15 istoryang pinalampas ng midya sa 2015


Maraming istorya ng pakikibaka ang mga mamamayan na hindi kinober o hindi sapat na kinober ng dominanteng midya noong taong 2015. Ito lang ang 15 sa mga istoryang iyun.

Sa dinami-rami ng mga isyung kinaharap ng taumbayan sa taong 2015, tiyak na marami ang hindi napansin ng midya. Ngayong taon, nirebyu namin ang aming mga artikulo, pati ang artikulo ng iba pang alternatibong midya, para mapili, hindi lang 10, kundi 15 mahahalagang istoryang di binigyan ng dominante o mainstream na midya ng sapat na atensiyon at coverage.
Narito, ang 15 sa taong 2015 (walang partikular na pagkakasunud-sunod):

Barangay 105 Happy Land sa Tondo, Manila na apektado ng imbakan ng coal. Pher Pasion
Barangay 105 Happy Land sa Tondo, Manila na apektado ng imbakan ng coal. Pher Pasion

1. Mapanganib na imbakan ng karbon sa Tondo

Malaking banta sa kalusugan at perwisyo sa kabuhayan ang sinasapit ng mga residente sa Tondo partikular ang Barangay 105 o Happy Land ang imbakan ng karbon sa kanilang lugar. Nakapangalan ang imbakan sa kompanyang Rock Energy. Sari-saring sakit na ang iniinda ng mga residente (lalo na ng mga bata) at pineperwisyo nito ang araw-araw na pamumuhay nila dahil sa duming dinadala sa kanila ng nasabing imbakan. Maging ang mga opisyal ng barangay, apektado sa perwisyong idinudulot nito sa mga residente.

Dumulog na rin sila sa lokal na gobyerno ng Maynila para ipasara at alisin ang imbak ng karbon. Pero hindi maintindihan ng mga residente kung bakit walang aksiyon ang lokal na gobyerno para pigilan at imbestigahan ito. Dahil tulad ng maraming isyu, hindi ito pinansin ng midya kaya marahil hindi ito nabibigyan ng sapat na atensiyon ng lokal na gobyerno para aksiyunan.

Nitong Nobyembre, muling tinambakan ng karbon ang nasabing bodega. Patuloy ang pagdurusa ng mga residente.


Protesta sa harap ng bahay ng pamilyang Aquino sa Times Street, Quezon City. <b>PW File Photo</b>
Protesta sa harap ng bahay ng pamilyang Aquino sa Times Street, Quezon City. PW File Photo

2. Pagbawi sa Hacienda Luisita ng pamilyang Cojuangco-Aquino

Nasa kamay na muli ng pamilya ng kasalukuyang Pangulo ang Hacienda Luisita at hindi ito sapat na ibinalita sa publiko. Sa kabila ito ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na dapat maipamahagi sa mga benepisaryo ng Hacienda ang lupain nito. Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, binenta diumano ng mga Cojuangco-Aquino ang Central Azucarera de Tarlac (CAT) sa negosyanteng si Martin Lorenzo. Gayunman, may malaking shares pa rin dito ang mga Cojuangco, ang nanatiling presidente at Chief Executive Officer ng asukarera si Fernando Cojuangco, pinsang buo ni Pangulong Aquino.

Naiwasan ng mga Cojuangco na bayaran ang mga benipisaryo ng tinatayang P1.33 Bilyon sa pagbebenta ng mga lupain sa Hacienda Luisita at tuluyang maiwasan ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at manggawang bukid. Gayundin, nabili rin diumano ni Lorenzo ang sapi ng mga  Cojuangco-Aquino sa iba pang mga negosyo gaya ng Luisita Realty Corp. at Luisita Industrial Park Co. sa pamamagitan ng CAT Resource and Asset Holdings Inc.

Sa tulong ni Lorenzo, lalong sumahol ang kalagayan ng mga manggagawasa asukarera. Tumindi ang kontraktuwalisasyon at tanggalan. Kamakailan, mahigit 700 manggagawa ang puwersahang tunanggal at pinapirma ng maagang pagreretiro. At dahil sa pekeng pamamahagi ng lupa noong 2013, bumabalik ang mga manggagawang bukid para magtrabaho bilang tagatabas ng tubo sa asyenda.

Sa buong panunungkulan ni Aquino, sari-saring pandarahas na ang naranasan ng mga manggagawa at manggawang bukid pero hindi ito binigyan ng sapat na atensiyon ng midya. Maging ang bogus na pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng tambiolo noong 2013 ay di alam ng publiko. Nariyan din ang pagbuhos ng mga militar at pulis sa nasabing lugar. Wala pa ring nakakamit na hustisya ang mga biktima sa naganap na masaker sa Hacienda Luisita. Hindi lamang kabiguan ng pamamahagi ng lupa at inhustisya ang magiging mukha ng Hacienda Luisita. Kabiguan din ito ng pamamahayag na maiulat ang mahalaga at lehitimong istorya ng mga mamamayan.


