FEATURED Manggagawa

Kawani ng gobyerno nanawagan: Singil sa indibidwal na income tax, ibaba


Hindi na nga tumataas ang suweldo, pinahihirapan pa ng isa sa pinakamataas na individual income tax sa buong sa buong Asya. Panahon na para ibaba ito, panawagan ng Courage.

Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage <b>Darius Galang</b>
Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage Darius Galang

Isinigaw ng mga kawani ng gobyerno ang hiling nilang ibaba ang sinisingil na individual income tax.

“Parang Drakula ang gobyernong ito,” saad ni Ferdinand Gaite, pambansang panful ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage). Pinatutungkulan niya ang isang kathang-isip na bampirang karakter sa popular na kultura na si Count Dracula.

Aniya, tila sinisipsip ng gobyerno ang dugo ng mga manggagawa at ordinaryong mga kawani ng pamahalaan sa pagniningil ng mataas na buwis, kahit pa hindi naman tumataas ang sahod.

“Sa pangkalahatan, ang kalagayan ng mga kawani, sa pamahalaan at maging sa pribadong sektor, ay underpaid pero over taxed,” bungad ni Gaite. “Ibig sabihin, napakababa ang sahod, hindi pa umaabot sa nakabubuhay na antas, pero anlaki pa ng ibinabawas ng gobyerno.”

Matagal na, paliwanag pa ni Gaite, ang usapin ukol sa tax reform. “Kita naman, ayon sa istadistika, na ang mga kawani at manggagawa sa ating bansa ang pumapasan ng isa sa pinakamataas na buwis sa Asya,” dagdag niya.

Sa mga pag-aaral, lumabas na ang 30 hanggang 32 porsiyento na pagpapataw ng buwis sa sahod sa Pilipinas ang isa sa pinakamataas kumpara sa iba pang bansa sa Asya. Mataas din ang singil sa Indonesia (32%) at Malaysia (26%) habang pababa sa Singapore (20%). Mataas man ang pagpataw ng Thailand at Vietnam na 35%, ipinapataw naman ito sa mga kita na umaabot sa katumbas ng P5.2 milyon at P2-M sa mga nasabing bansa.

“Kriminal ang isang gobyerno na hindi makapagbayad sa kanyang mga manggagawa ng nakabubuhay na sahod at parang napakaganid na aagawan pa ‘yung manggagawa sa kulang na ngang ipapakain sa kanyang pamilya, gagamitin para sa upa sa bahay, para sa transportasyon, pamasahe, pagkain, at iba pa,” sabi pa ni Gaite.

Sa pahayag ng Courage, sinabi nitong mainam ikumpara ang pagtrato ng pamahalaan sa ordinaryong mga mamamaya at sa mga may-ari ng malalaking negosyo–mga malalaking burges kumprador na binibigyan ng malalaking tax incentives at tax holidays.

Samantala, sa paggastos ng pamahalan sa batayang mga serbisyo tulad ng kalusugan at edukasyon, nagkukuripot ito. Matagal nang nagaganap umano ang underspending ng gobyerno, samantalang naglalaan ang administrasyong Aquino ng malalaking lump sum appropriations para sa mga proyektong wala namang silip o oversight ang publiko.

Sinabi pa ni Gaite na hindi dapat binubuwisan ng gobyerno ang mga mamamayang hindi naman sapat sa batayang mga pangangailangan ang sahod.

“‘Yung cost of living, ‘yung family living wage, aabot sa P32,000 kada buwan. Multiply by 12, kaya aabot sa humigit-kumulang P369,000 kada taon (ang kailangan ng isang Pilipinong pamilya para mabuhay),” ani Gaite. “Kung ang sahod ay hindi pa umaabot sa nakabubuhay na antas, walang karapatan ang gobyerno na buwisan ito.”

Nagpiket ang mga kawani ng gobyerno sa harap ng House of Representatives kamakailan. <b>Darius Galang</b>
Nagpiket ang mga kawani ng gobyerno sa harap ng House of Representatives kamakailan. Darius Galang

Dagdag pa niya na may panukalang dagdag sa sahod ng mga kawani ng gobyerno. Ngunit alam din ng mga kawani ng gobyerno kung bakit natataon ito kapag papalaipit na ang halalan. “Para sa isip ng gobyernong ito, popogi sila sa mata ng mga kawani at manggagawa. At akala nila, popogi rin ‘yung hawak nilang kandidato sa mata ng mga kawani,” aniya.

Election-related salary increase’ ang taguri ni Gaite rito.

“Gagamitin nila ang yaman ng bayan para sa pagpapapogi at pagpapaganda nila,” aniya. Ngunit babala niya na mas matalino ang mga kawani ng pamahalaan. “Itataas daw (ang suweldo ng mga kawani) mula P9,000 tungong P16,000,” ani Gaite. Hindi na masama, aniya, pero tatagal sa limang taon o hanggang 2020 ang pagpapatupad ng dagdag na ito.

Pahayag ng Courage, hindi talaga papabor si Pangulong Aquino sa pagpapababa ng income taxes.

“Pilit pa ngang inuutusan ang kanyang mga alyado (sa Kamara at Senado) na bawiin iyong mga naipanukala nang batas na nakasampa na,” sambit pa ni Gaite. Pero hiling din nila ang dinggin ang pangangailangan ng mga mamamayan, partikular ang mga manggagawa mula sa gobyerno maging sa pribadong sektor na hindi sapat ang sahod.
Sa tingin ng mga manggagawa, magsisilbing alwan ang pagbabawas ng buwis.

“Hindi rin kapalit ng paghingi ng mas mababang buwis ang kampanya namin para sa P16,000 buwanang National Minimum Wage, dahil sa kalaunan, mas malaking purchasing power ang idudulot nito,” pagtatapos ni Gaite.

Kaalinsabay ng kampanya para sa pambansang minimum wage ang panawagan sa pribadong sektor na P125 legislated wage increase sa buong bansa–kampanyang pinangungunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) mula pa noong taong 2001.

Samantala, iginiit din KMU ang P2,000 na dagdag sa pensiyong natatanggap ng mga miyembro ng Social Security System (SSS).

Ikinatuwa umano ng grupo ang mga pahayag ni Sen. Cynthia Villar na nagsasabing maraming kapwa niya senador ang sumusuporta sa naturang panukalang dagdag-pensiyon sa SSS.

Nanawagan ang KMU na suportahan ng mga senador ang bersiyon sa Senado ng House Bill No. 5842 ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na naglalayong amyendahan ang Section 12 ng Republic Act 1161 o ang Social Security Act of 1997 .