Rebyu

Multo ng nakaraan


Rebyu ng Dementia, pelikulang dinirehe ni Perci Intalan, mula sa iskrip nina Perci Intalan at Jun Lana, tampok sina Nora Aunor, Jasmine Curtis Smith, Yul Servo, Bing Loyzaga, Chynna Ortaleza, at Althea Vega. Na-test screen noong Setyembre 10, 2014 sa Greenhills Theater Mall, San Juan City Hindi ko inaasahang isang horror-suspense drama ang Dementia. Wala […]

Nora Aunor bilang babaing may dementia.
Nora Aunor bilang babaing may dementia.
Nora Aunor bilang babaing may dementia.

Rebyu ng Dementia, pelikulang dinirehe ni Perci Intalan, mula sa iskrip nina Perci Intalan at Jun Lana, tampok sina Nora Aunor, Jasmine Curtis Smith, Yul Servo, Bing Loyzaga, Chynna Ortaleza, at Althea Vega. Na-test screen noong Setyembre 10, 2014 sa Greenhills Theater Mall, San Juan City

Hindi ko inaasahang isang horror-suspense drama ang Dementia. Wala man lang kasi akong nabasang anuman o napanood na trailer tungkol dito.

Kaya ang akala ko ang istorya ay iikot sa kung paano pakikitunguhan ang pagiging ulyanin. Hindi pala.

Pero sa salitang “dementia” mataas na kaagad ang ekspektasyon ko sa pelikula lalo’t si Nora Aunor ang bida. Kaya maaga pa’y sumugod na ako sa Greenhills Theater Mall, kung saan ginawa ang test screening, noong Setyembre 10.

At hindi ako nabigo. Dinala ni La Aunor ang pelikula. Kay Nora, di na masyadong kailangan ang diyalogo, dahil sa mata pa lang ay may drama na. Lahat ng emosyon ay ipinakita at ipinadama niya – lungkot, galit, takot, gimbal. Kulang na lang na tawagin ko ang pelikulang ito ng “The Eyes.”

Liban dito, bawat kilos at galaw ni Nora ay kapani-paniwala. Hahatakin at hahatakin niya ang manonood sa mga eksena, na para bang kasama ka na niya sa telon. Hindi pilit. Hindi garapal. Subtle, ika nga sa Ingles.

Kung masaya siya napapangiti ka, kung malungkot nag-aalala ka, kung nagigimbal natatakot ka. Kaya para lamang makita kung gaano siya kahusay na artista, sapat nang panoorin ang pelikula.

At manonood na mismo ang magsasabing isa siyang tunay na pambansang artista.

Samantala, medyo kakaiba ang istorya ni Jun Lana. Kuwento ito ng isang may edad na babaing may dementia na iniuwi sa Batanes ng pinsang si Bing Loyzaga. Balikbayan si Bing, na inalagaan ni Nora, at sa pagmamahal ni Bing ay isinama si Nora na dumalaw sa probinsiya.

Pagkakita pa lamang sa lugar, sa mga talampas at alon, at sa bahay na bato, alam mong dito’y may maaalala si Nora.

Pero tulad ng isip na isang taong may dementia, gayundin muna tumakbo ang istorya – flashes of memory na hindi mabuo-buo ang kuwento. Unti-unti ang pagluluwal ng istorya at madalas hinahanap mo sa isip kung saan ka ba talaga dadalhin ng kuwento. Suspense, ika nga, na mahusay namang natahi bandang huli, tulad ng pagkakabuo ng pieces of puzzle na ginagawa ni Nora.

Lamang, kapansin-pansin ang pagluwag sa characterization. Halimbawa’y hindi naging malinaw kung bakit galit si Nora kay Yul Servo, na asawa ni Bing sa pelikula, gayong ipinapakitang mabait na bata naman si Nora na nag-alaga pa ng isang baliw. Hindi rin malinaw kung paanong naging pinsan ni Nora si Bing, gayong adopted lang si Nora. O paano sumulpot sa buhay ni Nora si Bing.

Kung baga, may mga bahaging hindi consistent sa mga tauhan.

Pero consistent ang ganda ng cinematography. Nahuli nito ang nakamamanghang kalikasan ng Batanes, at ang katahimikan at kalagayang parang pinag-iwanan ng panahon ang lugar ay umakma sa mood ng pelikula at sa katayuan ni Nora na may dementia.
Sabihin pa, mahusay na naiugnay ang paligid sa mahahalagang pangyayari sa buhay ni Nora.

Kung ito naman ang unang pelikula ni Percival Intal bilang direktor, bagaman may mga bahaging dragging at napabilis at napaigsi pa sana, ito ay magandang simula na. Isang pelikula ito na irerekomenda ko sa aking mga kaibigan, hindi lamang dahil kay Nora kundi dahil may gems sa pelikula. Hindi ko nga lang masasabing gem ang musika. Maganda sana ang tunog pero sa sobrang lakas nakakatulig na sa tenga at umaagaw na sa mga eksena.

Gayunman, pinakagusto ko ang huling eksenang nagsusulat si Nora sa ospital at pilit inaalala ang mga nakaraan. Sa huling talata, binura niya ang salitang “itinulak” at pinalitan ng “tumalon.” ‘Yun na ‘yon. ‘Yung single scene na ito ang nagtahi at nagpaliwanag ng maraming katanungan sa buong istorya.

Nang lumabas ako ng sinehan, hindi ko maiwasang mapangiti na rin. Sumagi sa aking isip na sana, ang mga bulok na pulitiko sa ating bayan ay multuhin ng kanilang mga nakaraan, sa mga kasalanang ginawa nila sa bayan. Kung gayon, may nagagawa rin palang mabuti ang dementia.