FEATURED Pambansang Isyu

Lumalalang serbisyo ng MRT at LRT


Mainit, siksikan, mahabang pila at pasira-sira – ganito inilarawan ni German Francis Intano ang kanyang biyahe sakay ng Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT2) bago pumasok sa eskuwela.

 

PW-mrt-lrt-fare-hike-featured

Mainit, siksikan, mahabang pila at pasira-sira – ganito inilarawan ni German Francis Intano ang kanyang biyahe sakay ng Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT2) bago pumasok sa eskuwela.

Tuwing may aberya, umaabot nang higit isang oras ang dapat sana’y 20 minutong byahe niya mula Antipolo patungong Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, kung saan siya kumukuha ng kursong Civil Engineering.

“Mabilis sana na way ang pagsakay dito (LRT2) para makarating sa school, iwas-traffic siya,” ani Intano, “pero minsan, sa pila pa lang, hassle na, mainit na. Pag-akyat mo sa platform, marami nang tao, late ka na, siksikan pa. Imbes na fresh pa yung utak mo, stressed ka na pagdating mo [sa pupuntahan mo].”

Dagdag pasahe, dagdag ng problema

Kung tutuusin, mahalaga ang papel sa paglago ng ekonomiya ng isang maayos na sistema ng pampublikong transportasyon. “Ito ay essential service sa pagpapaunlad ng isang bansa,” ani Mel Robles, dating administrador ng LRTA.

“Sa maayos na mass transport system, we have more productive time, more deliveries of goods on time, walang waste ng gasolina, walang polusyon,” dagdag niya.

Nagtanong ang isang mag-aaral ng Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas tungkol sa sitwasyon ng MRT at LRT. Judielyn Agua
Nagtanong ang isang mag-aaral ng Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas tungkol sa sitwasyon ng MRT at LRT. Judielyn Agua

Pero sa anim na taon ni Robles sa serbisyo, nasaksihan niya ang unti-unting pagbitiw ng gobyerno sa tungkuling isubsidyo ang serbisyong panlipunan, kasabay ng lalong paglala ng kalidad ng operasyon ng mga tren sa bansa.

Sa tala ng Ibon Foundation, lalong dumami ang bilang ng mga aberya sa operasyon ng MRT at LRT sa kabila ng dagdag-pasahe noong 2014. Mayroong naiulat na 25 glitches o kapalpakan mula Enero hanggang Hunyo ng 2015 o katumbas ng 4 na glitches sa isang buwan. Mas mataas ito noong 2010-2014 kung kailan umabot ng dalawang aberya lamang
sa loob ng isang buwan.

Naiulat kamakailan ang pagtulo ng bagon sa kasagsagan ng malakas na ulan ng LRT-1 na hawak ng consortium ng malalaking negosyante na Pangilinan-Ayala.

Ayon kay Raymond Palatino, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), isa ang pag-iwas sa mga ganitong aberya sa ‘di-umano’y mga katwiran ng gobyerno sa paghihikayat ng pribadong mga negosyante para pondohan ang pampublikong transportasyon. Taliwas naman ito sa reyalidad sa ilalalim ng Public-Private Partnership (PPP)
ni Pangulong Aquino.

“Isang magarbong pangalan lang ang PPP ng pribatisasyon,” ani Palatino, “ngunit ang tunay, mas nauuna yung kita higit sa mas mahalagang pangangailangan para sa servisyo-publiko. Ang nangyayari, pagtalikod ng estado sa kanyang tungkuling magbigay ng abot-kayang mass transport service.”

Inaalma ng mga komyuter ang anila’y lumalalang serbisyo sa mga tren sa kabila ng pagdoble ng singil at nakaamba pang mga pagtaas sa pasahe.

Para kay Honey Grace Alfonso, ikalawang taon sa kursong Civil Engineering sa PUP, hindi makatwrian ang mataas na presyong binabayaran niya sa pampublikong sasakyan.

It’s not fair. Hindi worth it ‘yung binabayaran namin when it comes to their service – delayed trains, siksikan, ‘yung machines for cards ay hindi gumagana ‘yung ilan,” ani Alfonso.

“Ang nangyayari, double-whammy. Dagdag-pasakit sa mga tao na hindi makayanan ang mataas na cost of living sa city, pero kailangan pa magbayad nang mahal sa transport para makapasok sa mga trabaho nila,” ani Miguel Aljibe, enhinyero at miyembro ng Advocates of Science and Technology for the People (Agham).

Hindi sapat ang pondo

Sa pag-aaral ng Agham, ang mga mauunlad na bansa ay iyung may matatatag na mass transport system. Malaking bahagi ng kanilang badyet ang iginugugol nito sa pagpapaunlad ng  mga pampublikong tren.

“Ang Pilipinas, 0.12 porsiyento lang (ng ginastos nito) ang rail investment kumpara sa Malaysia na gimagastos ng 2. 75 porsiyento at China na gumagastos ng 1.25 porsiyento ng GDP nito,”ayon sa Agham.

Samantala, higit 70 posiyento ng GDP nito ang inilalaan ng bansang Spain sa rail transportation system nkto, kumpara sa P17 Bilyon o 7.33 porsiyento ng badyet ng Pilipinas.

“Ginagamit nito [Spain] ang rail system upang i-gear up ‘yung economy. Nagkakaroon ng mga trabaho ‘yung engineers at manggagawa nila, nagkakaroon ng research opportunities ‘yung universities,” ani Aljibe.

Sa ginagastos ng bansa na P790-B bayad-utang taun-taon, maaari umanong makagawa ng higit 11 bagong linya LRT-2, ayon sa Agham.

That 1-Trillion unprogammed pork could have built 19 new MRT-3 lines, or 438 km of new LRT tracks that is from Manila to Ilagan,” dagdag ni Albije
Tinutukoy niya rito ang lump sum appropriations o tinatawag ng marami na klase ng presidential pork barrel na nananatili sa 2016 badyet. “May pera ang gobyerno, mali lang ‘yung priorities.”

Why should the government pass the burden on us? Don’t they realize na karamihan sa commuters ay students? Don’t they know our status? Sana tinaasan nila ‘yung pondo ng transportation para hindi nila ipapasa sa taong-bayan,” ani Alfonso.

Isa ito sa mga isyung dadalhin ng mga estudyante at iba pang sektor na tumatangkilik sa pampublikog transportasyon sa malawakang protesta kaalinsabay ng huling State of the Nation Address ni Pangulong Aquino sa Hulyo 27.