga kuwento ng pakikibaka sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa huli, nagkaisa ang mga delegado ng ILPS na bumuo ng pandaigdigang alyansa laban sa mga baseng militar ng U.S. Nagpahayag din sila ng suporta sa partikular na mga pakikibaka ng mga mamamayan ng Palestine at Latin America. Nangako silang pag-ibayuhin ang kanilang pagkakaisa laban sa imperyalismo, ang tinatagurian nilang numero unong kaaway ng mga mamamayan.