FEATURED

Tuloy ang panganib sa mga Lumad bakwit sa Davao


Kumusta ang mga Lumad na bakwit sa Davao City? Patuloy ang mga banta sa kanila, habang patuloy rin ang pananakop ng militar sa kanilang mga komunidad. Kaya sasama sila sa Manilakbayan ng Mindanao.

Mga Lumad bakwit ng UCCP Haran sa Davao City: Nangangamba pa rin. File Photo: <b>Karl Castro</b>
Mga Lumad bakwit ng UCCP Haran sa Davao City: Nangangamba pa rin. File Photo: Karl Castro

Masayang naglalaro ang mga bata habang naglilinis ng paligid ang kababaihan. Alaga ng mga nanay ang kani-kanilang anak. Ang kalalakihan naman, nagtutulung-tulong sa itinatayong bahay-tirahan.

Ito ang bumungad sa Pinoy Weekly kahapon sa lugar ng ebakwasyon ng daan-daang bakwit (evacuees) na Manobo mula sa Talaingod, Davao del Norte at iba pang lugar sa Timog Mindanao. Ngunit tahimik man ang bakuran ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Haran sa Davao City ngayon, hindi pa rin nawawala ang pangamba at banta ng karahasan sa mga Lumad dito.

Mula noong nilusob ng kapulisan ang compound noong Hulyo 23, hindi pa rin nalalagay sa tahimik ang kalooban ng mga Lumad na bakwit. Wala silang magawa kundi manatili sa bakuran ng UCCP, dahil magiging banta rin ito sa kanila.

“Sa totoo lang, gusto na naming umuwi (sa mga komunidad), pero nandoon pa rin ang mga paramilitar,” pagbabahagi ni Datu Mintros Malibato.

Datu Mintros, kasama ang tribal council. <b>Gabby Pancho</b>
Datu Mintros (ikatlo mula sa kaliwa), kasama ang tribal council. Gabby Pancho

Patuloy na ligalig

Ngunit hindi pa nga rin sila makauwi, lalo na’t nandoon ang panganib na kinatatakutan nila–ang presensiya ng militar at pagtatalaga ng paramilitar sa kanilang mga yutang kabilin (ancestral domain).

Isa ang tribu ni Datu Mintros, mula Capalong, Davao del Norte, sa nanantili sa UCCP Haran. Orihinal na kasama nila ang iba pang tribu mula sa Talaingod at San Fernando sa Bukidnon. Ngayon, dumagdag pa sa kanila ang humigit-kumulang 200 mula sa Brgy. White Culaman, Kitaotao, Bukidnon.

Totoo, ayon kay Datu Mintros, na may mga umuwi na sa kanilang mga komunidad. Pero pagdating doon, napuwersa na silang umanib sa mga grupong paramilitar.

Kamakailan lang, nagsagawa ng press conference ang militar. Anila, may mga sumuko nang “rebeldeng NPA,” at ang ilan dito ay nanggaling umano sa UCCP.

Ipinaliwanag ni Datu Mintros na hindi maiiwasan ang ganitong pangyayari. “Mapipilitan talaga sila, dahil kung babalik sila doon at hindi sasapi (sa paramilitar), papatayin lamang sila,” aniya.

Malungkot na ibinahagi ni Datu Mintros na labag sa kanilang kultura ang paghawak ng armas nang walang sapat na pagsasanay. Nakakalungkot aniya na ginagamit nila ito sa kapwa nila Lumad.

Sinabi naman ni Jong Monzon, pangkalahatang kalihim ng Pasakaday Salugpungan Kalimudan, pederasyon ng mga organiasyong Lumad sa Timog Mindanao, na nakaambang muling pumasok ang militar at paramilitar sa UCCP.

Habang isinusulat ang istoryang ito, sinabi ng mga Lumad na naka-“high alert” sila. Dahil umano sa presscon ng “sumukong mga rebelde,” nais pasukin ng militar ang UCCP compound.

Nagpapatuloy sa pag-aaral ang mga batang Lumad sa kabila ng pagbabakwit nila sa UCCP Haran sa Davao City. <b>JL Burgos</b>
Nagpapatuloy sa pag-aaral ang mga batang Lumad sa kabila ng pagbabakwit nila sa UCCP Haran sa Davao City. JL Burgos

Edukasyon pa rin

Siyempre, apektado ang kabataan ng militarisasyon sa kanilang mga komunidad.

“May trauma pa rin ang mga bata, lalo na kapag nakakakita sila ng may pulis at militar na damit,” kuwento ni Ricky Balilid, guro na nagtuturo sa mga Lumad sa UCCP Haran.

Nagtapos siya ng Home Economics, major in Education. Apat na taon na siyang nagtuturo, ngunit nitong huling taon lang niya naranasan ang pandarahas sa mga Lumad. Malinaw kay Ricky ang mga isyu na nakapalibot sa mga pangyayari sa Lumad. “Dahil sa mining iyan,” aniya.

Sa kabila ng mga ito, masaya siya sa ipinapakitang pagpupunyagi sa pag-aaral ng kabataan. “Nakikita naman namin na natututo sila,” ani Ricky. “Isa rin akong Lumad. Gusto ko itong ginagawa ko na ito, dahil ipinangako ko sa sarili ko na pagtapos ko ng pag-aaral, tutulungan ko ang kapwa kong Lumad.”

PW ManilakbayanTuloy sa Manilakbayan

Isa pang karahasan sa kanila ang bintang na kasapi sila sa rebeldeng New People’s Army (NPA).

“Hindi totoo ang paratang na kasapi kami sa mga rebelde,” punto ni Datu Mintros. “Hindi din totoo na nagtuturo kami ng kung anong mga bagay na sinasabi ng militar ay pang-rebelde,” dugtong din ni Balilid. Aniya, ginagamit pa rin ng kanilang eskuwela ang mga istandard ng Department of Education sa pagtuturo.

Kaya sabi ng mga bakwit na Lumad na kailangan nilang palakasin ang kanilang boses para irehistro ang tunay na nagaganap sa kanilang mga komunidad.

Nakakasa silang sumama sa Manilakbayan ng Mindanao sa susunod na mga araw. Mula Mindano, tutulak ang daan-daang Lumad at iba pang aping sektor ng Mindanao sa Kamaynilaan upang irehistro ang kanilang mga panawagan.

“Talagang sasama kami sa Manilakbayan,” sabi ni Datu. Nangako siyang makakapagpadala ng 100 sa kanyang tribu. Sa kabuuan, may inaasahang 400 bakwit mula sa UCCP Haran ang sasama sa Manilakbayan.

Inaasahang sa kanilang pagtungtong sa Maynila, palalakasin nila ang mga panawagan para sa karapatang pambuhay sa yutang kabilin, makapag-aral, maisabuhay ang kultura at sariling magpasya.