FEATURED

Ang romansa at trahedya ni Heneral Antonio Luna


Pinagkanulo si Heneral Antonio Luna ng mga kapwa ilustrado na gustong makipagkasundo sa mga Amerikanong mananakop. Samantala, ayon sa ilang historyador, pinagkanulo rin daw siya ng kanyang iniibig–ang matriyarka ng pamilya ng kasalukuyang Pangulong Aquino.

EDITOR’S NOTE: Dahil sa pagpapalabas ng pelikulang Heneral Luna sa komersiyal na mga sinehan, nagkaroon ng interes ang marami na balikan ang kasaysayan ng paglaban sa mga mananakop na Amerikano, partikular ang naging buhay ni Hen. Antonio Luna. Isang aspekto ng buhay niya na hindi napalalim o iniwasan ng pelikula ang sinasabi ng ilang historyador na relasyon diumano ng heneral kay Ysidro Cojuangco, ang matriarch ng pamilyang Cojuangco (kung saan kabilang si dating pangulong Corazon Aquino at ngayo’y Pangulong Benigno Aquino III). Sa pelikula, isang “Isabel” ang pinakitang mayroong sikretong relasyon kay Luna–pero sinabi ng direktor ng pelikula na si Jerrold Tarog na isa si Ysidra Cojuangco sa naging mga inspirasyon sa kathang-isip na karakter na si Isabel. 
Inilalathala ng Pinoy Weekly ang edited na bersiyon ng artikulo ni Kenneth Roland A. Guda hinggil sa sinasabing kuwento ng pag-ibig na ito nina Antonio Luna at Ysidro Cojuangco. Unang nilathala ang artikulo sa Philippine Collegian noong Pebrero 2000.

Si Heneral Luna

Batbat ang nakaraan ng mga kuwento ng pagtataksil ng mga tao sa kanilang sinumpaang pag-ibig – sa bayan man o sa kasintahan.

Ganito ang kuwento ng trahedyang pag-ibig ni Antonio Luna, dakilang heneral ng Digmaang Pilipino-Amerikano, matinik na taktisyan at tahasang anti-Amerikano. Dahil bukod sa pinatay siya mismo ng kapwa Pilipinong mga sundalo, kung paniniwalaan ang ilang historyador ay masasabing ipinagkanulo din ng naging kasintahan ni Luna ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng heneral.

Pagbabago ng isip

Sa unang bahagi ng himagsikan laban sa mga Espanyol, hindi lumahok si Luna sa Katipunan. Wala siyang tiwala na kaya nang magsulong ng isang armadong rebolusyon ang mga Pilipinong walang pag-aaral at walang pagsasanay sa digmaan. Kinundena pa niya ang rebolusyon at hinikayat ang mga nag-alsa na sumuko sa mga Espanyol.

Ngunit nang ipatapon siya ng mga kolonyalista sa Espanya dahil miyembro raw siya ng Katipunan, nagbago ang pagtingin niya sa rebolusyon. Isinumpa niya ang lahat ng kanyang nasabi o ginawa laban sa Katipunan. At lumahok na siya sa ikalawang bahagi ng himagsikan.

Nang itatag ang Kongreso ng Malolos noong Setyembre 1898, hinirang ni Aguinaldo si Luna bilang isa sa mga kumisyuner. Ngunit nahati ang Kongreso sa paksiyong nagtaguyod ng agad na kalayaan at pakikidigma laban sa bantang kolonyalismong Amerikano, at sa mga ilustradong nakipagsabwatan sa bagong mga mananakop na nagpoprotekta sa kanilang kapangyarihan sa ekonomiya at pulitika. Dahil sa paninindigan ni Luna laban sa mga Amerikano, pinag-initan siya ng mga lider ng Malolos. Kasama rito sina Aguinaldo, Felipe Buencamino, at Pedro Paterno, na nais makipagkasundo sa mga mananakop.

Nawawalang anak?

Ngunit bukod sa panunuligsa sa mga konserbatibo’t mapagkanulo, ilang historyador ang nagsasabi na may iba pang kuwento ang pamamalagi ni Heneral Luna sa Malolos noong 1899.

Nasa Malolos ang dating tinitirhang mansiyon ng mga Cojuangco. Pagbukas ng Kongreso ng Malolos, sinasabing nakitira sa mga Cojuangco ang ilang prominenteng lider ng gobyerno, kabilang na si Luna. Dito nagsimula ang kuwento umano ng pag-iibigan nina Luna at Ysidra Cojuangco, matriyarka ng angkang Cojuangco sa Paniqui, Tarlac.

