Maita Gomez, 65


Pinagluluksa ng iba’t ibang progresibong organisasyon ang biglang pagpanaw ni Margarita “Maita” Gomez. Si Gomez, 65, ay tagapangulo ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan). Kilala rin siya bilang kababaihang aktibista at bahagi ng henerasyon ng kabataan at intelektuwal na lumahok sa armadong rebolusyon bago at matapos ideklara ang batas militar ng diktadurang Marcos. Pumanaw si […]

Maita Gomez noong 2009 (KR Guda / PW File Photo)
Maita Gomez noong 2009 (KR Guda / PW File Photo)
Maita Gomez noong 2009 (KR Guda / PW File Photo)

Pinagluluksa ng iba’t ibang progresibong organisasyon ang biglang pagpanaw ni Margarita “Maita” Gomez.

Si Gomez, 65, ay tagapangulo ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan). Kilala rin siya bilang kababaihang aktibista at bahagi ng henerasyon ng kabataan at intelektuwal na lumahok sa armadong rebolusyon bago at matapos ideklara ang batas militar ng diktadurang Marcos.

Pumanaw si Gomez habang natutulog sa kanyang tahanan noong Hulyo 12, lumalabas dahil sa atake sa puso.

“Ikinararangal at ipinagmamalaki namin sa Makabayan na malugod niyang tinanggap ang nominasyon bilang co-chair ng koalisyon noong 2009, at tuluy-tuloy at mahusay niyang ginampanan ang mga tungkulin niya hanggang sa di-inaasahan niyang pagpanaw,” pahayag ni dating Rep. Satur Ocampo, presidente ng Makabayan.

“Si Kasamang Maita ay isang natatanging babae na sa kanyang pagyakap sa kilusang mapagpalaya sa kababaihan at mamamayan ay nagwasak ng tradisyunal na pakahulugan at pagpapahalaga sa kagandahan,” sabi ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Mula rampa hanggang rebo

Mas kilala sa madla si Gomez bilang dating beauty queen, na nagwagi sa Miss Philippines noong 1967 at lumahok sa pandaigdigang patimpalakan para sa “kagandahan.”

Pero kalauna’y namulat siya sa lumalalang mga problema ng lipunang Pilipino at nahimok na kumilos sa progresibong kilusan hanggang makalahok sa armadong pakikibaka kontra sa naghaharing sistema sa bansa na napasimulan noong 1969.

Kumilos siya sa hanay ng New People’s Army sa Timog Katagalugan noong gitnang bahagi ng dekada ’70, hanggang mahuli at maging bilanggong pulitikal. Nang makatakas, muling bumalik sa armadong pakikibaka sa kanayunan at lumipat sa pagkilos sa Gitnang Luzon, hanggang datnan ng sakit doon.

Kalauna’y naging bahagi ng hayag na kilusang masa laban sa diktadura noong gitnang bahagi ng dekada ’80.

Ilan sa mga nilahukan niya ang Women for the Ouster of Marcos and Boycott (WOMB), malawak na alyansa ng progresibong kababaihan kontra sa diktadurang Marcos. Nasama rin si Gomez sa mga nagtatag sa unang partido ng kababaihan, Kababaihan para sa Inang Bayan (Kaiba).

Si Gomez, katabi ang naging kongresista at senador na si Nikki Coseteng, sa isang rali kontra sa Bataan Nuclear Power Plant noong huling bahagi ng dekada '80 -- panahon ni Pang. Corazon Aquino. (Larawan mula sa Gabriela)
Si Gomez, katabi ang naging kongresista at senador na si Nikki Coseteng, sa isang rali kontra sa Bataan Nuclear Power Plant noong huling bahagi ng dekada ’80 — panahon ni Pang. Corazon Aquino. (Larawan mula sa Gabriela)

Kalauna’y pinangunahan ng kababaihang aktibista, kabilang si Gomez, ang pagtatag ng Gabriela, ang pinakamalaki at pinakamalawak na alyansa ng kababaihan sa bansa na nagtataguyod ng paglahok ng kababaihan sa “pagpapalaya ng bayan.”

Patuloy na pakikisangkot

Naging bahagi si Gomez ng iba’t ibang grupo, non-government organizations at institusyon. Minsan na rin siyang tumakbo bilang kongresista sa lokal na halalan sa Maynila.

Bilang ekonomista, naging propesor din siya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Manila.

Noong 2008, kasama rin siya sa mga unang naging kasapi ng BabaLa! (Babae Laban sa Katiwalian), isang malapad na alyansa ng mga indibidwal at organisasyong pangkababaihan na nanawagan sa pag-alis sa puwesto ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.

Muli ring tumampok sa publiko ang pangalan niya nang pamunuan ni Gomez, kasama ang maraming progresibong personahe at grupong party-list, ang pagtatag ng Makabayan, isang koalisyon ng iba’t ibang partido at indibidwal na nagnais lumahok sa pambansang eleksiyon noong 2010.

“Inspirasyon si Kasamang Maita sa kababaihan, lalung lalo na sa mga Gabriela ng kasalukuyang panahon. Sa mahabang panahon ng kanyang pagiging bahagi ng kilusan para sa pagbabago ng lipunan, pinatunayan niya na mas higit na maipagmamalaki ang ‘korona’ ng kasigasigan, tapang, talino at militansiya na inaalay para sa bayan,” sabi pa ni Salvador ng Gabriela.

Si Gomez (kaliwa) kasama ang iba pang mga lider-kababaihan na kalahok sa BabaLa! (Babae Laban sa Katiwalian) noong 2008. (Kontribusyon)
Si Gomez (kaliwa) kasama ang iba pang mga lider-kababaihan na kalahok sa BabaLa! (Babae Laban sa Katiwalian) noong 2008. (Kontribusyon)

Sinabi naman ni Ocampo na nakalikha ng “di-mabuburang marka sa pakikibaka ng mga mamamayan (si Gomez), pero napanatili niya ang kanyang pagiging mapagkumbaba at kakaibang sense of humor.”

Nasa Funeraria Paz sa Manila Memorial Park, Paranaque City ang mga labi ni Gomez hanggang Linggo, Hulyo 15. Mayroon siyang limang naulilang anak.

(Basahin ang sanaysay na parangal kay Maita Gomez ni Prop. Judy Taguiwalo)