FEATURED Maralitang Lungsod

Ang panganib ng ‘Big One’ sa Montalban at kawalang-pakialam ng gobyerno


Dahil nadadaanan ng Marikina Fault Line, bulnerable ang mga relocatee ng Montalban sa pagdating ng “Big One”, o ang inaasahang malakas na paglindol na mararanasan ng bansa. Pero kibit-balikat lang ang pamahalaan.

Banta ng lindol. Nangangamba si Mercy kung magaganap ang lindol dahil sa mahinang kabahayan at pagpapabaya ng gobyerno sa relokasyon sa Montalban, Rizal. <b>Darius Galang</b>
Banta ng lindol. Nangangamba si Mercy kung magaganap ang lindol dahil sa mahinang kabahayan at pagpapabaya ng gobyerno sa relokasyon sa Montalban, Rizal. Darius Galang

Isang earthquake drill ang ginawa sa Kamaynilaan noong Hulyo 30. Dalawang beses na nagsanay ang publiko sa mga dapat gawin kung sakaling may paglindol. Nagpatay pansamantala ng kuryente, nagsara pansamantala ang mga establisimyento. “Duck, cover and hold” naman ang ginawa ng mga empleyado at estudyante.

Pero wala ni isang pagsasanay ang isinagawa ng gobyerno para sa mga residente sa mga relocation site sa Montalban, Rizal. Kung saan pa itinapon ang mga pamilyang nawalan ng tirahan sa sunud-sunod na demolisyon nitong mga nakaraang taon, kung saan pa pinakamapanganib na tumira kung sakali abutan ng lindol, doon pa walang isiginawang earthquake drill.

Bukod sa banta ng malubhang pagbaha, pinangangambahan din ng mga residente ng relokasyon ang lindol.

Walang pag-intindi 

“Hindi yata bagay ‘yung ganung mga pagsasanay dito sa amin,” ani Mercy Merilles, kasalukuyang tagapangulo ng Montalban Relocates Association (MRA), ukol sa earthquake drill na pinangunahan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Kamaynilaan.

Kasama ni Mercy ang mga residente na mag-iisip ng kanilang kaligtasan kung sakaling dumating na nga ang “Big One,” na tantiya ng mga eksperto na paparating na malaking lindol na may lakas na di-bababa sa 7.2 magnitude. Pero matapos itapon ng pamahalaan sa Montalban mula sa iba’t ibang komunidad ng maralita sa Maynila, tila nakalimutan na sila nito. Kahit pa binabansagan na ang relokasyon sa Montalban bilang “death zone” dahil sa bulnerabilidad nito sa iba’t ibang sakuna, mula sa malalang pagbaha at landslide, hanggang lindol.

Galing pa si Mercy sa San Andres Bukid, Maynila, kasama pa ang kanyang pamilya at iba pang kapitbahay. Nalipat sila sa Montalban noon pang 2003, dahil sinagasaan ng isang proyektong road-widening ng gobyerno noon ang kanilang lugar. Kaya alam ng mga tulad niyang nagtagal na sa lugar ang kalagayan ng Montalban.

Aniya, noong nakaraang buwan, Agosto 8 lang, nakipag-usap sa MRA–kasama ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), at iba pang organisasyon ng relocatees ng Montalban–ang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng National Housing Authority ukol sa kalagayan ng mga pabahay sa Montalban. “Sinabi ng NHA na hindi naman daw kami kasali sa fault line. Kaya lang, ang sinasabi namin, kasama pa rin kami sa pagyanig,” ani Mercy.

Kung titignan sa mapa, napapagitnaan ang Montalban sa kung saan iginuhit ang Marikina Fault System. May isa pang pag-aaral ang Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) na pasok sa 500-meter radius ang Southville at Kasiglahan, dalawang relocation areas sa Montalban. Kaya sabi ni Mercy, hindi dapat basta sinasabi ng NHA na “hindi kasali ang Montalban sa faultline,” na tila ba binabalewala ang banta ng kapahamakan dito.

Dating bukirin ang Montalban. Sinabi ng Kadamay na sumangguni sila sa mga eksperto upang siyasatin at patunayan nila na hindi magandang gawing residential area ang kalakhan ng relocation sites ng Montalban.

“Diyan nga sa likod namin, gumuho na dati iyong isang bahay,” kuwento ni Mercy. Pailalim ang pagkasira ng bahay–patunay na malambot ang lupa nito sa ilalim. “Tinambakan na lang daw nila iyon ng mga bato.”

“Kaya ko sinabing hindi puwede ‘yung mga tulad ng ginawang earthquake drill dito sa Montalban (kasi) saan ka pa yuyuko (dito)? Kung may posibilidad na gumuho, pailalim ang bahay mo,” aniya.

