FEATURED

Araw ng mga guro, araw ng paglaban


Pero hindi basta pagdiriwang sa kanilang propesyon ang ipinunta ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Mendiola sa Maynila. Dala nila ang kanilang abang kalagayan sa ilalim ng administrasyong Aquino at pagkondena sa pagkamatay ng kapwa nila guro na Lumad.

pagkilos ng Alliance of Concerned Teachers sa Mendiola para sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagkilos ng Alliance of Concerned Teachers sa Mendiola para sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Pher Pasion

Para sa isang propesyon na bitbit ang napakaraming sakripisyo lalo na sa kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, isang mahalagang araw para sa isang guro na ipagdiwang ang World Teachers Day tuwing ikalima ng Oktubre kada taon.

Pero hindi basta pagdiriwang sa kanilang propesyon ang ipinunta ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Mendiola sa Maynila. Dala nila ang kanilang abang kalagayan sa ilalim ng administrasyong Aquino at pagkondena sa pagkamatay ng kapwa nila guro na Lumad.

“Habang ang kapwa namin mga guro at kapwa Pilipino sa Mindanaw ay brutal na pinapatay, pinipiga naman kami ni (Noynoy) Aquino hanggang mamatay sa porma ng mababang sahod at benepisyo, mataas na buwis, at tumataas na presyo ng mga bilihin. Walang dapat ipagdiwang mga guro ngayong World Teachers Day dahil ang mga guro ay patuloy na pinababayaan, iniinsulto, at pinapatay,” ayon kay France Castro, pangkalahatang-kalihim ng ACT.

Pagpatay, pagpapabaya

Salat man sa tulong mula sa gobyerno, hindi hinayaan ng mga katutubo at mamamayan na hindi makatamasa ang mga kabataan ng karapatan sa edukasyon.

Kaya naman sa tulong ng mga sektor, naitayo ang isang alternatibong paaralan na Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) sa Lianga, Surigao del Sur. May magandang simula ang naturang paaralan at umani na rin ng mga pagkilala. Minsan na rin itong dinalaw ng aktres na si Angel Locsin noong 2009.

Pero sa paaralan din na ito naganap ang madugong pagpaslang sa mga Lumad. Setyembre 1 nang paslangin ng mga paramilitar si Emerito “Ka Emok” Samarca, ang executive director ng Alcadev, at dalawa pang lider Lumad na sina Dionel Campos at Datu Juvello Sinzo.

Pinaratangan ang nasabing paaralan na paaralan ng mga komunista at tinakot ang mga mamamayang sumusuporta sa New People’s Army (NPA).

Ayon sa Karapatan, organisasyon na nagtataguyod sa karapatang pantao, nililikha at sinasanay ng mga militar ang mga grupong paramilitar sa isang lugar para gamitin kontra insurhensiya partikular laban sa mga NPA.

Ito rin ang nilinaw ni Surigao Del Sur Gov. Johnny Pimentel sa midya na ang mga militar ang nagsanay sa paramilitar na Bagani (na itinuturong pumatay kina Samarca). Nagiging salot na umano ang mga ito sa kanilang probinsiya at hindi na umano ito makontrol ng mismong militar na lumikha sa kanila.

Dahil sa patuloy na militarisasyon at pinakahuling karahasan sa kanilang lugar, napilitang lumikas o magbakwit ang 3,000 mamamayan mula sa kanilang komunidad.

Si Rico Pareja, guro sa paaralan ng Lumad, nanawagan ng hustisya para sa kaniyang kapwa guro na pinaslang ng mga paramilitar sa Surigao Del Sur. <strong>Pher Pasion</strong>
Si Rico Pareja, guro sa paaralan ng Lumad, nanawagan ng hustisya para sa kaniyang kapwa guro na pinaslang ng mga paramilitar sa Surigao Del Sur. Pher Pasion

Sa isang evacuation center sa sports center sa Tandag City, Surigao Del Sur sila pansamantalang nakahimpil. Doon na rin itinuloy ng mga guro kayaga ni Rico Pareja, 25, ang pagtuturo sa mga batang lumad.

“Mahirap [magturo] doon ngayon kasi mainit, maingay, at hindi talaga magandang lugar para mag-aral ang mga bata. Pero tuloy pa rin namin ang klase kasi kailangan pa rin nilang ituloy ang edukasyon nila,” ayon kay Pareja sa panayam ng Pinoy Weekly.

Mula pa pagkabata, nakakaranas na ang tulad ni Pareja na magbakwit dahil sa patuloy na militarisasyon sa kanilang lugar. Pero ngayon lamang umano siya nakaranas na makasaksi ng brutal na pagpatay sa kanila mismong harapan.

Isa si Pareja na guro sa Alcadev at naroon nang maganap ang madugong pagpatay sa kanilang executive director.

Sa kabila ng pangyayari, patuloy pa rin si Pareja sa kaniyang piniling propesyon at bitbit na inspirasyon ang pangyayaring iyon para higit na magsilbi sa kapwa niya Lumad.

“Naging inspirasyon sa akin si Sir Emok at mga lider sa komunidad, kaya dumating din kami dito sa Maynila para isigaw ang hustisya. At lalo na naaawa ako sa sistema namin ngayon lalung lalo na sa mga bakwit,” ayon kay Pareja.

Pinahihirapang mga guro

Pagpapabaya at walang pagpapahalaga sa guro ang administrasyong Aquino kung ilarawan ni Mervin Tesorero guro ng English mula sa Nagpayong High School sa Pasig City ang sa limang taong pamumuno ni Aquino.

