FEATURED Kapirasong Kritika

Miriam at Bise


Ang sabi ng iba, maganda siyang pangulo, dahil kahit paano’y may aliw, entertainment value. Hanggang inanunsyo niya kung sino ang bise-presidente niya kahapon at gumawa ng masamang biro sa sambayanan.

Sen. Miriam Defensor-Santiago. Larawan mula sa kanyang Facebook page
Sen. Miriam Defensor-Santiago. Larawan mula sa kanyang Facebook page

Nang makita ko ang kamao sa icon ng kandidatura sa Senado ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, naalala ko ang kamao sa logo ng People’s Reform Party. Ang PRP, syempre pa, ang partido ni Miriam Defensor-Santiago noong tumakbo siyang pangulo noong eleksyong 1992. Ang una, malapit sa puso ko ngayon; ang ikalawa, malapit sa puso ko noon.

Hindi pa ako botante noon, pero katulad ng maraming estudyante sa panahong iyun, humanga at sumuporta ako kay Miriam. Matapang, matalino, kontra-korupsyon, Numero Uno sa mga sarbey, sino ang hindi susuporta sa kanya? Nalungkot ako noong natalo siya at hanggang ngayon, naniwala akong dinaya siya. Bukod pa sa marumi silang maglaro at sinamantala nila ang talino niya para palabasing “sumobra” ito, bagay na may kakaibang kahulugan sa ating kultura.

Pero nagalit ako sa kanya noong 2001. Hindi lang siguro dahil sumuporta siya kay dating Pang. Joseph Estrada, kundi dahil nagtapang-tapangan siya sa pagsuporta rito – nagsabing tatalon sa eroplano kung mapapatalsik ito – para basta na lang kutyain ang pangako, o banta, sa dalawang salita at malutong na halakhak pagkatapos: “I lied.” Hindi lang siguro dahil nagsalita siya sa Edsa 3 noong nasa Edsa Shrine pa ito, kundi dahil nag-udyok siya ng “Sugod! Sugod!” patungong Malakanyang. Maraming masa ang namatay at nasaktan.

Matapos ang umano’y “pagbabagong-loob” bunsod ng pagkamatay ng anak niya, sinuportahan niya ang buong pagkapangulo ni Gloria Macapagal-Arroyo, kahit paminsan-minsang tumutuligsa rito dahil sa iba’t ibang isyu. Tuluyan na akong nawalan ng amor sa kanya.

Pero noong makalawa, humatak ng saya at kilig ang pag-anunsyo niya na tatakbo siyang pangulo. Sa muling mainit na pagyakap sa kanya ng maraming kabataan sa social media, parang naiwan na niya ang mga multo ng nakaraan. At kahit akong dating tagahanga ay namangha – sa husay niyang magbagong-anyo at umangkop sa bagong panahon bilang pulitiko, at sa kakatwang takbo ng pulitika sa Pilipinas.

Ang sabi ng iba, maganda siyang pangulo, dahil kahit paano’y may aliw, entertainment value. Hanggang inanunsyo niya kung sino ang bise-presidente niya kahapon at gumawa ng masamang biro sa sambayanan.

Ang sabi ng iba, maganda siyang pangulo, dahil matalino. Hanggang kahapon, na siyang nagpakete sa sarili bilang isa sa pinakamatalino ay gumawa ng hakbangin na sa pamantayan ng maraming tagahanga ng talino ay pinakabobo.

May kwento – sa librong Days of Disquiet, Nights of Rage ni Jose F. Lacaba ba iyun? – tungkol sa pagpabor ni Hukom Miriam sa mga aktibistang ikinulong at kinasuhan ng kapulisan sa bisperas ng deklarasyon ng Batas Militar. Mahilig lang ba siyang kumontra sa popular na opinyon kaya kinuha niya ngayong bise ang anak ng nagpataw ng Batas Militar, sa panahong marami ang kumokondena rito?

O mas matindi ang pagkakamali? Dahil sa naging takbo ng pulitika, wala na siyang pakialam sa kaibahan ng inaapi at nang-aapi? At, syempre, ng tama at mali?

16 Oktubre 2015