FEATURED Pambansang Isyu

#SONA2015 | Muli, nabigo si Aquino


Malamang na sa oras na binabasa ninyo ito, nasa imahe na ng midya (kahit sa mainstream, pero mas asahan sa alternative) ang dambuhalang protesta kontra sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.

Malamang na sa oras na binabasa ninyo ito, nasa imahe na ng midya (kahit sa mainstream, pero mas asahan sa alternative) ang dambuhalang protesta kontra sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino. Siyempre, ito ang huling SONA ni Aquino. Naipon ang lahat ng kanyang kasalanan, lahat ng galit sa kanyang mga polisiya, lahat ng inis at asar ng mga mamamayan sa kawalan ng mabuting pagbabago (lahat ng sarbey nagsasabing sumahol ang lagay ng ordinaryong Pilipino) sa ilalim ni Aquino.

Kaya naman sinikap pigilan ng kanyang rehimen ang protestang ito.

Sinikap niya, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng isang giyera kontra-insurhensiya na di lang tumatarget sa armadong paglaban kontra sa sistemang umiiral. Naglunsad siya ng giyera kontra sa mga mamamayang lumalaban. Ni minsan, sa limang taon ng panunungukulan ni Aquino, di man lang niya sinubok amuin ang tinatawag na Kaliwa. Kung si Gloria Arroyo, kahit papaano’y nagkunwaring makinig sa “adyenda ng bayan” noong 2001 matapos maluklok sa poder ng isang popular na pag-aalsa, noong 2010 pa’y pinaligiran na ni Aquino ang sarili ng mga kaibigan at kabarilan (katulad nina Paquito Ochoa at Butch Abad) at mga tagasuporta sa kuno’y “civil society” (katulad ng mga lider ng Akbayan tulad nina Etta Rosales, Risa Hontiveros, ang mahilig sa AK-47 na si Ronald Llamas, Joel Rocamora, at marami pang iba).

opinyon-iconNoong 2010, pinangalandakan ni Aquino ang pagiging “kontra-Arroyo” niya. Kahit pa halos buong panahon ng pamamayagpag ni Arroyo sa poder, walang ipinakitang aktibong paglaban si Aquino–bukod sa pagbuntot sa palda ng yumaong ina. Samantala, Kaliwa–o mas karapatdapat na tawaging ang progresibo o makabayang kilusan–ang naggiit na ipatupad ni Arroyo ang mga ipinangako niya sa paanan ng higanteng Marya sa Edsa noong Pebrero 2001. Kaliwa ang tumindig laban sa katiwalian ni Arroyo, laban sa pandaraya sa halalan, laban sa pagpapatuloy ng kontra-mahihirap na mga patakaran. Kaliwa rin ang winasiwasan ni Arroyo ng kamay-na-bakal: ikinulong ang progresibong mga kongresista, nagpatupad ng polisiya ng assassination sa lokal na mga progresibo, pinangasiwaan (sa pamamagitan ni Jovito Palparan at iba pang berdugo) ang pagdukot, pagkulong at pagtortyur sa mga aktibista. Sa kabila ng lahat nang ito, hindi natinag ang mga progresibo.

Siyempre, ipagpapatuloy nila ang paggiit sa kanilang mga karapatan kahit umupo na ang bagong presidente sa poder.

DAMBUHALA. Protesta kontra State of the Nation Address ni Aquino noong 2014. <b>PW File Photo</b>
DAMBUHALA. Protesta kontra State of the Nation Address ni Aquino noong 2014. PW File Photo

Pero noon pa ma’y isinara na ni Aquino ang Malakanyang sa Kaliwa, samantalang pinanatiling bukas sa mga Ayala’t Pangilinan, mga Lopez at Gokongwei. Nanatiling bukas ito sa mga Pilipinong teknokratang kumakatawan sa interes ng gobyerno ng Estados Unidos (pangkaraniwan nang nasa resume ng nakaraan at kasalukuyang kinatawan ng Foreign Affairs ang pag-aral sa US at pagiging embahador sa bansang ito bago naging kinatawan). Kalaunan, binuksan niya ito–nang may red carpet at magastos na handaan–sa mismong Amerikanong pangulo para bigyang imprimatur ang panunumbalik ng base-militar ng Kano sa bansa.

