FEATURED Rebyu

Nagniningning na musical


Habang nanonood ng Bituing Walang Ningning-The Musical, hindi ko rin maiwasang malungkot. Walang pagkakataon ang karaniwang masa na mapanood ang ganitong kagandang palabas tungkol sa kanila. Buhay nila ang tinatalakay at inilalarawan sa entablado pero wala sila sa teatro para tunghayan ito.

Bituing Walang Ningning The Musical
Cast ng ‘Bituing Walang Ningning – The Musical’

Minsan may maswerting araw. Aba, libre. Nakatanggap ako ng tiket sa Bituing Walang Ningning-The Musical para sa huling araw nang palabas sa Newport Performing Arts Theater.

Sino nga bang karaniwang nilalang ang makakatapak sa teatrong ito na nasa Resorts World (isang marangyang casino complex), at ang pinakamurang tiket ay halos katumbas ng dalawang araw na sahod ng isang manggagawa.

Kung Newport lang, wala naman akong masyadong inaasahan kasi pang-burgis nga ang teatrong ito na nagpapalaganap ng kulturang elitista at kolonyal. Pero na-curious din ako kung paano nito itatanghal bilang musical ang isang pelikulang Pilipino na pinagbidahan nina Sharon Cuneta, Cherie Gil, Christopher de Leon at nagpasikat sa linyang “you are nothing but a second-rate, trying-hard copycat!”

Habang binabaybay ko ang red carpet ng teatro, at kumportableng umupo sa red cushioned seat, sentro at fourth row mula sa entablado, hindi ko malaman kung maiilang ako o makakaramdam ng feeling royalty. At kahit saan ako lumingon para bang wala na ako sa Pilipinas.

Siyempre, namangha ako sa ganda at rangya ng teatro. Pero nang simulan ang musical doon na ako napatulala. Kung sa arte o sining lang, talagang nagniningning ang produksiyon — mula sa ilaw na parang sanlaksang bituing nagpapakislap sa kalangitan, pamatay na acoustics, tunog na dala ng Manila Philharmonic Orchestra, umiikot na entablado, elegante’t makulay na background sa bawat eksena na inililuwal ng mga higanteng computer graphics, paggamit ng OPM (Original Pilipino Music), husay ng direksiyon at pagsasadula ng mga artista.

Ang Bituing Walang Ningning ay istorya ng isang movie fan na naging superstar, humarap sa mga pagsubok sa showbiz, ngunit sa bandang huli’y tumalikod dito at pinili ang isang karaniwang buhay kapiling ng kanyang iniibig.

Dating komiks ang Bituing Walang Ningning sa panulat ni Nerissa Cabral, naging blockbuster movie noong 1985, at isinatelebisyon noong 2006. Nitong 2015 ay ginawa nang musical, at sa mahusay na iskrip at direksiyon ni Freddie Santos, lumantad ang mga eksena, awitin at dayalog na maipagmamalaki mong Pilipino — “through and through” — sabi nga ng artistic director na si Menchie Yuchengco-Yulo.

Mas madrama pa rin ang pelikula. Pero kapwa sa pelikula at musical na ito ang istorya ay binabalot lamang ng mga indibidwal o personal na tunggalian, at huwag nang hanapin pa na maipaunawa sa manonood ang mga makauri o panlipunang kontekstong ginagalawan ng mga tauhan. Gayunman di ito nabigong umaliw sa mga manonood, humaplos sa puso at damdamin, at magpatulo ng luha laluna sa pagkanta ng OPM (tampok ang awiting “Sana”) ng mahuhusay na mang-aawit na sina Monica Cuenca bilang Dorina, Antoinette Taus bilang Lavinia, Mark Bautista bilang Nico at Ronnie Laing bilang Gary.

Monica Cuenca (kaliwa) bilang Dorina at Antoinette Taus bilang Lavinia. Larawan mula sa FB page ng musical.
Monica Cuenco (kaliwa) bilang Dorina at Antoinette Taus bilang Lavinia. Larawan mula sa FB page ng musical.

Hindi rin siyempre nawawala ang katatawanan, at ang Pinoy humor ay dinala sa manonood ni Jon Santos bilang tiyahin ng bidang si Dorina.

Mala-Broadway at tunay na world-class, at higit sa lahat gawang Pinoy ang Bituing Walang Ningning-The Musical. Talagang titindig ito sa sarili at maipagmamalaki sa mundo. Hindi na kailangan pang mangopya o magkasya na lamang sa pag-import ng foreign shows.

Kaya naman matapos ang inaakalang isang season lamang ay nagkaroon pa ng re-runs ang palabas, at naianunsyo ring binuksan muli mula Nobyembre 3 hanggang katapusan ng Enero 2016 dahil sa popular demand.

Pero habang nanonood ako hindi ko rin maiwasang malungkot.

Walang pagkakataon ang karaniwang masa na mapanood ang ganitong kagandang palabas tungkol sa kanila. Buhay nila ang tinatalakay at inilalarawan sa entablado pero wala sila sa teatro para tunghayan ito. Sa unang eksena pa lamang ay bumubungad na ang isang maralitang barangay. Pero ang mga manonood ay tunay namang estranghero sa buhay ng maralita, at marami sa kanila ay nasa teatro lamang para magpahinga mula sa pagtatapon ng pera sa casino. Gayunman, maige na rin na sila man ay pumapalakpak, tumatawa, humahanga at tumatangkilik sa husay ng isang Pinoy musical.

Malaki na rin talaga ang pagpapahalaga sa teknolohiya para sa mabilis at epektibong pagpapalaganap ng kultura. At anong laki rin sana ang magagawa nito sa pagtataas ng kalidad ng mga makabayan at progresibong pagtatanghal — dula man o musical. Pero syempre usapin ito ng rekurso na wala o kapos ang mga teatro at grupong pangkultura ng masa.

Gayunman, masaya na rin akong lumabas ng Newport baon ang paghanga sa talento ng Pilipino.