FEATURED Magsasaka

Hamon ng mga magsasaka sa darating na eleksiyon


Nananatiling pinakamahirap at aping uri ang mga magsasaka sa isang bansang sagana sa yamang agrikultura.

Si Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas habang inilalatag ang sampung punto na ng mga magsasaka na nais nilang sagutin ng mga kandidato para sa Eleksiyong 2016. <strong>Pher Pasion</strong>
Si Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas habang inilalatag ang sampung punto na ng mga magsasaka na nais nilang sagutin ng mga kandidato para sa Eleksiyong 2016. Pher Pasion

Nananatiling pinakamahirap at aping uri ang mga magsasaka sa isang bansang sagana sa yamang agrikultura. Ganito inilatag ng mga magsasaka sa pangunguna ang Philippine Land Reform Movement (PLRM) ang kanilang kalagayan sa ginanap na Peasant Electoral Agenda sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Mula sa kawalan ng lupang sinasaka, mataas na upa sa lupa, mataas na usura, panlilinlang, militarisasyon, at iba pang nagpapahirap sa kalagayan ng magsasaka, ang kanilang ibinibigay na hamon na tugunan para sa mga kandidato sa eleksiyong 2016.

Sampung punto ang kanilang inilatag kabilang ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill o House Bill 3059 ni Anakpawis Party-list, pagbasura sa mga neo-liberal na patakaran,

Kabilang din dito ang pagpapahinto sa programang Public-Private Partnership na sumasagasa sa kabuhayan ng mga magbubukid gaya ng Metro Rail Transit 7 sa Bulacan, pagpapataas sa presyo ng produkto ng mga magbubukid, pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga manggagawang bukid, pagbabalik ng coco levy funds sa mga magsasaka, at pagbasura sa Oplan Bayanihan.

“Dahil ang isyu ng pinakamalaking sektor sa ating lipunan ay hindi napag-uusapan. Kaya itong ating sampung puntong programa ay napakahalaga na dapat ito ang bitbitin at dapat ito ang pinag-uusapan. Hindi yung kung sino ang dapat i-disqualify. Dapat pinag-uusapan ang mga isyu ng mamamayan,” ayon kay Anakpawis Rep. Fernando Hicap.

Anakpawis Rep. Fernando Hicap, habang nagbibigay ng kanilang reaksiyon sa sampung punto na nihapag ng mga magbubukid. <strong>Pher Pasion</strong>
Anakpawis Rep. Fernando Hicap, habang nagbibigay ng kanilang reaksiyon sa sampung punto na nihapag ng mga magbubukid. Pher Pasion

Deka-dekadang problema

Sa mahabang panahon ng kasaysayan ng repormang agraryo sa bansa, walang nagkatotoo sa bawat administrasyong iniluwal ng mga eleksiyon.

Ayon sa KMP, nananatiling dominante ng mga negosyante at panginoong maylupa ang eleksiyon kaya sadyang mahirap na tumugon dito ang mga politiko dahil sila mismo ang mga nagpapatupad ng mga batas para mapanatili ang lupa sa kanilang interes.

Pero mahalagang marinig ng mga mamamayan ang paninindigan ng mga kandidato sa usapin ng agrikultura sa bansa lalo’t higit ang mga kandidatong naghahangad ng mga susing posisyon sa gobyerno.

“Pundamental pa rin na problema ng uring magbubukid ang kawalan ng sariling lupang sinasaka. At kahit na datos ng gobyerno ang nagpapatotoo dito. Siyam sa bawat sampung magsasaka ang walang sariling lupang sinasaka,” ayon kay Rafael Mariano, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Mariano, pasan-pasan ng mga magsasaka ang lahat ng gastusin pagtatanim, kabilang ang binhi, abono, maging ang patubig sa mga sakahan na dapat libreng serbisyo na ibinibigay ng gobyerno na suporta sa mga magsasaka.

“Problema din ang napakababang presyo ng produkto ng mga magbubukid. Mapa-palay yan, mais, o gulay. Maging ang mga kapatid nating mangingisda, kakaunti na nga lang ang huli, mababa nilang naibebenta,” ayon kay Mariano.

Mababang pasahod naman ang natatanggap ng mga manggagawang bukid o yung mga magsasaka na nagsisilbi sa mga Asyenda o plantasyon. Kagaya dito ang mga sakada o mga nagtatabas ng tubo na sinasahuran ang paggawa. Dahil nasa mga bukirin, mababa pa sa minimum wage ang natatanggap ng mga ito at walang mga benepisyo.

Mas nagpapatindi pa dito ang pagpasok ng mga neo-liberal na polisiya sa bansa na nagpapahintulot  sa malawakang plantasyon, pagmimina, pagpapalit gamit sa lupa, mababang pasahod sa mga manggagawang bukid, at iba pa.