Sadyang mahirap maging isang guro sa kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, ayon kay Tesorero. Maliban sa kasalukuyang kulang-kulang pa rin ang pasilidad at mga guro, nariyan din umano na kailangan manggaling pa sa guro ang lahat ng gagamitin sa pagtuturo dahil hindi ito naibibigay lahat ng gobyerno.

Higit na nagpahirap din sa kanila ang implementasyon ng K to 12 dahil pinapasan nila ang kawalang kahandaan ng gobyerno sa programang ito. Sa kabila nang sinasabi ng gobyerno na reporma ito sa edukasyon na tutugon para maging globally competitive ang mga estudyante pero iba umano ang nangyayari sa mga publikong paaralan.

“Kapag pumasok ka mismo sa sitwasyon, walang libro, walang modules (ang K to 12), kulang ang teachers, kulang ang classrooms. Dalawang shifting pa rin kami ngayon. Ang pinakamababa kong hawak 51 students sa isang klase. Ultimong chalk manggagaling sa bulsa mo dahil sadyang kulang pati chalk allowance,” ayon kay Tesorero, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Maliban pa sa paaralan, dala-dala din ng guro ang kaniyang trabaho sa kanilang bahay dahil sa dami ng kailangang gawin, “hindi mo naman kasi tinatanggal ang pagiging guro mo pagdating mo sa bahay.”

Ganito rin ang hinaing ni Luzviminda De Vera, 61, at 38-taon nang nagtuturo ng Math sa San Diego Elementary School sa Quezon City.

Aniya, napakalaking isyu na kinakaharap ng mga guro ang usapin sa dagdag na sahod. Sa teachers salary 3 na P21,867 kada buwan, nasa P3,000 na lamang umano ang kaniyang naiuuwi dahil sa dami ng kaltas. Kaya naman kahit pagtitinda ng para may maipandagdag sa gastusin, ginagawa niya.

Naipagtapos na niya ang kaniyang apat na anak na may kani-kaniya nang pamilya sa kasalukuyan. Pero natigil ang dalawa niyang anak sa kolehiyo at isa sa mayor na dahilan ang kakulangan sa pinansiya.

"Hindi mga pulubi" ang mga guro. Pagtutol ng mga guro na limang porsiyento lamang ng kanilang sahod ang itataas sa susunod na taon kung maipapasa ang 2016 national budget. <strong>Pher Pasion</strong>
“Hindi mga pulubi” ang mga guro. Pagtutol ng mga guro na limang porsiyento lamang ng kanilang sahod ang itataas sa susunod na taon kung maipapasa ang 2016 national budget. Pher Pasion

“Sa hirap ng buhay ngayon, sa mahal ng mga bilihin kaya kulang talaga. Kaya talagang sa utang nabubuhay ang mga guro ngayon. Kaya ang mga ATM card ng mga guro hindi na nila hawak, nakasangla na. Lalo na limang taon na namin itong ipinaglalaban pero naging manhid ang gobyernong ito ni Aquino,” ayon kay De Vera, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sa limang taong paglaban ng mga guro para sa dagdag sahod, limang porsiyento lamang ng kanilang kasalukuyang sinasahod ang maidadagdag sa kanila kung maaprubahan ang pambansang badyet para sa susunod na taon. Katumbas lamang ito ng P927 kada buwan o P21 kada araw na umento, ayon sa ACT.

Malayung-malayo ito sa panawagan ng ACT na maging P25,000 ang salary grade 1 para sa mga guro na buwanang sahod at P16,000 naman para sa mga kawani.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, isang grupo ng mananaliksik, kinakailangan ng isang pamilya ng P1,054 kada araw na may anim na miyembro para mabuhay ng disente. Katumbas ito ng halos P32,000 kada buwan.

Para kay Castro, tila pulubi kung ituring ng administrasyong Aquino ang mga guro sa paghiling nila ng dagdag na sahod. Dahil natatanging presidente si (Noynoy) Aquino na hindi nagbigay ng dagdag na sahod sa mga guro, ipinakikita umano nito kung paano ituring ng administrasyon ang mga guro.

Ayon naman kay De Vera, “paano kaming makakapagturo ng maayos kung kulang ang sinasahod namin? Kailangan din namin ng disenteng pamumuhay. Kung yung hinihiling namin na P25,000, napakaliit lang noon kumpara mo sa mga high ranking officials. Allowance lang nila yun, sa amin buhay na namin iyon.”

Hindi naniniwala si De Vera na walang badyet para sa kanilang hinihinging dagdag na sahod. Marami umanong pinagkakagastusan ang gobyerno na iilan lamang ang nakikinabang gaya ng pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Pangulo.

Gayundin ang mga maanumalyang badyet sa porma ng Special Purpose Funds (SPFs) na nagkakahalaga ng P430.4 bilyon para sa 2016 national budget.

Higit sa kalagayan

Kahit na ipagdiwang pa ng administrasyong Aquino ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro, malinaw para sa mga guro kung paano sila tunay na itrato at pabayaan ng gobyerno ni Aquino.

Higit sa pagdiriwang ng kanilang dakilang araw, magiging araw-araw na paglaban ng mga guro ang kanilang kalagayan sa loob at labas ng kanilang mga paaralan, dahil kahit sa lansangan, hindi tinatanggal ng mga guro ang kanilang propesyon.

“Kahit na paulit-ulit kaming magpabalik-balik dito sa Mendiola, hinding-hindi kami mapapagod at magsasawa dahil higit sa aming mga suweldo at sa aming kalagayan ang aming ipinaglalaban. Bahagi ng aming tungkulin na ipaglaban ang edukasyon sa buong pakahulugan nito para sa mga mag-aaral at para sa bayan,” ayon kay Castro.