Dahil nanatili ang dating gawi ng naghaharing uri at dayuhan, dahil nanatili ang kurap na sistema sa pulitika at ekonomiya, nanatili ang pagbatikos at pagtutol. Pinaigting naman ni Aquino ang panunupil sa mga progresibo. Mula nang umupo sa puwesto, umabot na sa 262 ang pinaslang (at 293 ang pinagtangkaang paslangin), 27 ang dinukot at nawawala pa rin, 125 ang kaso ng tortyur, at sangkatutak ang paglabag sa karapatang pantao, mula sa pananalakay sa mga komunidad, paghuli sa mga sangkot sa usapang pangkapayapaan (tulad nina Wilma Tiamzon, Benito Tiamzon, Adelberto Silva, Alan Jazmines, at marami pang iba), ilegal na pag-aresto sa mga aktibista, at iba pa.

TRONO. Mala-Game of Thrones ang labanan para sa trono ni Aquino, na nagpapatupad ngayon ng pasistang mga patakaran na maihahalintulad kina Arroyo at Marcos. Digital Art: <b>Karla Ujano</b>
TRONO. Mala-Game of Thrones ang labanan para sa trono ni Aquino, na nagpapatupad ngayon ng pasistang mga patakaran na maihahalintulad kina Arroyo at Marcos. Digital Art: Karla Ujano

Sa mga sentrong bayan tulad ng Maynila, pinaiigting din ang pananakot. Isiniwalat kamakailan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang tila sistematikong pananakot, panghaharas at pagbanta sa mga aktibista, unyonista at organisador ng iba’t ibang miyembrong organisasyon nito. Pinakamalala ang naranasan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), na nakapagtala ng 26 kaso ng panghaharas sa kanilang mga miyembro, karamiha’y unyonista ng iba’t ibang unyon ng mga empleyado sa mga ahensiya ng gobyerno. Malala rin ang dinanas ni Tonette Setias-Dizon, lider ng Courage, na ilang beses na binuntutan ng isang misteryosong sasakyan, hanggang sa napilitan siyang humingi ng sangktuwaryo sa Integrated Bar of the Philippines dahil sa aktuwal na banta sa kanyang buhay.

Matindi ang panghaharas sa mga unyonista ng Courage bago ang isa ring dambuhalang protesta noong Mayo 1, Araw ng Paggawa. Nito namang papalapit na ang SONA, sunud-sunod ang pananakot sa mga aktibista — pinupuntahan sa mga bahay, binibigyan ng liham, kinakausap na “makipagtulungan” sa mga awtoridad dahil “alam (ng militar) ang ginagawa” ng mga aktibista, at iba pa. Ang isang lider ng Health Alliance for Democracy (HEAD), pinagbantaan ang buhay sa text messages. Ang tanggapan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), tiniktikan ng parehong sasakyan na bumuntot kay Dizon. At maraming iba pa.

Pero kung habang binabasa sa sulating ito’y nakamonitor ka rin sa mga balita sa radyo, telebisyon o internet, malamang na nasasaksihan mo ang pagkabigo muli ng pananakot ni Aquino. Muling bumuhos ang mga tao sa Commonwealth para magprotesta. Muling nagpakita ng pagtutol sa mga hakbang ng PNP na gawing garrison ang kalsada at ikahon sa isang sulok ang mga nagpoprotesta.

Muling naipakita ang tunay na lagay ng bayan, hindi sa mga buladas ng Presidente sa loob ng Batasan, kundi sa mga plakard, istrimer at sigaw ng mga mamamayan sa lansangan.