Karapatang Pantao Main Story

Pagmimina at militarisasyon: Magkaugnay na panganib sa Mindanao


  Hindi nananahimik ang mga mamamayan ng Mindanao sa banta ng pagkasira ng kalikasan dahil sa mapanirang pagmimina. Kung kaya inihaharap sa kanila ng gobyerno ang militar. Pero hindi  patatakot ang taumbayan. Nang dumaan ang mga bagyong Sendong at Pablo sa Mindanao noong nakaraang mga taon, nakita ang epekto ng pagkasira ng kalikasan: Pagbaha at […]

minda_infograph

 

Hindi nananahimik ang mga mamamayan ng Mindanao sa banta ng pagkasira ng kalikasan dahil sa mapanirang pagmimina. Kung kaya inihaharap sa kanila ng gobyerno ang militar. Pero hindi  patatakot ang taumbayan.

Nang dumaan ang mga bagyong Sendong at Pablo sa Mindanao noong nakaraang mga taon, nakita ang epekto ng pagkasira ng kalikasan: Pagbaha at pagguho ng lupa, na kumitil ng libong buhay.

Isa sa itinuturo ng mga eksperto na pangunahing dahilan kung bakit bulnerable ang mga mamamayan dito sa kalamidad: Kalakhan sa Mindanao sa kasalukuyan ay sinisira na o target pa ng dayuhang malakihang pagmimina.

Dahil polisiya ng Malakanyang ang akitin ang dayuhan at malalaking kompanya ng mina, wala itong polisiya na kontrolin ang pagkasira ng kalikasan dahil sa pagmimina. Bagkus, protektado pa ang mga ito ng mga insentibo, tax exemptions at malaking merkado ng murang lakas-paggawa.

Sinumang dayuhan at malalaking kompanya ay maaakit sa likas na yaman sa Mindanao: Ginto, pilak, at tanso, ang pangunahing namimina dito, bukod pa sa chromite, molybdenite, at iba pang mineral. Hindi pa kasama ang tinatayang pagmumulan ng hydroelectric power sa Silangang bahagi ng Mindanao.

Pero umaakit ng matinding paglaban ang mga proyektong ito. Kung kaya, nangangailangan ito ng “proteksiyon”. Hindi sapat ang security guards, kaya mismong mga tropa ng Armed Forces of the Philippines ang itinatalaga.

Sa kasalukuyan, nakadestino sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang mga elemento ng AFP. Mayroon silang 5 dibisyon, (4 full divisions), at 48 batalyon. Nakasentro sila sa silangang bahagi ng Mindanao (Southern Mindanao Region, Caraga, Far South Mindanao at Northern Mindanao), habang may ilan pa sa ilang probinsiya sa kanluran.

Kung hindi pa sasapat ang mga bilang na ito, may 700 puwersang Kano ang nananatili sa Zamboanga City.

Marami sa mga paglabag sa karapatang pantao na naitala ngayong 2014 ay dahil sa operasyong militar, pambobomba, strafings, clearing operations, at sapilitang paglikas.

Makikita ang epekto ng mga operasyon ng militar: Pagsasara ng mga paaralan, paglikas o bakwet (evacuate) ng mga katutubo at magsasaka sa kanilang mga komunidad at lupang ninuno, at kabi-kabilang kaso ng abuso sa mga aktibista. Kawawa din ang mga maliliit na nagmimina kapag nadawit at nakasuhan sila ng illegal possesion of explosives: non-bailable ang kaso na ito, kahit makitaan lang ng kurdon.

Matindi rin ang pagrekluta ng paramilitar sa hanay ng  mga Bagani o Lumad. Binabalik ang estilong Alsa Masa (luma at brutal na grupong paramilitar), tulad ng Almara. May lumabas rin na mga ulat na ginagawang Citizens Armed Forces Geographical Units (Cafgu) ang mga Lumad, kaya mismong sila ay nakikipag-laban sa kapwa nilang katutubo.

Sa kabila ng mga ito, mayaman ang kasaysayan ng Mindanao sa paglaban sa mga aktibidad na katuwang ng malalakihang pagmimina. Noong 1994, nagdeklara ang mga Talaingod Manobo sa Davao del Sur ng “pangayaw” o tribal war laban sa Alson company guards para maprotektahan ang lupang ninuno. Ito rin ang unang pagkakataong lumikas ang mga Lumad sa kanilang komunidad.

Patuloy ang pakikibaka ng mga Lumad na maprotektahan ang Pantaron Range mula sa malaking komersiyal na pagmimina at pagsira sa mga kagubatan dahil sa maramihang pagputol ng mga kahoy.

Sa Nobyembre, nakatakdang magmartsa ang daan-daang katutubo at mamamayang Mindanaoan. Dadaan sila ng Tacloban para makiisa sa mga kapwa biktima ng kalamidad. Pagkatapos nito, maglalakbay sila patungong Maynila para mas malakas na ipahayag: Hindi mananahimik ang Mindanao, tututol sila sa mapanirang pagmimina at militarisasyon.