Konteksto

Maynila, gobyerno at impyerno


Opo, tungkol ito sa bagong nobela ni Dan Brown na may pamagat na Inferno. Hindi tulad ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chair Francis Tolentino na binatikos si Brown sa isang liham noong Mayo 23 kahit na excerpt pa lamang ng libro ang nabasa niya, nagdesisyon akong basahin muna ang buong 104 na kabanata ng […]

Prop. Danilo A. Arao

Opo, tungkol ito sa bagong nobela ni Dan Brown na may pamagat na Inferno.

Hindi tulad ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chair Francis Tolentino na binatikos si Brown sa isang liham noong Mayo 23 kahit na excerpt pa lamang ng libro ang nabasa niya, nagdesisyon akong basahin muna ang buong 104 na kabanata ng nobela (pati na ang prologue at epilogue) bago ko isulat ang sanaysay na ito.

Wala kasing lugar sa peryodismo ang mabilisang pagbatikos sa pamamagitan ng limitadong datos. Ang tanong ko ngayon kay Tolentino at sa iba pang opisyal ng pamahalaan: Ganito rin ba ang kaso sa gobyerno? Hindi ba’t nararapat lamang na magkaroon muna ng sapat na impormasyon bago magbigay ng pahayag sa publiko?

Kung binasa lamang niya ang buong libro, malalamang binanggit lamang sa isang kabanata ang Pilipinas sa pangkalahatan at ang Maynila sa partikular. Ayaw ko mang pangunahan ang mga hindi pa nakabasa ng libro, kailangan idiing ang Maynila ay bahagi ng flashback ng isa sa mga pangunahing karakter sa nobela na bumisita sa Pilipinas. Ang Lungsod Maynila diumano ay “the most densely populated city on earth (pahina 351).” Ayon sa nobela, ang Maynila ay may sumusunod na katangian (pahina 351): “six-hour traffic jams, suffocating pollution, and a horrifying sex trade, whose workers consisted primarily of young children, many of whom had been sold to pimps by parents who took solace in knowing that at least their children would be fed.” Dahil sa nakita ng pangunahing karakter na abang kalagayan ng Maynila, binanggit niya sa kanyang sarili (pahina 352): “I’ve run through the gates of hell.

Hindi malinaw kung aling excerpt ang nabasa ni Tolentino, pero sigurado akong ito ay ang siniping teksto sa ika-79 na kabanata. Doon lang kasi nabanggit ang Pilipinas at Maynila. Kung susuriin ang kanyang liham kay Brown, puno ito ng pagbatikos at pagkondena sa negatibong pagsasalarawan sa Maynila.

Suriin natin ang nilalaman ng ikatlong talata ng kanyang liham: “More than your portrayal of it, Metro Manila is the center of Filipino spirit, faith and hope. Our faith in God binds us as a nation and we believe that Manila citizens are more than capable of exemplifying good character and compassion towards each other, something that your novel has failed to acknowledge. Truly, our place is an`entry to heaven.’

Uulitin ko: Inamin mismo ni Tolentino na hindi niya nabasa ang buong libro. Ako tuloy ang nahihiya sa kanya dahil hindi niya alam na sa kabila ng paggamit ng katagang “gates of hell,” may pagkilala naman sa magandang karakter at pakikisimpatya ng isang residente sa Maynila. Nang malagay sa panganib ang pangunahing karakter, tinulungan siya ng isang matandang babae. Nagkaroon man ng trauma ang pangunahing karakter sa kanyang pagpunta sa Maynila, nabuhay naman siya dahil sa tulong ng nasabing residente. Sa puntong ito, malaking pagkakamali para sa isang mataas na opisyal ng gobyerno na magbigay ng walang-batayang puna dahil hindi niya alam ang buong kuwento.

Hindi ito pagtatanggol kay Brown o sa akda niyang Inferno. Kahit na hindi ako eksperto sa literatura, alam kong may ilang kahinaan ang nobela batay sa mga natutuhan ko sa ilang kursong kinuha sa kolehiyo. Sa usapin ng character development, hindi malalim ang pagsasakonteksto at pag-uugnay ng pinagdaanan ng mga pangunahing karakter. Kung susuriin naman ang plot, kapansin-pansin ang pinagsamang pormula ng adbenturismo at turismo.

Habang binabasa ko nga ang Inferno, naaalala ko ang dalawa pang akda ni Brown na nabasa ko rin noon, ang The Da Vinci Code at Angels & Demons. Simple lang ang pormula ng mga nobelang ito ni Brown: Ang pag-alam sa isang koda ay nagbubunga ng panibagong pakikipagsapalaran na nagdadala sa mga karakter sa iba’t ibang lugar. At habang bumibiyahe, kapansin-pansin ang pagkukuwento ng katangian ng mga lugar na tila nagbabasa ka ng sinipi mula sa Wikipedia. Ang karakter na si Robert Langdon na propesor sa Harvard University ay parating napapareha sa isang babaeng maganda’t matalino. Maaasahan ang tensyon sa pagitan ng dalawa. Sa simula’y pagkainis pero hahantong din naman sa pagkagusto.

