FEATURED Pambansang Isyu

Ang umiigting na laban kontra K-to-12


Sa edad na 15, isa si Asis sa mga pangunahing nangangalap ng mga opinyon hinggil sa programa at nagtitipon sa mga kapwa niya mag-aaral sa kanilang paaralan. Kasama niya ang mga ito na dumalo sa kauna-unahang pagtitipon ng mga estudyante, guro, magulang at iba pang sektor na tutol sa K-12.

Dalawang klasrum sa Batasan National High School. Ang isa ay may bentilasyon, ang isa ay wala. Pher Pasion
Iisang klasrum na pinaghati sa dalawa, sa isang hayskul sa Quezon City. Pher Pasion/PW File Photo

Maagang gumising ang mga mag-aaral na Grade 10 ng Nagpayong National High School pero hindi sa mga pamilyar na klasrum at gusali ng kanilang paaralan sila pupunta.

Kasama ang kanilang mga guro, kanilang babagtasin ang mga lansangan, para ipanawagan ang pagbasura ng dagdag dalawang taon sa eskuwelang nakaambang ipatupad alinsunod sa programang Kindergraten-to-12 years (K-12) ng gobyerno.

Laman ng sunud-sunod na mga kilos-protesta laban sa K-12 si Emmanuel Asis, Grade 10, at presidente ng Supreme Student Government (SSG) ng Nagpayong. Para sa kanya, hindi ito ang sasagot sa matagal at malalim na problema sa edukasyon ng Pilipinas. Dagdag-pasakit lang ito para sa mahihirap.

“Mahihirap na mga estudyante ang pangunahing maaapektuhan, ang sasalo ng dagdag na mga gastos,” ani Asis.

Sa K-12, dalawang panibagong taon ang gugugulin ng mga mag-aaral sa Senior High School (SHS) matapos ang mandatory year sa kindergarten, anim na taon sa elementarya (Grade 1 hanggang 6), at apat na taon sa junior high school (Grade 7 hanggang 10).

Sa edad na 15, isa si Asis sa mga pangunahing nangangalap ng mga opinyon hinggil sa programa at nagtitipon sa mga kapwa niya mag-aaral sa kanilang paaralan. Kasama niya ang mga ito na dumalo sa kauna-unahang pagtitipon ng mga estudyante, guro, magulang at iba pang sektor na tutol sa K-12.

Roll call

Binubuo ng iba’t ibang eskuwelahan at komunidad ang tinawag na Stop K-to-12 Alliance na layong manguna sa kampanya para ipabasura ang programang nakaambang ipatupad sa susunod na taon.

“Ito’y malawakang asosasyon ng mga magulang, mag-aaral at mga guro, mula antas paaralan hanggang dibisyon na layong tipunin ang lahat mula sa pinakamababang antas hanggang sa pinakamataas,” ani Louie Zabala, tagapangulo ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA).

Batid ni Anna Marinas, Grade 10, at presidente ng SSG sa Sta. Lucia High School sa Quezon City, ang kawalang kahandaan ng kanilang paaralan sa usapin ng mga pasilidad, at mismong mga guro.

“’Yung higher sections, nabibigyan kami ng modules, pero paano naman ‘yung iba? Paano naman yung lower sections na mas kailangan ng modules para ma-motivate pa sila sa kanilang pag-aaral?” ayon kay Marinas.

Layon ng K-12 na gawing globally competitive ang Pilipinas, na tanging bansa na lang daw sa Asya na mayroong 10 taong basic education program.

Sa kabila nito, hindi tumaas ang badyet para sa edukasyon na nasa 3 posiyento ng GDP ng bansa, kumpara sa 6.42 porsiyento sa Thailand at 5.94 porsiyento sa Malaysia.

“Ako mismo’y nangangamba sa dagdag-gastusin bilang magulang. Sa baon pa lang, hirap na, tapos ‘yung pang-araw-araw na gastusin. Ang ibibigay rito ay panibagong sakripisyo sa mga estudyante at magulang,” ani Juver Marquez, na may dalawang anak na tatamaan ng K-12.

Sa datos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), pambansang alyansa ng mga guro sa bansa, sa higit 1.95 milyong kabataang inaasahang papasok sa SHS, 0.8 milyon lamang ang kayang i-accommodate sa public SHS at ang natitirang halos isang milyon ay mapupunta sa mga pribadong paaralan.

Nakiisa din sa Pasig City Rep. Roman Romulo sa panawagan laban sa K-12. <strong>Judielyn Agua</strong>
Nakiisa din sa Pasig City Rep. Roman Romulo sa panawagan laban sa K-12. Judielyn Agua

Samantala, inihahain ang “voucher system” para bigyang ayuda ang mga magulang: maglalaan ang gobyerno ng P16,500 hanggang P22,500 para sa mga estudyanteng mapupunta sa pribadong SHS. Pero walang kasiguruhan na matatanggap ito ng lahat.

Ayon pa kay Marquez, na isa ring guro sa Nagpayong High School, “Hindi naman tumataas ang sahod naming mga magulang, ng mga manggagawa. Ang nangyayari pa ay lalong nababawasan ang kakayanan ng mga mamamayan na makuha ang mga serbisyo.”

