Magsasaka

Pangulong Aquino, muling siningil sa reporma sa lupa


Naglakbay patungong Maynila ang tinatayang 1,500 magsasaka mula sa iba’t ibang probinsiya dahil pinatutunayan pa rin ni Aquino na “kaaway” siya ng uring kinabibilangan ng mayorya ng mga Pilipino.

Tinatayang 1,500 magsasaka mula sa iba't ibang probinsiya ang nag-okupa sa Mendiola sa loob ng tatlong araw (Ilang-Ilang Quijano)

Nagmula sila sa iba’t ibang probinsiya ng bansa, nagpiket sa harap ng Korte Suprema kung saan sila itinaboy ng pulisya, at nagmartsa patungong Mendiola para doon nagkampo sa loob ng tatlong araw. Kahapon, winakasan ng mga magsasaka ang kanilang kilos-protesta laban sa umano’y “numero unong kaaway” ng mga magsasaka: si Pangulong Aquino na mula sa kilalang pamilyang asendero.

Naglakbay patungong Maynila ang tinatayang 1,500 magsasaka mula sa mga probinsiya ng Isabela at Cagayan sa Cagayan Valley; Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan sa Rehiyon 1; Zambales, Tarlac, Pampanga, Bataan, Bulacan at Nueva Ecija sa Gitnang Luzon, at Rizal, Cavite, Laguna, Batangas at Quezon sa Timog Katagalugan.

Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), panawagan nila ang tunay na reporma sa lupa at pagbabasura sa “kontra-magsasaka” na mga polisiya gaya ng Charter Change. (Basahin ang kaugnay na istorya)

Pangangamkam ng mga Cojuangco: Di lamang sa Luisita

Siyempre pa, dumalo sa protesta ang mga dating manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita ng pamilya Cojuangco-Aquino. Kuwento ni Felix Nacpil Jr., tagapangulo ng Ambala (Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita), noong umaga ring iyon ay hinaharas ng mga militar ang mga magsasakang inokupa at binungkal ang 127-ektaryang lupain na pinaupahan ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) sa Rizal Commercial Banking Corp. “May bantang dispersal sa amin, pero naroroon namang dumedepensa ang aming mga miyembro,” aniya.

Dagdag pa ni Else Ricardo na taga-asyenda, “Sa ngayon ay lumalala ang sitwasyon doon. Hindi umaalis yung mga militar, nagkalat sila sa mga barangay, sa plaza.”

Panununog ng effigy ni Aquino na kaakbay ang "imperyalistang US" na nagtutulak ng Charter Change o 100% dayuhang pagmamay-ari sa lupa (Ilang-Ilang Quijano)

Ngunit sinabi niyang positibo ang pagpapatuloy ng bungkalan, at pagiging aktibo ng kababaihan sa laban para mapasakamay ang lupa. Kuwento niya, silang kababaihan ang abala sa pag-oorganisa habang nagbubungkal ang kanilang mga asawa. Sa kanilang pagsisikap, “lalong marami na ang naniniwala sa amin na ang referendum ay hindi nakabubuti, na nangangahulugan ito ng pagbabalik ng SDO (Stock Distribution Option),” aniya.

Pinepresyur ng mga magsasaka ang Korte Suprema na dinggin ang kanilang pagkuwestiyon sa naunang desisyon ng korte na pumapayag sa pagdaraos ng isa na namang referendum sa asyenda, sa halip na ipamahagi sa magsasaka ang lupa.

Samantala, lumalabas na hindi lamang sa Hacienda Luisita “nangangamkam” ng lupa ang pamilya Cojuangco-Aquino. Sa 12 barangay sa Bayambang, Pangasinan na saklaw ng dating Camp Gregg Military Reservation, pinalalayas din ang mga magsasaka ng iba’t ibang asendero, kabilang na ang mga Cojuangco ng CAT Realty Corp.

“Palibhasa’y nakita na nilang produktibo ang lupa at naglalaway na sila sa limpak-limpak na maaaring kitain sa malawakang pagpapalit-gamit ng lupaing ito mula agrikultural tungong residensyal, komersiyal, at industriyal,” ani Rodolfo Natividad, tagapangulo ng Ulopan na Umbaley-Camp Gregg Military Reservation.

Sinabi ni Natividad na pampublikong lupain ang nasabing reserbasyon, na matagal nang dapat ipinamahagi sa mga magsasaka. Sa halip, inaangkin ito ng CAT Realty Corp. at iba pang asendero na naniningil ng upa o nagpapademolis ng kabahayan ng mga magsasaka.

Nortoryus din sa hanay ng mga magsasakang nagprotesta ang tiyuhin ni Pangulong Aquino na si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.

Mga manggagawang-bukid mula Negros, P12 lang ang sahod kada araw sa mga tubuhan ni Danding Cojuangco (Ilang-Ilang Quijano)

Ayon kay Rodelson Mesa, tagapagsalita ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura, “Ang mga manggagawang-bukid sa Isabela sa tubuhan ni Cojuangco, kumikita lamang ng P39 kada araw. Sa mga tubuhan din ni Danding sa Negros, P12 kada araw lamang ang kita ng mga manggagawang-bukid.” Bahagya lamang itong mas mataas sa ibinibigay ng HLI noon sa mga manggagawang-bukid sa Luisita na P9.50 kada araw, aniya.

Patuloy naman ang mga magniniyog sa Quezon sa paghahabol sa P150-Bilyong coco levy fund na inangkin din ni Cojuangco. “Alam naman namin na hindi gagawa si PNoy ng programa para maibalik sa amin ang pondong bunga ng aming pawis at dugo, dahil tiyuhin niya ang mga hawak dito. Pero hindi titigil ang mga magsasaka sa paghahabol nito, sukdulan na maitulak kami sa mas mataas na antas ng pakikibaka,” ani Sid Presko, tagapangulo ng Piglas-Quezon (Pinag-isang Laban ng Magbubukid sa Quezon).

Nang tanungin hinggil sa pag-e-eksport ng buko juice, ang ibinibidang plano ng pangulo para sa mga magniniyog, tumawa lamang ang lider. “Sinabi lamang ito ni Pnoy para pahupain ang aming galit. Ang totoong makikinabang sa planong ito ay ang mga asendero na kumokontrol sa industriya, hindi kaming magsasaka,” ani Presko.

Repormang sosyal at pang-ekonomiya, itinulak

Sa pangwakas na pananalita sa kilos-protesta na tinaguriang “Occupy Mendiola,” binati ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang mga magsasaka at mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor na sumuporta sa kanila.

Nagwakas ang kilos-protesta na mataas ang diwa ng mga magsasaka (Ilang-Ilang Quijano)

“Pansamantala tayong babalik sa ating mga sakahan at komunidad, kung saan ipagpapatuloy natin ang gawaing pagmumulat at pagpapakilos,” aniya.

Panawagan niya sa gobyerno, dapat tratuhin ang agrikultura bilang pundasyon ng ekonomiya, na umano’y magagawa lamang sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa.

Pabor ang KMP sa panunumbalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), para mapagkasunduan ang batayang mga repormang sosyal at pang-ekonomiya. Nakasandig ang panukalang reporma ng NDFP sa tunay na reporma sa lupa at at pambansang industriyalisasyon.

“Ito ang lilikha ng mga oportunidad at trabaho para sa mga nasa kanayunan. Ito ang lulutas ng problema sa migrasyon mula sa kanayunan patungo sa kalunsuran, at mula kalunsuran patungo sa ibang bayan,” sabi ni Mariano.

(Tingnan ang susunod na pahina para sa iba pang mga larawan ng protesta)