Dear Migrante FEATURED

Kumusta na ang kaso ni Mary Jane Veloso?


Mahigit walong buwan matapos pansamantalang natigil ang pagbitay sa kababayan natin sa Indonesia, kumusta na ang kaso ni Mary Jane Veloso?

Dear Kuya Garry,
Good day po sa inyong lahat sa Migrante at sa bumubuo ng Save Mary Jane Veloso Campaign. Mula po nang mapaliban ang execution ni Mary Jane Veloso noong Abril 29, kumusta na po ang kaso niya sa ngayon?
OFW Laila

Dear Laila,

Maraming salamat sa sulat mo at sa iyong patuloy na interes sa kaso ni Mary Jane Veloso.

Sa ngayon ay dinidinig sa Nueva Ecija Regional Trial Court ang mga kaso laban sa kanyang mga recruiter na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao. Dalawa ang nakasampang kaso laban sa kanila – large-scale at syndicated illegal recruitment at estafa na isinampa laban sa kanila ng iba pang mga nabiktima, at ang kasong qualified trafficking na isinampa mismo ng Department of Justice batay sa mga reklamo ni Mary Jane at kanyang pamilya.

Sa ngayon, ang unang kasong large-scale at syndicated illegal recruitment pa lamang ang gumugulong sa korte. Pitong buwan mula nang isampa ang kaso laban sa kanila, saka pa lamang na-arraign sina Sergio at Lacanilao nitong Nobyembre. Kaliwa’t kanan ang mga delaying tactics ng kanilang mga abugado at mabagal ang pag-usad ng kaso. Ang susunod na pagdinig para sa kasong ito ay sa Pebrero 2016 pa, dalawang buwan na lamang at anibersaryo na ng temporary reprieve para kay Mary Jane!

Preliminary investigation ng Department of Justice sa pangunguna ni Assistant State Prosecutor Susan Azarcon sa kaso laban sa mga illegal recruiter di umano ni Mary Jane Veloso. Pher Pasion
Preliminary investigation sa DOJ kaugnay ng kaso laban kina Sergio at Lacanilao noong Mayo. Pher Pasion/PW File Photo

Samantala, hindi pa nagsisimulang gumulong ang kasong qualified trafficking ng mga Veloso na ang DOJ mismo ang nagsampa. Ito ang mahalagang kaso para sa pagliligtas ng buhay ni Mary Jane. Ito ang magpapatunay na biktima si Mary Jane ng trafficking, bagay na naging dahilan kung bakit pinagpaliban muna ng Indonesia ang pagbitay sa kanya noong Abril 29. Ayon kasi sa batas ng Indonesia, hindi dapat usigin ang sinumang biktima ng trafficking. Ang pansamantalang pagpapaliban ng pagbitay kay Mary Jane ay nakatuntong sa paggulong ng legal na proseso dito sa Pilipinas para patunayan ito.

Kaya naman hindi tumitigil ang pamilya ni Mary Jane, ang Migrante, ang kanyang mga abogado sa National Union of Peoples’ Lawyers, ang Church Task Force to Save Mary Jane, at lahat ng kanyang mga tagasuporta sa Indonesia at iba pang bahagi ng mundo sa panawagang mabilisang pagresolba sa mga kasong nakasampa laban kina Sergio at Lacanilao. Papalapit na rin ang eleksiyon, at nag-resign at pinalitan na si dating DOJ Sec. Leila de Lima na tatakbo bilang senador. Napakahalaga ngayong muli nating paigtingin ang kampanya at palakasin ang panawagang mapanagot sina Sergio at Lacanilao sa kanilang pagkakasala. Ito ang magiging tuntungan para sa muling pagbubukas ng apela ni Mary Jane sa Indonesia o di kaya’y panawagang “clemency” para sa kanya.

Bilang isang migrante, malaki ang maitutulong mo at ating mga kababayan malayo man kayo sa Pilipinas. Huwag nating hayaang matabunan o makalimutan ang kaso ni Mary Jane. Patuloy ang panawagan natin para sa hustisya. Hindi pa tapos ang #SaveMaryJane. Ang kailangan nating palakasing panawagan ngayon ay #FreeMaryJane – at nakasalalay ng malaki ang panawagang ito sa pag-usad ng mga kasong nakabinbin sa Nueva Ecija.

Ngayong Disyembre 12, International Day against Trafficking in Persons, sama-samang nating ipanawagan ang “#StoptheTraffic Justice for Mary Jane! Justice for all trafficked migrant workers!”. Kalampagin natin ang DOJ at gobyerno sa kaso ni Mary Jane at iba pang biktima ng human trafficking. Global Day of Action against Trafficking of Migrant Workers ang Disyembre 12. Para sa iba pang detalye, bumisita sa ating Facebook event page.

Maraming salamat!

Kuya Garry