“Kapag natuloy ang K-12, ang pagtungtong ng kolehiyo (ay magiging) isa na lang pribilehiyo para sa aming estudyante. Dapat kasi ang edukasyon ay karapatan,” ani Marinas.

Pagsusulit

Sa kabilang banda, ngayon pa lamang ay ramdam na ng mga guro ang panganib na dala ng pagpapatupad ng reporma.

Pinangangambahan ng mga guro sa elementarya ang pagpapasara ng kanilang paaralan na siyang pagtatayuan ng mga SHS.

Ang Bungad Elementary School sa Quezon City, halimbawa, ay nakatakdang ilipat sa kalapit na Jose Abad Santos Elementary School dahil gagawing SHS ang paaralan.

“Kami ang magiging sacrificial lamb. Imbes na magpatayo sila ng facility, ang ginagawa nila, ililipat (ang mga estudyante) para nga naman makatipid daw. ‘Yung parents at guro, kahit na umaalma kami, ang sabi ng principal wala nang magagawa kasi napagdesisyunan na ‘yan,” sabi ng isang guro.

“Kung talagang sinasabi nila na may sapat na pondo para sa K-12, wala po. Naghahanap po sila ng mga paaralan na kaya nilang lusawin,” sabi naman ng isang guro mula sa Gen. Licerio Geronimo National High School.

Sinuportahan naman ng mga mamamayan ang laban para ihinto ang K-12. <strong>Judielyn Agua</strong>
Sinuportahan naman ng mga mamamayan ang laban para ihinto ang K-12. Judielyn Agua

Inaalma rin nila ang kawalan ng pilot testing ng programa na naka-angkla sa transition period na 2016 hanggang 2020.

Sa transition period, babagsak ang bilang ng mga mag-aaral ng mga kolehiyo. Ayon sa unang datos ng Commission on Higher Education, nanganganib mawalan ng trabaho ang higit 78, 318 na mga guro at kawani sa buong bansa. Pero lubhang bumaba ang panibagong datos na inilabas sa 25, 090 na ikinababahala ng mga kritiko.

“Kinukuwestiyon natin ‘yung batayan kung bakit binaba nila ‘yung figures,” ani ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Tinatanggal din sa balangkas ng reporma ang mga asignaturang Filipino, Literatura at Philippine Constitution sa kolehiyo. Gagamitin ang mother tongue sa mga unang baitang pero magiging wikang panturo ang Ingles pagkatapos ng Grade 3.

“Ang kasaysayan natin bilang isa tayong lahi at isang bansa ay isinasantabi at hindi na ituturo sa ating kabataan. Ganoon na rin ang mismong ating pambansang wika,” ani Benjamin Valbuena, guro at pambansang tagapangulo ng ACT.

“Panawagan ng mga mag-aaral na ibasura ang kolonyal na edukasyong hindi naman tumutugon sa pangangailangan ng Pilipinas,” ani Asis.

Unang markahan

Para kay Raymond Palatino, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan-Metro Manila at dating kinatawan sa Kamara ng Kabataan Party-list, lantad ang maka-dayuhang oryentasyon ng K-12.

Isang rason sa pagpapatupad ng programa ang paglalangkap sa mga mag-aaral ng training at kakayahan para makakuha ng semi-skilled na trabaho.

Ayon kay Palatino, ang technical-vocational courses na itinatanghal ay tumutugon sa pangangailan sa lakas-paggawa ng ibang mga bansa — caregiving, plumbing, welding, housekeeping, tailoring at iba pa. Ideyal din umano ang programa na magpapatapos sa mga estudyante sa edad na 18, kung kailan legal na silang makapagtatrabaho.

Inaccurate name ang K-12, ito ay TESDA in high school. Binibigyan ng skills ang ating mga estudyante hindi upang maging globally competitive tayo at magdevelop ng ating mga sariling industriya, ngunit kundi para sa manpower need ng ibang bansa,” ayon kay Palatino.

“Imbes na gagradweyt na sa Marso, maghihintay pa kami ng dalawang taon. Tapos pagkatapos daw ng Grade 12, may naghihintay nang trabaho sa amin. Paano nila masasabi ‘yun eh ngayon, kahit college graduate, walang trabaho. Ang bagsak ay call center agent, o kaya mga trabahong hindi akma sa course kung saan sila nagtapos,” ani Marinas.

Bilang resolusyon, layon ng binuong pambansang alyansa na pagkaisahin hindi lamang ang hanay ng mga guro sa siyudad, gayundin sa mga probinsiya. Nauna nang nagpasa ang ACT ng mga petisyon na naglalaman ng kanilang mga hinaing hinggil sa K-12.

Pangungunahan din ng Stop K-to-12 Alliance ang pagbubuo ng kurikulum para sa basic education — ito anila’y magmumula mismo sa mga guro sa iba’t ibang bahagi ng bansa at dadaan sa masusing pag-aaral.

“Magsasama-sama po tayong lahat, sa Kongreso, sa korte, sa lansangan. Habang wala pang desisyon (ang Korte Suprema), at maski na may desisyon pa rin, hindi tayo titigil hangga’t hindi tayo nagwawagi,” ani Valbuena.