Rebyu

Kung kilig lang ang habol


Dinala ng beteranong komedyanteng sina Ai-Ai delas Alas at Vic Sotto ang kilig at katatawanan sa pelikula. At ang AlDub? Kilig din naman — pero nasa Kalyeserye pa rin ang magic ng kanilang tandem.

Kilig, good vibes, halakhak ang ibinigay ng pelikulang My Bebe Love:#KiligPaMore sa premiere showing nito noong Disyembre 21 sa SM Megamall. Wala ka namang ibang hahanapin pa lalo’t gusto mo lang malibang at kalimutan muna ang sandamakmak na problemang hatid ng bulok na sistema. Siyempre, AlDub ang main attraction ng pelikula, sa katauhan ng phenomenal love team nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Pero ang tunay na nagdala ng pelikula’y ang tambalang Vic Sotto at Ai-Ai delas Alas pa rin, at sa unang pagkakataon kahit ang AlDub ay tumaob sa inihatid nilang kilig. Hindi ko inaasahan ito sa maituturing na ngang mga “gurang” na artista sa pelikula. Pero ibahin ang pagiging beterano at magaling na artista at kahit saan kikinang ka. Lahat naman sila’y natural at hindi pilit ang akting at alam mong nag-i-enjoy ang mga artista, pero ang korona sa pelikulang ito ay na kay Ai-Ai.

Syempre, kuwento ito ng mga rich sa isang romantic comedy. Si Vic ang tumatayong tatay ni Maine at si Alden naman ay pamangkin ni Ai-Ai. Paligsahan sa yaman, katarayan at kasupladuhan ang ipinakaita rito nina Vic at Ai-Ai na ilang beses nagkrus ang landas sa mga aksidenteng pangyayari kung saan nagtalo at nagkasuyaan. Siyempre, aksidente ring nagtagpo ang Alden at Maine at nagkaibigan sa gitna ng pagbabawal at paghihiwalay sa kanila nina Vic at Ai-Ai.

Pero sa bandang huli, sa mga aksidenteng pangyayari rin nalutas ang sigalot sa pagitan nina Vic at Ai-Ai na nauwi sa pag-usbong ng di inaasahang damdamin. At sino pa nga ba ang unang nagulat at bandang huli’y masayang umayon kundi ang anak at ang pamangkin.

Sabi nga ni Jose Javier Reyes, direktor ng pelikula, walang siyang ibang layon na humakot pa ng award sa Metro Manila Filmfest kung saan entry ang My Bebe Love. Ang hangad lang niya’y magbigay ng kasiyahan, at nagtagumpay naman siya. Kaya ‘wag nang masyadong pansinin kung halatang medyo minadali ang pelikula (may mga bahaging kulang sa kinis at development ng character) at tinadatad ng commercials ang ilang eksena na mula sa sponsors ng AlDub na mapapanood araw-araw sa telebisyon.

KILIG PA MORE: Ai-ai delas Alas, Alden Richards, Maine Mendoza at Vic Sotto.
KILIG PA MORE: Ai-ai delas Alas, Alden Richards, Maine Mendoza at Vic Sotto.

At kumusta naman ang AlDub? Bagaman secondary leads sila, mula sa TV ay nadala nila sa malaking screen ang kanilang “chemistry”. Hindi mo nga lang hahanapin dito ang Yaya Dub na nakikita sa Eat Bulaga o si Alden na cutie pie at malambing. Bagaman okey naman si Maine, nakakapanibago siya bilang isang rich, smart girl. Kitang may ibubuga siya sa akting kaya lang ginawa siyang fashion plate sa bawat eksena na nakakadistrak sa pag-arte niya. Tuloy na-miss ko ang simpleng Yaya Dub.

Samantala, understated naman ang akting ni Alden bilang isang nerd at conservative rich guy, na nagpalutang naman sa papel ni Maine. Gayunman, di ko rin mapigilang mapansin na sa ilang eksena ay halatang sinisipon na si Alden at mukhang pagod na, na posibleng dulot na rin ng stress sa dami ng events niya simula nang sumikat ang AlDub. Ito na marahil ang price of success–ang magtrabaho kahit maysakit at mawalan ng panahong magpahinga.

Anu’t anuman, tuwang-tuwa siyempre ang fans na nasa big screen na ang AlDub. Pero ang tunay na tanghalan ng AlDub ay ang Kalyeserye pa rin. Narito ang tunay na kilig na dulot nila araw-araw kasama ang mga Lola.