Pinoy Weekly

Cybercrime law at ang pag-aaral ng peryodismo

Kung seryoso kang mag-aaral ng peryodismo, kailangan mong tutulan ang cybercrime law.

Ipinatupad noong Oktubre 3 ang Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012 o mas kilala bilang cybercrime law). Pinatawan ito ng 120 araw na temporary restraining order (TRO) noong Oktubre 9 ng Korte Suprema dahil sa 15 petisyon mula sa iba’t ibang grupo’t indibidwal na tumututol sa batas na ito.

Nakatakdang magkaroon ng oral arguments ang Korte Suprema sa Enero 15 at 22 para suriin ng mga mahistrado ang mga punto ng magkaibang panig. Makapagdesisyon kaya ang Korte Suprema bago ang Pebrero 6, ang nakatakdang pagtatapos ng TRO? Sana naman.

Ang pagsupil sa kalayaang makapagpahayag sa pamamagitan ng midya ang pangunahing argumento laban sa cybercrime law. Sa sobrang lawak ng saklaw ng batas na ito, kahit ang mga ordinaryong pag-uusap gamit ang anumang device ay maaaring kasuhan ng libelo at humantong sa pagkakakulong. Malinaw na ang mga apektado ng batas na ito ay hindi lang mga blogger at peryodista, kundi ang LAHAT ng mamamayang gumagamit ng anumang midyum (tulad ng mobile phone) para sa komunikasyon.

Noong unang linggo ng Enero, mismong ang Office of the Solicitor General (OSG) ay inaming ang “takedown clause” (Seksiyon 19) ng cybercrime law ay hindi konstitusyonal. Ang seksiyong ito ay binibigyan ng kapangyarihan ang Department of Justice (DOJ), kahit na walang utos mula sa korte, na pigilan o pagbawalan ang access sa mga website na sa tingin nito’y lumalabag sa mga probisyon ng cybercrime law. Ayon sa OSG, ang kapangyarihang ibinibigay sa DOJ ay isang uri ng “final prior restraint” na labag sa kalayaang makapagpahayag.

Hindi nakagugulat na ang Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ay naglabas ng isang opisyal na pahayag noon pang Oktubre para tutulan ang cybercrime law. (Paglalantad: Kailangang malaman ng mambabasa na ako ay guro ng peryodismo sa kolehiyong ito at tumulong ako sa pagsusulat at pagpapalaganap ng opisyal na pahayag.)

Malinaw ang mga argumento ng nasabing kolehiyo (na isinalin ko ngayon sa wikang Filipino): “Ang mga estudyante ng komunikasyon at peryodismo sa Pilipinas ay tinuturuang ang kalayaang makapagpahayag at kalayaan sa pamamahayag ay mga karapatang ginagarantiya ng Konstitusyon at mga pundasyon ng kasarinlan at kalayaan kung saan ang responsableng peryodismo at gawaing pang-midya ay maaaring umunlad. Subalit ipinasa ng kongreso at pinirmahan ng Pangulo ang RA 10175 kahit na ito ay taliwas sa Artikulo III, Seksiyon 4 ng 1987 Konstitusyon at malinaw ang pangmatagalang pinsala nito sa demokratikong diskurso.”

Idinagdag din ng kolehiyo ang praktikal na problemang kakaharapin ng mga estudyante kung tuluyang ipapatupad ang mapanupil na batas: “Tulad ng iba pang kolehiyo at yunit ng unibersidad, ang [Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla] ay nagsimula nang mag-upload ng mga pananaliksik nito. Ano ang mangyayari sa mga pag-aaral na ito na maaaring tingnan bilang kontrobersiyal o nakasasakit sa damdamin ng ilang partido? Nakapaggawa na ang [Kolehiyo], halimbawa, ng mga imbestigasyon at thesis na direktang bumabatikos sa mga prominente’t makapangyarihang indibidwal. Nag-aalala ang [Kolehiyo] na dahil sa bagong batas, ang mga estudyante ay iiwasan nang gumawa ng pananaliksik tungkol sa mga kontrobersiyal na paksa.”

May dahilan para mag-alala ang mga estudyante ng peryodismo, lalo na ang mga nagnanais na seryosohin ang propesyong ito. Paano epektibong maituturo sa kanila ang kritikal na pagsusuri sa mga nangyayari sa lipunan kung ang pag-uulat ng mga ito ay maaaring maparusahan? Paano maikikintal sa isipan nilang ang kritisismo ay batay sa obhetibong pagsusuri ng datos na nakalap nila at hindi batay sa batas na itinakda ng pamahalaan? At sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo, paano nila mahusay na magagampanan ang tungkulin bilang responsableng peryodista kung may pagdadalawang-isip sa komprehensibong pagbabalita?

Sa mga panahong ito, kailangang tandaan ng mga estudyante ng peryodismo ang pagkakaiba ng bulag na pagsunod sa batas at ang mulat na pagyakap sa pinagkamataas na pamantayan ng peryodismo. Ang nakapangingibabaw sa lahat ng pagkakataon ay ang tungkulin ng peryodistang makapagbigay ng impormasyon tungo sa paghuhubog ng opinyong pampubliko, kahit na nangangahulugan ito ng paglabag sa isang mapanupil na batas. Nangyari na ito noong panahon ng Batas Militar (1972-1986) kung saan may mga responsableng peryodista ng Pilipinas na piniling kumilos sa alternatibong midya (at maging sa rebolusyonaryong kilusan) para lang labanan ang noo’y opresyong ginagawa hindi lang sa midya kundi sa buong lipunan. Kung susuriin ang nilalaman ng cybercrime law, malinaw na inuulit sa kasalukuyan ang kadiliman ng nakaraan!

Ang cybercrime law ay malinaw na kaaway ng responsableng peryodismo kaya marapat lamang na tutulan ito hindi lang ng mga peryodista kundi ng mga estudyante nito. Kung ang anumang planong maging obhetibo’t kritikal sa pag-uulat ay maaaring tapatan ng kaukulang parusa, tungkulin ng lahat na ito ay tutulan.

Hindi lang simpleng pag-aamyenda kundi tahasang pagbabasura. Ito ang ating kolektibong panawagan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22380

avatar Posted by on Jan 12 2013. Filed under Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes
More in Konteksto (50 of 155 articles)