Migrante

Deportasyon ng OFW na lider-obrero sa South Korea, kinondena


Kinondena ng Migrante International ang di-makatarungang pagkaladkad at pagpauwi sa Pilipinas kay Michel Catuira, isang Overseas Filipino Worker (OFW) at lider-unyonista ng Seoul-Gyeonggi-Incheon, noong ika-30 ng Abril ng imigrasyong South Korea sa Inchion Airport ng Seoul

Michael Catuira. (Contributed Photo)
Michael Catuira, OFW at lider-obrero sa South Korea. (Macky Macaspac)
Michael Catuira, OFW at lider-obrero sa South Korea. (Darius Galang)

Kinondena ng Migrante International ang di-makatarungang pagkaladkad at pagpauwi sa Pilipinas kay Michel Catuira, isang Overseas Filipino Worker (OFW) at lider-unyonista ng Seoul-Gyeonggi-Incheon, noong ika-30 ng Abril ng imigrasyong South Korea sa Inchion Airport ng Seoul.

Sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante na may dahilan sila para maniwalang “politically-motivated‘ o may politikal na dahilan, ang pagpapauwi kay Catuira ng gobyerno ng South Korea.

Alas-nuwebe ng gabi noong Abril 30 nang dumating si Catuira sa Incheon Airport mula sa Pilipinas sakay ng eroplanong  5J-194. Sa kanyang pagdating, hinarang siya ng mga opisyal ng immigration sa South Korea at pinaghintay ng ilang oras sa loob ng isang silid ng imigrasyon.

Pinilit ni Catuira na umapela pero hindi siya binigyan ng pagkakataon ng mga opisyal. Ayon pa kay Catuira, kinaladkad siya papuntang paliparan at pinilit na pinapipirma ng waiver ukol sa nasabing deportasyon na tinanggihan niyang pirmahan.

Sinabi pa ni Martinez na kahina-hinala ang politikal na motibo pagpauwi kay Catuira dahil tinanggalan siya ng E9 visa o visa para sa mga manggagawa  at pinalitan ng G1 visa o visa para sa mga taong may dinidinig na kaso ng bansa.

Presidente ng Migrants Trade Union  (MTU) sa South Korea ang Pilipinong si Catuira. Aktibo niyang ipinaglalaban ang karapatang pantao at karapatan ng mga manggagawa sa South Korea.

Ang pagiging presidente ni Catuira sa unyon ang tinitingnang dahilan ng Migrante sa hindi makatarungang pagpauwi sa kanya sa Pilipinas.

Ayon kay Catuira, hindi lamang siya ang nakakaranas ng di-makatarungang pagtrato ng Korea sa mga OFW.

“Marami pang unreported harrasments ang nanyayari sa Korea na hindi pa napagtutuunan ng pansin ng embahada ng Pilipinas,” ani Catuira. Ayon pa dito, ang sinasabi lamang ng embahada ay tiisin na lang nila ang “kultura ng (mga) Koreano” dahil sa bansa ng mga ito sila nagtatrabaho.

Kibit-balikat na, nanisi pa

Kuwento ni Cautira, lumapit siya sa Department of Foreign Affairs (DFA) para magpatulong sa di-makatarungang ginawa ng South Korea immigration sa kanya.

Pero nadismaya siya nang “halos parang walang pakialam” sa mga ganitong kaso ang ipinakita ng mga kausap sa DFA.

Ayon pa kay Catuira, sinisi pa raw siya ng opisyal ng DFA dahil sa “isa siyang aktibista.”

Inihalintulad pa ng nasabing opisyal si Catuira sa isang taong bibisita sa isang bahay at aawayin ang may-ari nito. Ang paliwanag ni Catuira, hindi lamang sya basta bisita kundi isa siyang trabahador na may karapatan bilang manggagawa at ipinaglalaban lamang niya ito.

Michael Catuira. (Contributed Photo)
Michael Catuira. (Kuha ni Darius Galang)

Tumangging magkomento ang opisyal na si Gilberto Reyes ng Office of Undersecretary for Migrant Affairs ng DFA sa mga katanungan ni Catuira, aniya.

Sinabi pa ni Catuira na ipinapasa ng DFA ang kanyang reklamo sa embahada ng Pilipinas sa Seoul. Maghintay na lamang raw ng sagot mula rito.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang DFA hinggil sa kaso ni Catuira. Syon pa kay Martinez, maghihintay sila sa aksiyon ng pamahalaan ngunit kung hindi ma’y nakahanda silang magprotesta sa DFA at kalampagin ang pamahalaan para bigyang pansin ang ganitong kaso.

“Hindi lang ito atake kay Michel, kundi atake ito sa lahat ng Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa at nakakaranas ng ganitong mga karahasan,” dagdag pa ni Martinez.

Nananawagan si Catuira sa aksiyon ng gobyerno para sa kasong ito at itinutulak na gawing legal ang undocumented migrants para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa at matulungan ang iba pang mga kababayang Pilipino na nakakaranas din ng karahasan sa iba’t ibang bansa.

Isa lamang si Michel Catuira sa mga Pilipinong nakaranas ng di makatarungang pagtrato ng ibang bansa sa mga Pilipinong manggagawa.

May ulat ni Jill Dawn Lumagbas