Pluma at Papel

Kalokohan Sa Pagdiriwang Ng Buwan Ng Wika


Aywan ko kung may kulaba ako at hindi ko mabanaagan ang sinasabing pambansang kaunlaran. Sa anong larangan nga ba tayo maunlad?

Imahen mula sa Facebook page ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Imahen mula sa Facebook page ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Napasigaw ako ng PUNYETA nang mabasa ko ang paksa o tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na bukod-tanging sa ating bansa lamang yata mayroon. “Wikang Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran.” Aywan ko kung may kulaba ako at hindi ko mabanaagan ang sinasabing pambansang kaunlaran. Sa anong larangan nga ba tayo maunlad: sa doble-karang demokrasya’t hustisya, sa patuloy na pagsasamantala ng iilang hari-harian sa pambansang pulitika’t ekonomiya sa nakararaming dayukdok na masang sambayanang “kulang sa kanin, kulang sa ulam, kulang sa pera, kulang sa damit, walang bahay, walang lupa, walang-wala” at, natural, laging titiguk-tigok ang lalamunan?

Kung tutuusin, at malinaw ang katunayan, napakaatrasado nga ng pampublikong mga serbisyo — transportasyon at telekomunikasyon, kuryente at tubig, ospital at mga paaralan, at mabisa’t maayos na paglilingkod sa mga mamamayan ng kinauukulang mga ahensiya ng gobyernong nakaugalian nang pahirapin ang madali sa pamamagitan ng santambak at nanganganak na mga rekisitos. Di nga kasi, maunlad tayo sa panggagaya o pangongopya sa mga dayuhan sa edukasyon man o kultura kaya dominante pa rin sa bansa ang kaisipang kolonyal at patuloy na nagpapakatuta ang pambansang liderato sa mapandambong na interes ng dayuhan nilang mga amo, lalo na nga sa mga Amerikano .

Maaaring tahakin nga ng bansa ang landas ng kaunlaran kung maipatutupad muna ang tunay na reporma sa lupa na lubhang kailangan para maisulong ang pambansang industriyalisasyon. Natural, kailangan ding pagtuunan ng panahon sa larangan ng edukasyon ang siyensiya’t teknolohiya dahil, sa pagsusuri ng mananalaysay na si Stanley Karnow, naiiwan tayo ng 50 taon ng kanugnog na mga bansa natin sa Asya sa siyensiya at teknolohiya, at ng 100 taon naman ng industriyalisadong mga bansang Kanluranin.

Hindi na tuloy katakataka kung bakit saranggola pa lamang ang kaya nating gawin, gayong nagmamanupaktura na ng sarili nilang mga eroplano ang China, Japan at Korea; rebentador at dinamita ang kaya nating gawin, samantalang bomba atomika ang nalikha ng India; may ballistic missile ang Hilagang Korea, ngunit tayo’y kuwitis pa rin magpahanggang ngayon na hindi pa sumasagitsit paitaas kung minsan; kung may cosmonaut at astronaut ang Rusya at Amerika, mayroon daw naman tayong mga aswang at manananggal; kung gumagawa na’t nagbebenta ng mga bus at kotse ang Korea at Japan, tagapulot naman tayo ng basurang mga makina at piyesa mula sa ibang bansa para lagyan ng kaha at gawing behikulong pamasada, at kahit sagana ang bansa sa mina ng bakal at asero, hindi pa tayo makagawa ng simpleng pako o karayom, lagari kaya, pait, katam at martilyo. Anak ng kuwago’t kabayo!

Higit sa lahat, paano uunlad ang bansa kung nananatili ang napakasamang balangkas ng lipunan? Lumilitaw na 15% ng populasyon ang namumuwalan ang bibig sa 50% ng pambansang kita (national income) at 60 pamilya lamang (hindi po kasama rito ang pamilya Ordonez) ang lubos na nakikinabang at mahigpit na kumukontrol sa pambansang pulitika’t ekonomiya. Idagdag pa nga rito ang walang habas na pagpapakasangkapan ng pambansang liderato sa dayuhang mga interes sa kapinsalaan ng bansa’t masang sambayanan kaya nananatiling bitukang agrikultural lamang ang Pilipinas ng imperyalistang mga bansa, lalo na nga ang Estados Unidos ng Amerika.

Sa ano nga bang larangan nagkaroon ng pambansang kaunlaran? Oo nga po pala, naduran at siningahan ang ating pambansang wika ng rumaragasang Taglish sa komunikasyong pangmadla (mass media) at ito na nga ang naging wikang pambansa ng mga konyo’t elitista at, asahan na, magiging tuluy-tuloy na padaskul-daskol ang paggamit sa ating sariling wika ng mga alagad ng Amerikanisasyon.

O, makapangyarihang Diyos ni Abraham… mapayapa at mabunyi po sanang maipagdiwang ang Buwan ng Wika ng mga katotong Indio!