Bilanggong pulitikal na si Andrea Rosal, lumaya na


Binasura ng korte ng Quezon ang kasong murder at kidnapping laban kay Andrea Rosal, anak ng dating tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Gregogio “Ka Roger” Rosal, matapos paboran ng korte ang mosyon ng kampo ni Andrea na ipawalang bisa ang kasong murder laban sa kanya.

Andrea Rosal, noong 2014, matapos bisitahin ang burol ng kanyang sanggol na nasawi isang araw matapos maipanganak, dahil sa mahirap na kalagayan sa kulungan. PW File Photo/Macky Macaspac
Andrea Rosal, noong 2014, matapos bisitahin ang burol ng kanyang sanggol na nasawi isang araw matapos maipanganak, dahil sa mahirap na kalagayan sa kulungan. <b>PW File Photo/Macky Macaspac</b>
Andrea Rosal, noong 2014, matapos bisitahin ang burol ng kanyang sanggol na nasawi isang araw matapos maipanganak, dahil sa mahirap na kalagayan sa kulungan. PW File Photo/Macky Macaspac

Laya na ang bilanggong pulitikal na si Andrea Rosal, bandang alas-8:30 ng gabi ng Setyembre 7.

Binasura ng korte ng Quezon ang natitirang kasong murder laban kay Rosal. Pinaboran ng korte ang mosyon ng mga abogado niya na humiling sa korte na ipawalang-bisa ang kasong murder laban kay Rosal.

Naging laman ng balita siya noong nakaraang taon dahil sa pagkamatay ng kanyang kapapanganak na sanggol matapos ang walong buwan na pagbubuntis. Itinuturo ng maraming grupong pangkarapatang pantao na naging mahirap ang pagbubuntis noon ni Rosal dahil sa di-magandang kalagayan sa kulungan.

Kilala rin si Rosal bilang anak ng yumaong tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Gregorio “Ka Roger” Rosal.

Inaresto siya noong nakaraang taon sa kasong murder at kidnapping. Kinampanya ng mga grupong pangkarapatang pantao at pangkababaihan ang pagpapalaya kay Rosal dahil anila’y gawa-gawa lang ang kasong isinampa sa kanya ng militar.

Nauna nang ibinasura ng korte sa Pasig City si Rosal sa kasong kidnapping noong nakaraang taon.

“Parehong naibasura ang kaso dahil walang ebidensiya na nag-uugnay kay Andrea sa mga krimeng ibinibintang sa kanya, dahil nga panghaharas lang ang mga kasong ito,” pahayag ni Maria Kristina Conti, isa sa mga abogado ni Rosal mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) at siyang nagsundo sa kanya mula sa kulungan sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Nauna nang ipinahayag ng NUPL na pawang gawa-gawang mga kaso lang ang ibinibintang sa mga bilanggong pulitikal tulad ni Rosal. Bahagi umano ito ng pananakot sa mga mamamayang kritiko ng administrasyon, at bahagi ito ng programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na Oplan Bayanihan.