Atrasado, kinukunan ng materyales

Malaking problemang kinakaharap din ng mga magsasaka ang pagiging atrasado ng pamamaraan ng pagsasaka sa Pilipinas na lubhang nakakaapekto sa produksiyon at potensiyal ng agrikultura sa ekonomiya.

Walang pabansang industrilisasyon na maaaring mangyari sa isang bansa tulad ng Pilipinas kung nananatiling atrasado ang pamamaraan ng pagsasaka ng mga magbubukid.

<strong>Pher Pasion</strong>
Pher Pasion

“Mahalaga ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura kung nais talaga ng gobyerno na magkaroon tayo ng sariling industriya. Imbes na mag-export ng mga hilaw na materyales sa ibang bansa, kailangan pagyamanin ang mga ito para makagawa ng mga produkto na maaari namang likhain sa Pilipinas,” ayon kay Mariano.

Maliban pa dito, dinodomina rin ng dayuhang produkto ang merkado na lubos na nagpapababa sa kita ng mga magbubukid. Dulot ito ng liberalisasyon sa kalakalan na tulak ng mga neo-liberal na polisiya na nagtatanggal ng hangganan sa mga pumapasok na produkto sa bansa.

Malaking problema din ang pagpasok ng mga malalaking dayuhang plantasyon sa bansa dahil hindi nito tinutugunan ang seguridad sa pagkain. Mas sinisiguro nito ang mga hilaw na materyales na kailangan ng mga malalaking korporasyon para sa kanilang mga produkto.

Sa Mindanaw halimbawa, tinututulan ngayon ang nasa isang milyong hektaryang lupain na tataniman ng palm oil sa mga probinsiya ng Sultan Kudarat, North Cotabato, Caraga, at Northern Mindanao region.

Nangangahulugan din ito ng pagpapalayas sa mga magbubukid sa kanilang lupang sinasaka gayundin ang mga katutubo gaya ng mga Bagobo, Lumad, B’laan, at iba pa na matatagpuan sa Mindanaw.

Naitataboy din ang mga katutubo sa kanilang mga lupain ninuno sa pagpasok ng mga dayuhang pagmimina.

Karahasan at paglaban

Sa paglaban ng mga magbubukid para sa kanilang karapatan sa lupa at pagtutol sa mga polisiyang sumasagasa kanila, nagiging karahasan ang nagiging tugon sa kanila mula sa mismong puwersa ng gobyerno at maging sa mga pribadong armadong grupo na binubuo mismo ng mga panginoong maylupa.

Pinakahuli dito ang pagpaslang noong Setyembre 1 kina Emeriko Samarca, executive director ng Alacadev at dalawa pang lider lumad na sina Dionel Campos at Datu Juvello Sinzo.

Ayon sa Karapatan, grupo na nagsusulong ng karapatang pantao, bahagi ng Oplan Bayanihan ang sistematikong pagpaslang sa mga Lumad para sugpuin ang New People’s Army (NPA) at mga tagasuporta nito.

Mismong Armed Forces of the Philippines na rin ang nagsabi na mga Lumad ang 70 porsiyento ng NPA.

Ayon naman sa KMP, malaki ang kinalaman sa pagpasok ng mga minahan sa lugar ang pagpapatahimik sa mga lumalaban at ginagamit ng gobyerno ang militar at paramilitar para dahasin ang mga tumututol dito.

Sa ganitong sitwasyon naitutulak ang mga mamamayan na sumapi sa mga rebolusyunaryong grupo gaya ng NPA na nagsusulong ng agraryong rebolusyon sa Pilipinas mula pa noong 1969.

Kaya naman itinutulak din ng mga magsasaka ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines para pag-usapan ang ugat ng tunggalian sa bansa kabilang na ang pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industrilisasyon.

Higit sa eleksiyon

Satur Ocampo, tagapangulo ng Makabayan, habang nagbibigay ng kaniyang reaksiyon sa sampung punto ng mga magsasaka. <strong>Pher Pasion</strong>

Totoong mahirap ipanalo ang sampung puntong inihapag ng PLRM, ayon kay Satur Ocampo, tagapangulo ng Makabayan.

“Karamihan sa kanila (mga kandidato) nasasali ang interes nila diyan. Lalong lalo na roon sa kakabit sa -interes ng mga dayuhan, sa mga malalaking negosyante, at malalaking may-ari ng lupa,” ayon kay Ocampo.

Pero mahalaga aniya na maiparamdam na may mga ganitong problemang matagal na hihilingin silang sumagot na kung ano ang tindig nila dito. Isang pamamaraan umano ito para magamit ang panahon ng kampanya bilang plataporma ng pagtatakay sa mga problema ng mga magsasaka at mamamayan.

“Mananatili na nasa kamay ng mga magbubukid at mamamayan ang kanilang tunay na paglaya sa sistemang nagpapahirap sa kanila. Higit sa eleksiyon ang hamon sa atin sa pagpapalakas ng kilusang masa,” ayon kay Ocampo.