Ilang miyembro ng tribung Aggay na ikinulong sa gawa-gawang mga kaso sa Cagayan Valley noong Hulyo 2015. Larawan mula sa <b>ICHRP</b>
Ilang miyembro ng tribung Aggay na ikinulong sa gawa-gawang mga kaso sa Cagayan Valley noong Hulyo 2015. Larawan mula sa ICHRP

3. Trumped-up cases kontra sa CV 69, paglobo ng bilang ng bilanggong pulitikal

Pagsampa ng gawa-gawang kaso. Ganito ang ginagawa sa mga kritiko ng gobyerno para patahimikin at ipiit sa kulungan. Sa Hilagang Luzon, sinampahan ng 17th Infantry Division ng Philippine Army ng kasong kidnapping with homicide ang 69 na indibidwal na pawang miyembro ng progresibong mga grupo sa rehiyon ng Cagayan Valley. Ito ang pinakamalaking bilang ng mga indibidwal na kinasuhan sa ilalim ni Aquino pero hindi ito pinansin ng midya.

Samantala, umigting ang pagkulong at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga kritiko ng administrasyon. Kabilang dito ang pagdakip at pagtanim ng granada sa mag-asawang aktibista na sina Adelberto Silva at Sharon Cabusao, gayundin kina Jose Nayve, Armando Matres, Rommel Nuñez, at George Bruce sa General Trias, Cavite, at Concha Araneta sa Panay. Ayon sa Karapatan, umabot na sa 561 ang bilanggong pulitikal sa bansa; 304 dito’y kinulong sa ilalim ng administrasyong Aquino.


4. Kuntsabahan ng AFP, mga grupong paramilitar at mining companies

Kinatampukan ng mga ulat sa midya ang pagpaslang sa mga Lumad nitong huling bahagi ng taon at gayundin ang mga bakwit sa Mindanao. Pero hindi kumawala ang mga ulat sa mga impormasyon na nailabas na.

Hindi kinatampukan ang mas malalim na tingin sa kaugnayan ng mga grupong paramilitar at Armed Forces of the Philippines na itinuturong lumikha sa mga ito, ang maging kaugnayan nito sa gobyernong US. Dahil sa hindi basta na lamang lumitaw ang mga ganitong grupo na walang nagsanay at walang nagpopondo. Higit pa rito, bakit walang hakbang para disarmahan at hulihin ang mga sangkot sa pamamaslang at pandarahas partikular sa mga Lumad. Gayundin ang ugnayan ng mga paramilitar na ito sa mga malalaking kompanya ng mina at mono-crop plantations. May pag-iwas o sadyang nahuhulog na lang sa popular na eksena pinagpipiyestahan na sa midya ang hindi pagsusuri sa mga grupong paramilitar.


5. ‘Epal’ at maagang pangangampanya ng mga kandidato

Kung ginagawang normal na lang ang maagang pangangampanya, ito’y dahil malalaking networks ang kumukita sa limpak-limpak na salaping ginagastos ng mga kandidato para sa kanilang television advertisements.

Sa eleksiyong ito na dominado ng mga miyembro ng mga naghaharing uri, sadyang lamang sa pondo ang mga mayayaman at lalong mas lamang ang mga nakaposisyon na para gamitin ang mismong ang pondo ng bayan sa kanilang pangangampanya. Maaga ang naging bukso ng kampanya ng mga pulitiko. Tila maaga ding ipinikit ng midya ang mga mata nito.


Ikinuwento ng kapatid ni Marilyn Restor (kanan) ang sinapit ni Marilyn sa Saudi. Darius Galang
Ikinuwento ng kapatid ni Marilyn Restor (kanan) ang sinapit ni Marilyn sa Saudi. Darius Galang

6. Kaso ni Marilyn Restor at iba pang migranteng biktima ng pagmamalupit sa ibang bansa

Buhay pa si Marilyn Restor, lumapit na ang kaanak niya sa midya sa tulong ng Migrante International. Pero bigong makuha ang atensiyon ng midya dahil siguro’y hindi “mabenta” para sa kanila ang istorya. Hanggang sa mamatay si Marilyn, hindi rin siya nabigyan ng espasyo sa midya.

