Scope Out

Bakit kailangang sumama sa protesta vs huling SONA ni Aquino


Tiyak na babaha ng kasinungalingan at haciendero arrogance ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Noynoy Aquino.

Tiyak na babaha ng kasinungalingan at haciendero arrogance ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Noynoy Aquino.

Sa lahat na yata ng mga pangulo ng bansa na naabutan ko (si Fidel V. Ramos na ang naabutan ko), si Aquino na yata ang open arms and legs at pinaka-agresibo kung ibenta ang Pilipinas sa mga dayuhan. Siya na siguro ang pinakamasugid na tuta ng Amerika at tagasunod ng neoliberal na  mga patakaran na lalong nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Sa limang taon ni Aquino sa puwesto, marami siyang ginawa para sa mga amo niyang dayuhan. Mula sa pagpirma ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) para gawing base ng Estados Unidos ang ating bansa, pagpapahintulot ng dayuhang mga kompanya ng mina sa ating mga kabundukan hanggang sa naudlot na economic charter change upang bigyang laya ang mga dayuhan na buung-buong magmay-ari ng mga lupain at negosyo sa bansa, ginawa na niya lahat ng gusto ng mga dayuhan pati ang pagtatambak ng basura sa ating bansa.

Ano naman ang ginawa niya para ikabubuti ng mga mamamayang Pilipino? Wala, maliban sa lalong pagpapasahol sa kahirapan at kawalan ng hustisyang panlipunan.

Para matugunan ang wishlist ng mga dayuhan sa pangunguna ng Estados Unidos, walang habas na nilalabag ni Aquino ang mga karapatan ng mga mamamayan para lang matupad ang mga gusto ng mga dayuhan.

Ayon sa gobyerno, ang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa bansa ay makatutulong ng malaki sa pag-unlad. Kaya naman talagang gustung-gusto ni Aquino na pasukin ang iba’t ibang ‘di pantay na kasunduan sa kalakalan. Nagpupumilit pang pumasok sa Trans-Pacific Partnership Agreement (TPPA) para lalong buksan ang ekonomiya ng Pilipinas at ng iba pang mahihirap na bayan para sa dayuhan pananamantala.

Laganap ang kontraktuwalisasyon at kawalan ng benepisyo ng mga manggagawa at kawani sa parehong publiko at pribadong sektor. Walang patid ang pagtaas ng mga presyo ng langis, kuryente, tubig, bigas, at lahat ng kailangan para mabuhay. ‘Di pa kasama diyan ang kawalan ng libreng serbisyong medikal para sa mahihirap na may sakit dahil kulang sa pondo ang pampublikong mga ospital na gustong ibenta ng pamahalaan sa malalaking negosyante. Dinedemolis din ang mga komunidad ng maralita para pagtayuan ng mga condominium para pagkakitaan. Maraming kabataan sa lansangan na ‘di nakakapag-aral dahil sa taas ng kinakailangang halaga sa pag-aaral at dinagdagan pa ng dalawang taon sa high school para kapag nakatapos ay ibebenta sa mga dayuhan at malalaking negosyo bilang semi-skilled na manggagawa na kontraktuwal, mababa ang sahod at walang benepisyo. Kung papalaring makapagkolehiyo, huthuthutan naman ng pagkamahal-mahal na matrikula at other school fees. At kahit makatapos, walang mapapasukang maayos na trabaho na tugma sa natapos na kurso.

Sa madaling sabi, pagbebenta ng ating pambansang soberanya at patrimonya sa dayuhan, malaking kita para sa ganid na dayuhan at lokal na malaking negosyo, at siklo ng kahirapan para sa mga mamamayan ang hatid ng rehimeng US-Aquino.

‘Di pa nababanggit ang matinding paglabag ni Aquino sa karapatang pantao. Hindi lang presyo ng mga bilihin at serbisyo ang tumataas sa panunungkulan ni Aquino, tumaas at patuloy na nadadagdagan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Oplan Bayanihan upang pahinain ang rebolusyonaryo at progresibong mga puwersa sa lipunan.

May napakahabang listahan ng mga paglabag sa ilalim ni Aquino. Sa tala ng Karapatan nitong Marso 2015, may 238 na mga extrajudicial killing, 26 na enforced disappearance, 110 na torture, 59,612 na forced evacuation, at marami pang kaso ng iba’t ibang porma ng paglabag.

Mayroon ding 527 na political prisoners at 272 dito ay inaresto sa panahon ni Aquino. Kabilang dito ang mga kabataang aktibista tulad nina Maricon Montajes, Guiller Cadano at Gerald Salonga; mga organisador ng mga kawani ng gobyerno na sina Randy Vegas at Raul Camposano; mga peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines na sina Benito Tiamzon, Wilma Austria at Adelberto Silva; at iba pang mga kasapi ng iba’t ibang progresibong organisasyon.
Habang papalapit ang huling SONA ni Noynoy, tumitindi rin ang pandarahas ng mga elemento ng militar at pulis sa mga unyonista at aktibista ng pambansa demokratikong kilusan. Nariyan ang pagbuntot, paniniktik, pananakot at pag-aalok ng part-time job sa mga kasapi ng mga progresibong grupo para maghasik ng takot, makakalap ng impormasyon at makuha ang kooperasyon ng mga aktibista.

Pinakatampok ang pagbuntot at tangkang pagdukot sa dating deputy secretary general at kasapi ng council of advisers ng Conferderation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na si Antonieta Setias-Dizon na humingi ng tulong mula sa Integrated Bar of the Philippines kung saan pangulo ang kanyang kapatid.

Nabalita rin ang pandarahas ng mga pulis sa mga Manobo na nagbakwit sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Haran, Lungsod ng Davao dahil sa patuloy na presensiya at harassment ng militar sa kanilang mga tirahan at paaralan sa Davao del Norte. Sapilitang pinasok ng puwersa ng pulis ang UCCP Haran para pilitin ang mga Manobo na umuwi na sa Talaingod, Davao del Norte sa kabila ng patuloy na banta sa kanilang buhay at seguridad dahil sa pananatili ng mga sundalo sa kanilang lugar.

Sa haba ng listahan ng mga kasalanan ni Aquino sa sambayanang Pilipino sa loob ng kanyang limang taong panunungkulan, malaki na ang disgusto ng taumbayan sa isang pangulong wala sa mga mamamayan ang katapatan kundi nasa kanyang amo sa Amerika at malalaking dayuhan at lokal na kapitalista.

Hindi mananahimik ang bayan sa ganitong garapal na kabulukan sa pamahalaan. Sama-sama tayong magmartsa sa lansangan sa darating na SONA at ipakita ang nagpupuyos na galit ng mga mamamayan sa isang korap, pasista at tutang pangulo.