Sa kaso ng Inferno, ang madalas na pagbiyahe, pansamantalang paghinto para pagmasdan ang paligid at mahabang pagpapaliwanag sa nakikita ay nagresulta sa 461 pahina. Bilang peryodistang may karanasan sa pag-eedit, masasabi kong kaya namang ikuwento sa mas kakaunting pahina ang buong pangyayari kung tatanggalin lamang o paiikliin ang komentaryo tungkol sa mga lugar na pinuntahan ng mga karakter. Kung tutuusin, hindi naman masyadong kailangan ang mga ito dahil nagmimistulang travel brochure ang nobela kung hahayaan ang mahabang pagsasalarawan.

Hindi ako nag-iisa sa ganitong obserbasyon sa akda ni Brown. Kung babasahin ang isang artikulo sa The Guardian, binanggit na ang mga rebyu mula sa United Kingdom ay negatibo sa pangkalahatan. Bilang halimbawa, sinipi ang pahayag ni Peter Conrad ng Observer: “I used to think that Dan Brown was merely bad. Now, after reading the latest version of the apocalyptic thriller he rewrites every few years, I suspect he might be mad as well: Hogwarts Academy, compared with Brown’s brain, is a clean, well-lighted, supremely lucid place.”

Sadyang hindi maikukumpara si Brown sa iba pang mahuhusay na manunulat tulad ni Ernest Hemingway, ang awtor ng maikling kuwentong “A Clean, Well-Lighted Place” na pahapyaw na ginamit ni Conrad para ikumpara ang imahinasyon ni JK Rowling at utak ni Brown. Ang Inferno kasi ay librong isang beses lang babasahin at pagkatapos ay puwede nang kalimutan. Hindi na ito kailangang balik-balikan dahil wala namang malalim na pinaghuhugutan ang kuwento o kahit ang pinagdaraanan ng mga karakter sa nobela.

At kung babalikan ang pagsasalarawan sa Maynila bilang “gates of hell,” mas mainam sanang huwag na lang pansinin ito ng mga opisyal ng gobyerno at hayaan na lang ang mga eksperto ng literatura na busisiin ang akda ni Brown. Kumpara kay Tolentino, maaasahan kasi ang mga eksperto na babasahin muna nang buo ang libro bago magbigay ng anumang pahayag.

Kung mayroon mang impyernong pinagdaraanan ang Maynila sa partikular at ang Pilipinas sa pangkalahatan, ito ay ang klase ng opisyal na mayroon tayo. Batay sa naging aksiyon ni Tolentino, lumalabas na padalos-dalos ang kanyang pahayag. Dahil sa limitadong datos, walang malalim na pagsusuring ginagawa at hinahayaan lamang ang emosyon o relihiyon na mangibabaw sa pagbubuo ng diskurso.

Mas nakakabahala nga ang balitang noon pa palang 2006 ay nanawagan din si Tolentino na huwag panoorin ang pelikulang The Da Vinci Code na batay sa nobela ni Brown dahil sa negatibong pagsasalarawan sa simbahang Katoliko. May dalawang tanong lang sa puntong ito: Nabasa kaya ni Tolentino ang nobela o napanood man lang ang pelikula bago siya gumawa ng pahayag sa publiko? Bilang opisyal ng gobyerno, kasama ba sa kanyang trabaho ang pagsasabi kung ano ang dapat panooring pelikula ng mga tao?

Kung may puna ako sa pagsasalarawan ni Brown sa Maynila, ito ay ang hindi niya pagbanggit sa klase ng pamamahalang ginagawa sa lungsod at maging sa Pilipinas. Para sa katulad kong nagpupunta madalas sa Maynila at nakikita mismo ang realidad ng lungsod, talaga namang imperyno ang pinagdaranan ng maraming mahihirap. Pero dahil hindi malalim ang kanyang pagsusuri, hindi nakikita ni Brown ang kontradiksiyon sa kahirapan at ang krisis sa lipunan, sa Maynila man o sa iba pang lugar.

Kung magiging mas mahusay lang sanang manunulat si Brown, mas magagamit niya ang kanyang kasikatan para makapagpamulat at hindi lang magbigay ng paulit-ulit na pormula ng adbenturismo at turismo. At kung gagamitin niya ang Maynila bilang sentro ng pinangyarihan sa isang susunod na nobela, sigurado akong marami siyang paghuhugutang karanasan ng maraming nakikibakang mamamayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.