Kapirasong Kritika

Huling SONA ni Aquino


Ang tumampok bago ang SONA ay ang iba’t ibang hakbangin ni Aquino para takasan ang pananagutan sa mga krimeng ginawa niya habang nasa pwesto. Gusto niyang huwag matulad sa dalawang pangulong nauna sa kanya at makaligtas sa paghahabla at pagpapakulong matapos ang termino niya.

Tahimik na protesta ng Makabayan Bloc matapos ang talumpati ni Pangulong Aquino. <b>Boy Bagwis</b>
Tahimik na protesta ng Makabayan Bloc matapos ang talumpati ni Pangulong Aquino. Boy Bagwis

Sa dulo, hindi maalis ang pangkalahatang pagtingin na walang bago sa huling State of the Nation Address ni Pang. Noynoy Aquino nitong Hulyo 27. Dagdag-kumpirmasyon ito ng kanyang pagkabigo na magdulot ng ipinangako niyang “pagbabago.” Gayundin ng pagkabigong tuparin ang ipinangako niyang “Kung walang corrupt, walang mahirap” noong kumakandidato pa lang siyang pangulo.

Ngayong taon, bagamat naglabasan muli ang iba’t ibang “magandang balita” at papuri tungkol sa ekonomiya ng bansa, naglabasan din ang mga pagsusuring kumontra sa mga ito. Mas ang nangyari, nalantad na lalong humirap ang mahihirap at lalong yumaman ang mayayaman bago pa man ang aktwal na talumpati. Kapansin-pansin ang mga datos ng Ibon Foundation, independyenteng institusyon ng pananaliksik: Mas dumami ang walang trabaho at kulang ang trabaho, mas dumami ang mahihirap, habang trumiple ang yaman ng pinakamayayaman sa bansa.

Kauna-unawa sana ang balik-tanaw sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo sa SONA ni Aquino; tutal, nangako siya ng “pagbabago” kumpara rito. Pero lumutang na kahiya-hiyang paninisi ang bahaging iyun dahil una, wala siyang naipakitang tampok na pagsulong sa ekonomiya ng bansa. Pangalawa, wala rin siyang naipakitang tampok na pag-abante mula sa pamamahala noong panahon ni Arroyo. Ramdam ito noong kinailangan niyang sipiin ang minimum na pamantayang sinabi umano sa kanya para udyukan siya noong tumakbong pangulo: “Simulan lang ang pagtigil sa pang-aabuso, sapat na. To stop the hemorrhaging would be enough.”

Naghintay rin ang mga mamamayan ng mga pahayag tungkol sa mga ibinabato sa kanyang isyu o inaakusa sa kanyang krimen: pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Disbursement Acceleration Program, pagpapabaya sa mga biktima ng Yolanda, hindi pagpaparusa sa mga opisyal ng pamahalaan na malapit sa kanya, at iba pa. Wala siyang pag-ako ng pananagutan sa mga ito. Malamang, sasabihin ng mga tagapagtanggol niyang mas mainam na ang pananahimik kaysa pagbibigay ng palusot. Pero ipinapakita ng pananahimik niya sa mga isyung ito ang pagpapatuloy, hindi ang pagbabago, ng estilo ng pamamahala ng pangulong pinalitan niya.

Ang tumampok bago ang SONA ay ang iba’t ibang hakbangin ni Aquino para takasan ang pananagutan sa mga krimeng ginawa niya habang nasa pwesto. Gusto niyang huwag matulad sa dalawang pangulong nauna sa kanya at makaligtas sa paghahabla at pagpapakulong matapos ang termino niya. Sa layuning ito, kinausap niya ang popular na si Sen. Grace Poe para patakbuhin itong bise-presidente ng matapat sa kanyang si DILG Sec. Mar Roxas sa eleksyong 2016. Ang resulta, lalong nagmukhang malakas na kandidato si Poe sa pagkapangulo, at lalong nagmukhang mahinang kandidato ni Roxas. Nagmukha pang nasa bingit ng alanganin ang pag-endorso niya kay Roxas. Sumugal si Aquino dahil sa desperasyong maligtas sa paghahabla at pagkakakulong, pero natalo siya: tinanggihan ni Poe ang kanyang alok.

Bahagi rin ng pagtatangka niyang takasan ang pananagutan sa kanyang mga krimen ang pag-abswelto ng Ombudsman sa kanya kaugnay ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano. Matatandaang si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay itinalaga niya sa naturang pwesto. Sa pagtatangkang ilusot ang desisyon sa puntirya ng maraming kritikal sa kanya sa usapin ng Mamasapano, isinabay ito sa mga desisyong popular: sa pagsibak kay Alan Purisima, dating hepe ng Philippine National Police, kahit pa kaugnay lang ng isang maanomalyang kontrata. Sa pag-utos na imbestigahan ito kasama ng iba pa kaugnay ng Mamasapano. Gayundin sa pagrekomenda ng mga kaso laban kay Jovito Palparan, dating heneral ng militar na naging mukha ng malawakan at matitinding paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Sa gitna ng lahat ng ito, hindi kataka-takang pinaigting ni Aquino ang pampulitikang panunupil bago ang SONA at, sa marahas na pagharang sa mga nagpoprotesta, sa mismong araw nito: Mula sa paghuli sa konsultant ng National Democratic Front of the Philippines na si Adelberto Silva hanggang sa pagpatay sa maysakit na lider ng New People’s Army na si Leoncio “Ka Parago” Pitao. Mula sa panghaharas sa mga unyonista ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, tampok si Antonieta Setias-Dizon, at iba pang aktibista, hanggang sa pandarahas sa mga Lumad ng Mindanao na lumilikas sa militarisasyon. Hanggang, syempre pa, sa pagtatayo ng mas matinding garison sa Commonwealth Avenue sakto sa mismong araw ng SONA kontra sa mga protesta.

Kaakibat ng pagpapakitang umuunlad ang Pilipinas, gusto ng rehimeng Aquino na pahinain ang iba’t ibang porma ng paglaban ng mga mamamayan, na iniluluwal naman ng matindi at malaganap na kahirapan sa bansa. Pero sa halip na mapahina ang naturang paglaban, lalo lang pinatampok ng mga mapanupil na hakbangin ng rehimen na nagpapatuloy, kung hindi man sumasahol pa nga, ang mga dahilan at batayan ng mga mamamayan para lumaban.

Hindi inalintana ng mga nagpoprotesta ang panunupil. Sa labas ng Kongreso, mas naggiit ang sampu-sampung libong hanay ng mga nagrali na iparinig ang tunay na kalagayan ng bayan – sa kabila ulan, kapulisan at mga harang. Sa loob ng Kongreso, tahasang ipinakita ng mga kongresistang Makabayan ang pagtuligsa kay Aquino, bagay na lalong tumampok dahil sa agarang pag-boo ng mga alyado ng pangulo. Ang totoo, ang matatandaan sa SONA 2015 ay hindi ang sinabi ni Aquino, kundi ang mas palabang protesta ng sambayanang Pilipino.

30 Hulyo 2015