Kinidnap at nawala si Marilyn sa Saudi Arabia. Pero natukoy na noon ang mga kumidnap sa kanya pero wala umanong ginawa ang embahada doon, ayon sa Migrante. Ang ospital pa umano sa Saudi ang nagsabi sa kaanak ni Marilyn na patay na siya. Nang tawagan nila ang Philippine Embassy, saka lang kinumpirma nito ang nangyari kay Marilyn. Itinulak daw siya sa roof top at nahulog.

Dahil sa isang Royal Family sa Saudi ang itinuturong suspek, walang iniuusad ang kaso.


7. Paglahok ng tropang Kano sa madugong insidente sa Mamasapano

Naging malaking balita ang pagkakapatay sa 44 Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero. Nabisto ang pagpapahintulot ni Pangulong Aquino sa suspendidong Philippine National Police Chief Alan Purisima sa Operation Exodus para tugisin ang kanilang target na si Marwan. Hitik ang balita sa ang kapalpakan ng operasyon kahit na sinasabing napaslang nila ang kanilang target.

Pero hindi nakita o iniwasang tingnan ang anggulo ng partisipasyon ng mga Amerikanong sundalo sa nasabing operasyon.

Sa kabila ng mga testimonya ng mga nakakita sa bangkay na sinasabing dayuhan, hindi binigyan ng sapat na coverage ang anggulong ito. Sa kabilang banda, kahit itinatanggi nila at ng US Embassy ang partisipasyon ng mga Kano sa Mamasapano, madalas na sinabi ng AFP at Malakanyang na normal lamang ang pagkikipagtulungan ng gobyernong US sa Pilipinas.


8. Nagdurusa pa rin ang mga biktima ni Yolanda

Dalawang taon na matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda sa Pilipinas. Pero hindi pa rin natatapos ang delubyo nito sa mga biktima mula sa bagyo at mula sa gobyernong may responsabilidad na tulungan ang mga mamamayan. Sa kabila nito, tila tuluyan nang nabaling ang atensiyon ng midya sa ibang mga isyu habang wala pa ring nananagot sa kriminal na kapabayaan sa mga biktima.

Mabuti’t binalita ng midya ang mga pahayag ni United Nations Special Rapporteur Chaloka Beyani na nagbabatikos sa rehabilitation efforts ng administrasyong Aquino sa Eastern Visayas. Pero nagpalalim pa sana ang mga mamamahayag sa kalagayan ngayon ng milyun-milyong nabiktima ng isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.


Tuloy ang laban ng mga manggagawa ng Tanduay. <b>KR Guda</b>
Tuloy ang laban ng mga manggagawa ng Tanduay. KR Guda

9. Welga ng mga manggagawa sa pabrika ng paborito nating alak

Dahil sa paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa paggawa (na laganap din sa midya) at pagmamay-ari ni Lucio Tan ang Tanduay kaya marahil hindi naging intersado o sadyang isinantabi ng midya ang laban ng mga manggagawa ng Tanduay sa Cabuyao, Laguna.

Sa kabila ng pagsiklab ng karahasan gawa ng goons (maging ng mga pulis) at kawalan ng pagrespeto sa karapatan ng mga manggagawa para ipakita ang pagtutol sa mga anti-manggagawang polisiya ng nasabing kompanya, hindi pa rin ito nabigyan ng sapat na atensiyon ng midya.

Itinayo ng Tanggulan Ugnayang Dayulang Lakas ng Anakpawis sa Tanduay Distillers Inc. (Tudla) noong Mayo 18 ang kanilang piketlayn sa harapan ng planta nito sa nasabing probinsiya. Ayon sa grupo, 90 porsiyento ng mga manggagawa ng Tanduay ang nakakatanggap ng mababang sahod at mahigit 60 porsiyento ang kontraktuwal na nasa kompanya sa loob ng lima hanggang 11 taon. Gayundin, nakararanas ang mga manggagawa ng kawalan ng kaligtasan sa kanilang trabaho at sila pa ang nagbabayad ng mga personal protective equipment na binabawas sa kanilang mga sahod.

Hunyo 22 nang maglabas ng desisyon ang Department of Labor and Employment Region IV-A na nagbibigay direktiba sa pamunuan ng Tanduay na gawing regular ang mga manggagawang kontraktuwal. Pero hindi ito sinusunod ng kompanya ni Tan.


10. Lumalakas na armadong rebolusyon

Alam n’yo bang nasa mahigit 500 taktikal na opensiba ang naisagawa ng New People’s Army (NPA) ngayong taon sa Mindanao lamang, ayon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) – Mindanao? Tumaas ito taun-taon mula mahigit 400 sa parehong taon ng 2014 at 2013. Noong 2012 nasa 400 ito, 350 naman noong 2011, at 250 noong maupo sa puwesto si Aquino noong 2010.

