Di ba 'te?

Living Dangerously


‘Pag labas ko pa lamang ng bahay, hindi ko na alam kung makakabalik ako nang buhay. Sa tricycle man o jeep, hawak ko na ang hininga ko, ‘te.  Kung makaharurot ang mga drayber, akala mo mauubusan ng byaheng langit.  Kung hindi kami makakabangga, kami ang mababangga. Naghahabol ng boundary, gustong makarami, pero puso ko naman […]

‘Pag labas ko pa lamang ng bahay, hindi ko na alam kung makakabalik ako nang buhay.

Sa tricycle man o jeep, hawak ko na ang hininga ko, ‘te.  Kung makaharurot ang mga drayber, akala mo mauubusan ng byaheng langit.  Kung hindi kami makakabangga, kami ang mababangga. Naghahabol ng boundary, gustong makarami, pero puso ko naman ang inaatake.

At ang kalye, sa usok akala mo tuloy parating may barbecue party.  Buga dito, buga doon ang mga tambutso ng sasakyan. Ito kasing third world country, bagsakan ng second hand, kaya ang yaman-yaman natin sa carbon monoxide, ‘te.

Sumakay man ako ng FX, aircon  nga, pero sa virus wala akong kawala.  Sumisinghot sa sipon ang pasaherong nasa likuran, at umuubo naman sa harapan. Kung Ebola virus yun, siguradong inaabangan na ako ni San Pedro.

At kung siksikan naman, daig ko pa ang sinasakal. Isasakay pa rin si fat mama.  E, ‘te,di na nga halos dumadaloy ang dugo sa mga kamay at binti ko.

Natuwa rin ako na mukhang disente ang mga kasakay ko.  Ang gaganda ng smart phones at tablets nila. Kulang na lang itago ko si Cherry. Pero pagdating namin sa ibabaw ng Quezon Bridge, ‘pag lampas ng Quiapo, may nagbukas ng portfolio sabay sigaw, “holdap ito”.  Tangay lahat ng gadgets, buti iniwan pa ang hininga namin, ‘te.

Sa loob naman ng jeep, akala mo’y anak ang bitbit kong bag.  Nadala na ako nang minsa’y nakasakay ko ang apat na kabataan, na maagap na tumabi sa kaliwa ko’t kanan.  Maya-maya’y narinig ko na lamang ang kalansing ng mga sentimo sa aking paanan, yun pala’y gusto lang akong ilihis habang ginigitgit at tangkang dukutan ang aking bag. Nabigo sila, pero kung may dala silang ice pick o kutsilyo, tao lang naman ako, ‘te, ibibigay ko na ang gusto.

Minsan, naisip ko, makisakay na lang kaya sa kapitbahay naming pulitiko. Pero hindi ko alam kung may mga kasalanan ito sa bayan.  Baka pag na riding-in-tandem ito, tumawid ang bala sa katawan ko.

Sinubukan ko na ring mag-LRT/MRT, ‘te. Pero sa prusisyon ng tao, buti pa magsimba na lang kaya ako, at baka may grasya pang matamo. May isang sumigaw lang ng sunog, tepok ang marami sa stampede.

Mabuti pa siguro maglakad na lang, ‘te. Pero ito nga’t nasa pedestrian lane na, nakikipagpatintero pa ako sa mga sasakyang walang modo.

Mas mahirap rin pala, kapag tag-ulan. Di ko na makita ang daan sa baha.  Kapa dito, kapa doon, baka may manhole. ‘te. Yun pala, madadale din ako ng leptopirosis.

Safe pa kaya sa himpapawid? Marami sa mga piloto natin ay nasa abroad na.  Kaya ang pumapalit ay mga bagito. Liban dyan, overworked din sila, lumalagare sa maraming destinasyon sa loob ng isang araw.  Kaya, ‘te, magdasal ka na lang na di tulog ang iyong piloto at nakainom ng Red Horse.

E, di, lalo na siguro sa dagat. Floating coffins, ika nga. Lumang-luma na nga ang mga barko, sobra-sobra pa ang pasahero. Talagang milagro kapag nakarating ka pa sa patutunguhan mo.

Huwag na lang kaya akong umalis ng bahay?  Puwede ba yun, ‘te?  E, di tigbak din ako, walang trabaho, walang kakainin.  Kaya no choice, sugod kapatid. Iwas, ingat, alerto na lang sa panganib. Isa lang ako sa mga milyong Pilipino na araw-araw ay kaharap ang ganito. Pero isa rin ako sa nangangarap na balang araw ay magbabago ang ganitong sistema para mabuhay tayo nang payapa at matiwasay.

Masarap namang mangarap, di ba ‘te?