Militarisasyon, panghaharas tumitindi sa mga magsasaka ng Basey, Samar


Hindi natatapos sa kakulangan ng batayang mga serbisyo ang mga problema nila. Dinarahas din ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda ang militarisasyon at panghaharas sa kanilang mga hanay.

basey samar
Hindi natatapos sa kakulangan ng batayang mga serbisyo ang mga problema nila. Dinarahas din ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda ang militarisasyon at panghaharas sa kanilang mga hanay.

Nanawagan noong Oktubre 10 ang mga magsasaka mula sa Basey, Samar sa lokal na estasyon ng Bombo Radyo. Iniulat nila ang pagkampo ng militar sa kanilang sentrong baryo. Pero pagkatapos ng kanilang pagdulog sa radyo, sila pa mismo ang nakatanggap ng mararahas na salita mula sa militar.

Mismong si Leni Sabaniao, kapitan ng Burabod sa Brgy. Mabini, Basey ang nagsiwalat ng pananakot diumano ni Lt. Col. George Domingo ng 87th Infantry Battalion ng Philippine Army. Aniya, tila pagpipigil ito na iulat sa midya ang okupasyon ng militar sa naturang lugar.

Nakuha nila ang ilang bahagi ng mga salitang binitiwan ni Domingo. “Huwag po kayong mag-alala, kayong nagsumbong diyan sa Bombo Radyo. Hindi po ako magkakamali. Mas mahal n’yo po ang NPA (New People’s Army) kaysa sa sundalo, kaya magbabantay din po ako sa inyo. Sila yung nagrereklamo, at sila ‘yung nasasaktan dahil nung pumasok na ang sundalo nawawalan na ng clout ang NPA sa lugar,” ayon kay Domingo.

Hindi rin umano nag-atubili ang militar na idawit ang iba pang organisasyon, tulad ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan.

“Alam naman po natin na ang National Democratic Front. (Ang) Karapatan ay miyembro ng National Democratic Front. Ito ‘yung mga nagdedepensa at nagsusuporta sa armado [NPA] at sila rin ang nagrereklamo kapag pumapasok ang sundalo,” sabi pa ni Domingo.

Binatikos ito ni Jun Berino, tagapagsalita ng Katungod Sinirangan Bisayas. Aniya, nakakaalarmang pinapangalanan sila bilang tagasuporta ng NPA.

Napaulat nang nilisan ng mga magsasaka ang Basey dahil sa pagpasok ng militar at pagsasagawa ng operasyon nito sa kanilang lugar.

Hindi naman na bago ang mga pagkilos na ito ng AFP. Patuloy ang kanilang mga operasyon sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Byanihan, at pumapasok sila sa mga komunidad sa ngalan ng “peace and development.”

Mismong mga mamamayan ang nag-uulat ng mga paglabag sa kanilang karapatan, na nagpapasinungaling sa mga operasyon ng militar.

Sa mga beripikadong ulat ng Katungod-SB, may mga kaso ng indiscriminate firing ng 87th IB nitong Pebrero na nangyari sa Sitio Burabod, Barangay Mabini. Apat na bahay ang tinamaan, at nadaplisan ng bala sa ulo ang isang 14-anyos na batang babae.

At tulad ng nangyari na ito kamakailan lamang, mga sibilyang residente pa ang binabansagan at naaakusahang kumakanlong sa mga rebelde.

Ipinahayag ni Domingo na inokupa nila ang isang paaralan sa Brgy. Mabini, na aniya’y may pahintulot sa meyor at mga punong barangay.

“Mayroong approval ang barangay officials na (kami) ay pansamantalang makitira doon sa eskuwelahan sapagkat ilalayo ko sila doon kapag naipasok ko doon ang mga tent namin… Kinausap ko rin po ang meyor, ipinaalam po natin diyan,” aniya.

Depensa niya, maaring umatake ang NPA. “Ngayon kung sila ay aatakehin ng NPA, na sila ay nasa eskuwelahan, bakit n’yo po sisisihin ang sundalo, at bakit hindi n’yo sisihin ang NPA?” dagdag ni Domingo.

Pinabulaanan na ito ni Berino. Para sa kanya, nagpapakita ng pagiging pasista ang mga pahayag na ito ni Domingo. “Kung kaya niyang sabihin iyan sa publiko, ano pa ang kaya niyang gawin kapag wala na ang midya?”

Panawagan niya ang pananagutan, maging ang nauna na nilang panawagan para sa pagtigil ng intimidasyon ng militar at paglisan sa kanilang mga komunidad.