Kapirasong Kritika

Hindi Lahat ng Mahirap


“Wala sa suicide note ni Kristel Tejada ang matrikula, kaya may ibang posibleng dahilan sa pagpapakamatay niya.” Ito ang pinag-uumpisahang punto ni Manuel Buencamino, propagandista ng gobyernong Aquino, sa sanaysay niya tungkol sa naturang isyu. Napakateknikal namang pamantayan ng suicide note. Kapag nagpakamatay ka ba, ilalagay mo, “Dahil ito sa wala akong pambayad ng matrikula”? […]

“Wala sa suicide note ni Kristel Tejada ang matrikula, kaya may ibang posibleng dahilan sa pagpapakamatay niya.” Ito ang pinag-uumpisahang punto ni Manuel Buencamino, propagandista ng gobyernong Aquino, sa sanaysay niya tungkol sa naturang isyu.

Napakateknikal namang pamantayan ng suicide note. Kapag nagpakamatay ka ba, ilalagay mo, “Dahil ito sa wala akong pambayad ng matrikula”? Marami sa mga nagpapakamatay, nagsusumamo ng pag-unawa, pero hindi nang ganyan ka-direkta.

Ang mga umaakyat sa billboard at nagbabantang tumalon o tumatalon, hindi naman hinihingian ng suicide note ng lipunan. Sapat nang matanong sila o mga kaanak nila kung bakit sila nagpakamatay. At ang sagot ng lukso ng dugo ng marami: kahirapan.

Napakarami nang “ebidensya,” sa wikang ligal ni Buencamino, ang lumabas hinggil sa isyu, kapwa impormasyon at kwento. Walang dudang binagabag si Kristel ng kawalan ng pang-matrikula, kahirapan, at pagkapahiya sa dulong bahagi ng maikling buhay niya.

“Pero hindi naman lahat ng estudyante ng UP na hirap sa matrikula, nagpapakamatay,” pakli ni Buencamino. Totoo. Sariwa pa lang ang isyu, nasagot na ito ng nanay ni Kristel: May mga taong kinakaya ang naging kalagayan ni Kristel, pero siya mismo, hindi kinaya.

Hindi rin lahat ng mahirap, pumapasok sa prostitusyon. Hindi rin lahat, nagbebenta ng bato sa katawan o iyung droga. Hindi rin lahat, lumilikas pa-Maynila o ibang bansa. Ibig bang sabihin, hindi resulta ang lahat ng ito ng kahirapan? May iba pang dahilan?

Maaaring may iba pang dahilan sa pagkamatay ni Kristel, pero tiyak na isa sa mga pinakamahalaga diyan ang kahirapan. May direktang kinalaman ang sistema: kawalang-trabaho, di-regular na kita, mataas na matrikula, mababang subsidyo sa edukasyon.

May magandang prase si E. San Juan, Jr., progresibong intelektwal na Pilipino, na hango kay Antonio Gramsci, Marxistang intelektwal na Italyano: “morbid symptoms of a moribund society” – mga nakakarimarim na sintomas ng nabubulok na lipunan.

Kasama riyan ang prostitusyon, ang pagbebenta ng bato sa katawan at ng droga, ang paglikas papuntang Maynila at ibang bansa. Kasama riyan ang nangyari kay Kristel: Bunsod ng kahirapan kahit hindi lahat ng mahirap ay naibubunsod sa ganoong hakbang.

Kakatwa ang lohika ni Buencamino: Dahil raw sinisi ng mga aktibista ang kahirapan sa pagpapakamatay ni Kristel, nagmukha siyang mahina. At ang mga prostitute, mahilig sa seks? Para lang kay Buencamino, mangmang sa nakakarimarim na epekto ng kahirapan.

Ginagamit lang daw ng mga aktibista si Kristel para upakan ang sistema, sabi niya sa pag-upak sa mga aktibista nang hindi nakikiramay sa pamilya ni Kristel. Naghahapag lang daw siya ng kaibang pagtingin, pero tinawag niyang “assholes” ang mga aktibista.

Kakatwa ang todo-depensang postura niya. Hindi man lang ituring ang nangyari na pag-alerto sa gobyerno na kailangang lumikha ng trabaho at lakihan ang subsidyo sa edukasyon. Indikasyon ang ganito na hanggang diyan na lang ang gobyernong Aquino.

Wala na sa katwiran si Buencamino. Binabalewala at iniinsulto niya ang nabubuhos na dugo para patatagin ang paghaharing dilaw sa sistema at gobyerno. Binabaluktot niya ang lohika para sa umano’y daang matuwid ng sinasamba niyang si Noynoy Aquino.

25 Marso 2013