Di ba 'te?

Go, girl!


Ilang beses kong naisip na magsulat ng kolum. Ilang beses din akong atras abante. Kaya ko ba talagang mag-level up sa mga seryosong kolumnista ng Pinoy Weekly, ‘te? Minsan ay nagsubok na rin ako; nagsulat nang magdamag, tinulugan ang sinulat nang ilan pang gabi, kinis dito, kinis doon, at kung iskultor lang ako, perfect na […]

Ilang beses kong naisip na magsulat ng kolum. Ilang beses din akong atras abante. Kaya ko ba talagang mag-level up sa mga seryosong kolumnista ng Pinoy Weekly, ‘te?

Minsan ay nagsubok na rin ako; nagsulat nang magdamag, tinulugan ang sinulat nang ilan pang gabi, kinis dito, kinis doon, at kung iskultor lang ako, perfect na sana, pero sa isang maling click, na-delete!

Halos mawalan ako ng ulirat. Natulala, naiyak, na-depress. Para akong si Sisa na naghahanap ng Brother o Underwood. Isinusumpa kita, kahit Mac ka pa. Pero ‘wey, nawalan rin talaga ako ng gana.

Minsang nahimasmasan, naisip ko si Mao. Sabi ni Mao lahat ng bagay may positibo at negatibo. Ibig sabihin, kung walang panalo, walang talo. Kung walang talo, walang panalo. Kontradiksiyon. Dialectics. Ba’t nga naman ako susuko, ‘te?

Pero, if truth be told, hindi ako mapakali. Paano kung lumabas ang kolum ko na matalino o bobo, malalim o mababaw, may halaga o basura, o para sa mga kaibigan kong matataas ang kamulatan, kaliwa o kanan? Ay, di na yata talaga ako makakapagsulat, ‘te.

Kaya lang naisip ko rin, di ba materialists are fearless? Magpakatotoo lang ako, okey na. Kahit umulan pa ang mga puna.

Kaya, go girl!

Una ko tuloy napagdiskitahan itong si Pemberton. Pero ,’te, nang makita ko na ang larawan ni Pemberton sa TV, ang una ko ba namang nasabi, sino ang mas guwapo, si Smith o si Pemberton?

Gusto kong sabunutan ang sarili ko. Para bang ang kasalanan ay nahuhugasan ng kaguwapuhan. Liban sa krimen ang ginawa nila — si Smith sa panggagahasa kay Nicole at si Pemberton sa pagpatay kay Jennifer na transgender— e, ano naman kung mala-Kristo ang mukha nila.

Kawawa lalo ang mga pangit, ‘te. Para bang sila lang ang may karapatang maging masama o kriminal. At kung maganda o guwapo, santo o di makabasag pinggan?

Ingat na nga tayo sa appearances, ‘te. Ilang beses na tayong natanso. Mula sa mga dayuhang mananakop na ang dala ay krus, tsokolate, o sake, hanggang sa mga pinuno ng bansa na kung hindi dahil sa spin doctors di lalabas na mga pogi. “Bagong Lipunan,” “Tuloy ang Laban!”, “Philippines 2000,” “Ahon Pilipinas,” “Strong Republic,” “Tuwid na Daan.” Di ba ang gandang pakinggan, pero ganun pa rin, bagsak pa rin ang mundo natin, di ba ‘te?

Kaya siguro marami ang taas-kamao. Di kasi nagbabago ang kalagayan. Marami na ring tumanda sa pakikibaka. Pero isa lang ang masasabi ko sa mga bagong sibol, ‘te. Seize the day, seize the hour (sorry, hindi po ako ang orig nito kundi si Mao.) As in, palargahin ang mga paa sa pag-oorganisa at hindi lang ang mga daliri sa mga cellphone o kompiyuter.

Sabi nga ni Ted Failon, ‘ya know what am sayin? Di ba, te?