Nagbunga, diumano, ng isang anak ang pag-iibigan nina Luna at Cojuangco.

Ayon sa pananaliksik ni Hilarion Henares, dating propesor at kolumnista, nilisan ng mga Cojuangco ang Malolos patungong Paniqui, Tarlac upang makatakas sa kahihiyang dulot ng pagkabuntis diumano ni Ysidra na walang kilalang asawa.

Ang naturang “anak sa pagkakasala,” ay nabuhay at ipinaampon daw sa kapatid ni Ysidra na si Melecio. Ayon pa kay Henares, may batayan para sabihing si Antonio Cojuangco Sr., lolo sa tuhod ni Antonio “Tonyboy” Cojuangco (asawa ng artistang si Gretchen Barretto), ay posibleng nawawalang “anak sa pagkakasala” ng dalawang magkasintahan.

Ysidra Cojuangco
Ysidra Cojuangco

Nawawalang pera?

Sa huling taon ng buhay ni Heneral Luna, ipinatago diumano niya sa kasintahang si Ysidra ang mga kayamanan ng rebolusyonaryong gobyerno. Ayon sa historyador na si Alfredo Saulo:

The convoy of carts loaded with a huge amount of Spanish gold and silver coins seized from local treasuries in the Ilocos region, leading this convoy through forested areas up to the final destination in Paniqui, Tarlac, in the house of Ysidra Cojuangco, girlfriend of General Antonio Luna.

Nang paslangin si Luna noong Hunyo 5, 1899 sa Cabanatuan, sa utos diumano ni Heneral Aguinaldo, naiwan kay Ysidra ang mga ginto ng rebolusyon. At dahil hindi hayagan ang relasyon ng magkasintahan, hindi alam ng karamihan sa mga lider kung saan o kanino iniwan ni Luna ang mga ginto.

Hindi na umano isinauli ni Ysidra ang mga ginto.

Sinasabi rin ni Henares na ang mga gintong ipinatago ni Luna kay Ysidra ang dahilan ng biglang pagyaman diumano ng mga Cojuangco. Matagal na ring alam daw ng viejas familias sa Gitnang Luzon na sa rebolusyonaryong gobyerno ni Aguinaldo at ng Katipunan nanggaling ang kayamanan ng pamilyang Cojuangco.

Upang itago raw ang tunay na pinagmulan ng kanilang yaman, sinasabing ipinabura ng pamilyang Cojuangco ang lahat ng rekord na maaaring magpatotoo na anak nga ni Heneral si Antonio Sr. Nawawala ang kanyang mga rekord ng pagkabuhay sa mga simbahan ng Malolos at Paniqui, at maging sa Ateneo de Manila, kung saan siya nag-aral.

(Sa isang panayam sa direktor ng Heneral Luna na si Jerrold Tarog, sinabi niyang wala siyang nakitang direktang ebidensiya na  magpapatunay sa kuwentong ito–sa kabila ng dating mga pahayag nina Saulo at Henares. –Ed.)

Kung paniniwalaan ang historyador na si Dr. Vivencio Jose, pataksil na ipinapatay ni Aguinaldo si Luna. Maingay at delikado kasi siyang katunggali hindi lang para sa kapangyarihan ni Aguinaldo, kundi ng mismong mga mananakop na Amerikano. Isang malaking kawalan sa mga nakikidigmang Pilipino ang pagkamatay ni Luna. Malaking kataksilan din ang di pagsauli diumano ng kasintahang si Ysidra ng mga gintong malaki pa sana ang maitutulong sa rebolusyon–kung totoo ito.

Kataksilan at kasinungalingan diumano ang naging pundasyon ng kayamanan ng mga Cojuangco, tulad din ng kataksilan at kasinungalingan na naging pundasyon ng Republika ni Aguinaldo.

Sanggunian:
Agoncillo, Teodoro. “Antonio Luna: The hero who never won a battle.” sa Weekend, 8 Hunyo 1993
Henares, Hilarion Jr. “Antonio Luna’s Missing Descendant.” sa Smart File 14-15, 1993
Jose, Vivencio R. “The Rise and Fall of Antonio Luna.” Quezon City, UP, 1972.
Featured image: Larawan nina John Arcilla bilang Heneral Antonio Luna at Mylene Dizon bilang Isabel sa pelikulang Heneral Luna (Larawan mula sa Facebook page ng pelikula).