Pagbasura sa VFA, ipinanawagan ng mga taga-UP sa gitna ng insidente sa Tubbataha


Ipinanawagan ng ilang makabayang grupo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement noong Enero 30, sa gitna ng pagsadsad ng isang barkong pandigma ng US sa Tubbataha Reef. Halos 50 guro, estudyante at kawani na bumubuo sa UP Alliance to Save the Tubbataha, Junk VFA ang nagtipon upang iprotesta ang […]

Tinanggihan pa rin ni Aquino ang pagrepaso sa VFA kahit na nasira na ng USS Guardian ang Tubbataha Reef.
USS Guardian na sumadsad sa Tubbataha reef
USS Guardian na sumadsad sa Tubbataha Reef

Ipinanawagan ng ilang makabayang grupo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement noong Enero 30, sa gitna ng pagsadsad ng isang barkong pandigma ng US sa Tubbataha Reef.

Halos 50 guro, estudyante at kawani na bumubuo sa UP Alliance to Save the Tubbataha, Junk VFA ang nagtipon upang iprotesta ang mga trahedyang pangkalikasang dulot umano ng pananatili sa bansa ng mga tropang Amerikano.

“Ang pagkapinsala sa Tubbataha Reef ay pinalala pa ng harap-harapan at aroganteng pagbabalewala ng puwersang Amerikano sa integridad ng teritoryo at soberanya sa Pilipinas,” ani Sarah Raymundo ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (Contend), sa pahayag ng nasabing alyansa.

Tinukoy ni Raymundo ang mga ulat na hindi pinansin ng mga kawani ng USS Guardian ang mga babala ng mga park ranger. Sa halip, sinabihan pa nila umano ang mga park ranger na ang embahada na lang ng Estados Unidos ang kausapin ukol rito.

Ayon pa kay Raymundo, kahit pa magpataw ang gobyerno ng Pilipinas ng multa sa halagang $300 kada metro kuwadrado (P24 million kung susumahin), hindi pa rin ito sapat upang mapalitan ang mga korales. Sa nasabing bahura matatagpuan ang 40% ng species ng isda at 75% ng species ng korales.

“Nire-reduce ang lahat sa exchange value—babayaran mo ang nasira based on the market value. Ngunit, kailanman ang exchange value ay hindi kayang palitan ang use value ng mga bagay,” sabi naman ng propesor ng Sosyolohiya na si Gerry Lanuza.

Bukod sa pagkasira sa Tubbataha, kinondena rin ng alyansa ang iba pang isyung pangkalikasan na dulot ng pananatili ng mga puwersang Amerikano sa bansa. Kabilang dito ang pagtatambak ng nakalalasong kemikal sa Subic at Clark noong 1992, ang pagtatapon ng dumi sa baybayin ng Subic noong nakaraang taon, at ang paglutang ng isang drone sa karagatan ng Masbate kamakailan lamang.

Hinikayat ng mga taga-UP sa mga mamamayan na labanan ang panghihimasok ng mga puwersang Amerikano. “Ang Tubbataha Reef ay isa lamang icon. Hindi pa yan ang totalidad ng pagkasira ng ating lipunan… at ng ating daigdig, sapagkat marami pang ginagawang kahayupan ang imperyalistang Amerikano sa buong daigdig,” dagdag ni Lanuza.