Dahil wala silang akses sa mga serbisyong panlipunan, bulnerable ang mga bata ng Montalban sa sakuna. <b>Darius Galang</b>
Dahil wala silang akses sa mga serbisyong panlipunan, bulnerable ang mga bata ng Montalban sa sakuna. Darius Galang

Walang aasahan

Ang tila kawalang pakialam ng gobyerno sa kalagayan ng relokasyon sa Montalban sa pagdating ng “big one” ang isa lang sa maraming halimbawa ng pagpapabaya nito–samantalang pinapasan din naman ng mga relocatee ang mabibigat na bayarin sa pabahay at serbisyo.

Nagkakahalagang P175,000 ang isang bahay na itinalaga sa isang relocatee. Kada buwan, sisingil ang NHA ng aabot sa P200 sa unang limang taon. Dodoble ito kada limang taon, sa haba ng 25 taon, hanggang maabot ang halagang P175,000.

Kung sa unang tingin ay maliit lang ang halagang ito, isipin na lamang na malayong lugar sa Kamaynilaan ang Montalban: walang mapagtatrabahuan ang mga residente sa mismong lugar at kinakailangan pang bumiyahe nang malayo para sa trabahong kakarampot din lang ang suweldo.

Duda si Mercy at iba pang relocatee na P175,000 nga ba talaga ang halaga ng mga bahay dito. Lalo na’t mabilis na gumuho ang mga bahay. “Isang pukpok ng pako lang, parang guguho na ang pader,” ika ng ang isa pang residente. Kung titignan ang mga bahay, wala talagang tibay na maasahan dito. Walang matibay na poste, walang matibay na pundasyon ang mga bahay. Inilagay pa sa malambot na lupa–guguho talaga pailalim ang mga ito.

Gawa man sa hollow blocks, kulang ang materyales nito. “Suntukin o tadyakan mo lang yung pader mabubutas na,” galit na anas ni Mercy.

Dugtong pa ng Kadamay, hindi aabot sa P175,000 ang isang tipikal na itinayong bahay ng NHA. Ang tantiya nila, overpriced ito. Mga miyembro ng Kadamay, na mga manggagawa sa konstruksiyon, mason, karpintero–mga gumgawa ng mga bahay–ang magpapatunay na hindi aabot sa P175,000 ang halaga ng mga naabutan nilang kabahayan. Sila na mismo ang nagpapatibay ng mga bahay na ito. Naghanapbuhay sila para patibayin ang ampaw na kabahayan.

Kaya naman ayon kay Mercy, hindi na sila nagbabayad ng mga sinisingil sa kanila ng NHA. Anila, bakit sila magbabayad kung may nakalaan naman palang pondo. Tulad ng mga kasama ni Mercy na mula San Andres, mayroon dapat silang P15,000 financial assistance. “Bukod sa financial assistance, mayroon pang P140 kada pamilya. Iyon ay dapat kapalit ng tirahan namin doon sa San Andres. Pero sinisingil pa rin kami dito,” aniya.

Hanggang ngayon, hindi pa naipapaliwanag ng NHA kung nasaan ang Informal Settlers Fund, pondo na ipinangako ng gobyerno sa kada pamilyang nailipat sa Montalban. Matatagpuan pa rin ang pondong ito sa panukalang badyet ng pambansang gobyerno sa taong 2016–taon ng eleksiyon.

“Nandiyan lang ang NHA kapag maniningil na,” himutok ng ilan pang residente ng Montalban na tumangging pangalanan.

Walang pupuntahan

Inisyatiba na ng mga residente ng Montalban ang mag-isip kung ano ang gagawin nila sakaling dumating ang sakuna.

“Ang ginawa pa nga namin, pumunta pa kami sa munisipyo para maghapag ng rekwes (para sa earthquake drill),” ani Mercy. Hindi pa natutugunan ang nasabing rekwes. Pero ang gusto nila, ani Mercy, ay isang komprehensibong programa, para mas handa ang mga maralitang komunidad sa panahon ng sakuna–lindol man, landslide, bagyo o baha.

Kusang naghahanap na rin sina Mercy ng isang “open place na medyo ligtas” kung saan makakalikas ang mga residente papalayo sa kanilang kabahayan sa panahon ng lindol. Pero ang problema, nang baybayin mismo ng Pinoy Weekly ang mga kalye at eskinita ng kabahayan sa Montalban, walang maluwag na lugar kung saan puwedeng makalikas ang mga tao mula sa marupok na kabahayang “ibinigay” sa kanila ng gobyerno.

Problema rin ang layo ng mga ospital at anumang rerespondeng rescue. Bukod pa rito, siyempre, ang iniisip nilang mga bayarin para sa pagpapagamot–na hirap na nga silang balikatin tuwing may ordinaryong sakit sila.

Sabi pa ni Mercy, hindi na nila kailangan pang marinig ang pulit-ulit na sinasabi ng mga ahensiya ng gobyerno na “gagawan namin iyan ng aksiyon” o ano pang katunog ng linyang ito. “Ang kailangan namin, ‘yung mas komprehensibong mga hakbang kung ano ang gagawin namin kung sakaling may lindol,” aniya.

Bukod, siyempre, sa batayang pangangailangan pa nila–kabuhayan at serbisyong panlipunan na ginagawang negosyo na ng gobyerno.