Saloobin

Tao ang mapagpasya


Pinatunayan na ng kasaysayan na hindi sa lahat ng pagkakataon nakakapamayani ang lakas militar sa mga tunggalian sa pagitan ng mga bansa.

Pagpapakita ng pagtutol sa panghihimasok ng Tsina sa Pilipinas. <b>Boy Bagwis/PW File Photo</b>
Pagpapakita ng pagtutol sa panghihimasok ng Tsina sa Pilipinas. Boy Bagwis/PW File Photo
“masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod;
masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!”

Halos 85 taon na mula nang isulat ng makabayang makata na si Amado V. Hernandez ang mga linyang ito, ngunit akmang akma pa rin ang mga ito sa kasalukuyang panahon. Sa ating kalupaan, ang tropang militar ng US; sa karagatan, ang mga bapor at tropang Tsino na umaangkin sa kalakhan ng kanlurang katubigan ng ating bansa.

Kadalasang nagiging tanong: may magagawa ba tayo laban sa pang-aagaw na ito ng Tsina, gayong maliit na bansa lamang tayo at napakalaki’t makapangyarihan nila? At tulad ng tindig ng gobyernong Aquino, hindi ba mas maiging sumandig tayo sa US, dahil wala tayong kapasidad na ipagtanggol ang ating sarili?

Ang pagtutol natin sa pananakop ng Tsina ay paglaban para sa tunay at ganap na soberanya ng bansa. Laban ito sa sinumang dayuhang kapangyarihang gustong manakop sa ating bayan.

Tulad ng Tsina, ang pansariling interes ng US ang humuhubog sa mga patakarang panlabas at aksiyong militar nito. Sa katunayan, sinasamantala nito ang usapin upang palakasin ang kontrol sa ekonomiya’t pulitika ng bansa. Nitong huli, bubuksan muli ang Subic bilang baseng nabal na tiyak na gagamitin muli ng US bilang base militar nito.

Pinatunayan na ng kasaysayan na hindi sa lahat ng pagkakataon nakakapamayani ang lakas militar sa mga tunggalian sa pagitan ng mga bansa. Bagama’t matagal at masalimuot ang proseso, isang paraan ang pagsasampa ng demanda sa mga pandaigdigang institusyon o korte tulad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) sa kasong ito.

Pero pinakamahalaga ang pagkakaisang mabubuo sa hanay ng mga mamamayang Pilipino sa loob at labas ng bansa upang maipagwagi natin ang laban na ito. Walang singhalaga rin ang malakas na suportang mahahamig mula sa pinakamalawak na bilang ng mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng daigdig. Maging sa Tsina at US mismo, upang katulungin sila sa pagtuligsa sa pananakop ng kanilang pamahalaan sa ating teritoryo.

Kritikal ang papel ng kabataang Pilipino sa mga tungkuling ito. Kaya’t dapat na buong siglang manguna ang sektor sa pagbubuo ng mga samahan sa mga komunidad, pagawaan at mga lugar ng trabaho upang pagbuklurin ang makabagong diwa ng mga Pilipino, at pakilusin ang buong sambayanan laban sa pananakop kapwa ng US at Tsina.

Sa huli, sabi nga ng dakilang lider na si Mao Zedong, na minsan ding namuno sa mga mamamayang Tsino laban sa pananakop ng Hapon: Tao, at hindi mga bagay, ang mapagpasya.


The Free Sharon Cabusao Campaign would like to invite the public to Freeverse: Benefit Event for Free Sharon Cabusao Campaign”a night of poetry and music, on August 14, 2015, 7PM at TA-AS Café (formerly Handuraw), 1 Masunurin Street (corner Anonas Extension), Sikatuna, 1101 Quezon City. Proceeds will go directly to the campaign fund to free Sharon Cabusao.