Sa kabila ng mga tagumpay nito sa pagsusulong ng armadong rebolusyon sa bansa, hindi ito nabibigyan ng espasyo sa midya. Kamakailan, binigyan pa ng parehong puwang ang pahayag ng AFP at Malakanyang na humihina na ang armadong rebolusyon ng CPP-NPA-NDF.

Marapat sanang palalimin ng midya ang coverage sa dumadagundong na armadong rebolusyon sa kanayunan sa pamamagitan ng mas aktibong pagkober at pakikipanayam mismo sa mga kalahok sa rebolusyong ito. Hindi dapat matakot sa mga banta ng militar at mga grupong paramilitar tulad ng Magahat-Bagani sa Mindanao para magawa ng midya ang tungkulin nito sa patas at komprehensibong pag-uulat.


Aerial Spray in Mindanao Banana Plantation“Dole: The Ethical Choice?” short clip by Malu Maniquis: “A risky shoot I did in Maragusan, Compostela Valley. We didn’t know exactly where the plane would spray. Maragusan’s farmlands have been extensively converted into banana plantations, in between homes of the farmers. Despite public outcry, government allows this practice which pose long-term serious effects on the health of the residents and on the environment. Yet, DOLE still brands itself as the ethical choice.”

Posted by REAP Mindanao Network on Sunday, December 13, 2015

11. Lumalawak na mga plantasyon sa Mindanao

Palawak nang palawak ang mga plantasyon partikular sa Mindanao na nagtataboy sa mga magasasaka sa kanilang mga lupang sinasaka at nagbibigay ng banta sa seguridad ng pagkain ng bansa.

Sa taong 2023, tinatayang lalawak nang isang milyong ektarya ang plantasyon ng palm oil sa bansa dahil sa PH Road Map on Oil Palm Industry ng administrasyong Aquino na ibubukas sa mga dayuhan at lokal na negosyante. Sa kabila ito nang patuloy na pag-aangkat ng Pilipinas ng mga pangunahing produkto gaya ng bigas. May matinding banta ito sa kalikasan ng bansa. Mainam na maikumpara ito sa malawakang palm oil plantations sa Indonesia na sinasabing dahilan ng matinding forest fires na dahilan ng haze doon.

Sa paglawak din ng mga plantasyong ito ang pagkabuo ng mga paramilitar para supilin ang mga mamamayang lumalaban.


14. Lumalawak na mapanirang pagmimina sa bansa

Hindi lang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas nagkalat ang mga malawakang pagmimina ng malalaking dayuhang korporasyon.

Isa sa pinakatampok ang pagmimina ng OceanaGold sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya na ikinasira ng kabundukang mayaman sa biodiversity sa naturang lugar. Sa Lobo, Batangas, malawak ang suporta ng mga mamamayang lumalaban sa planong pagmimina ng ginto ng Egerton Gold na sasakop sa 263 ektarya ng Lobo. Ikinkatakot ng maraming grupo at mamamayan ang pagkasira ng Verde Island Passage, na sangktuwaryo ng mayamang buhay-marino sa Lobo, Malabrigo at Balibago sa Batangas.

Ilan lang ito sa marami pang operasyon at nakaambang operasyon ng malalaking kompanya na tumatarget sa mga mineral na matatagpuan sa bansa. Tila may kakulangan ang midya na ikober ang mangmalawakang trend na ito ng mistulang pananakop sa mga lupain at likas-na-yaman ng bansa, gayundin ang malawakang pagtataboy sa mga magsasaka at katutubo na nakatira sa mga lupaing ito.


13. Pangmatagalang epekto ng bagyong Lando

Hindi na bago ang pagdating ng mga malalakas na bagyo sa bansa na kumikitil ng maraming buhay at sumisira sa maraming ari-arian. Hindi na rin siguro bago ang kapabayaan ng gobyerno sa mga nagiging biktima ng mga ito.

Sa pagdating ng bagyong Lando, wala pa ring pagkatuto ang gobyerno sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo. Hindi rin ito nabibigyan ng anggulo ng midya maliban sa nakasanayan na nitong pag-uulat sa iniwan ng bagyo o lakas ng bagyo. Iniulat din ang relatibong maliit na bilang ng mga nasawi. Pero hindi sapat na naiulat ang pangmatagalang epekto sa ordinaryong mga magsasaka sa Eastern Visayas, Bicol, Southern Tagalog at Central Luzon.


img_0200
Fact Finding Mission ng iba’t ibang grupo hinggil sa Laguna Lakeshor Expressway Dike Project noong Oktubre.

14. Pasakit ng proyektong dike sa Laguna Lake

Isa sa tampok na proyekto ng administrasyong Aquino sa ilalim ng proyektong Public-Private Partnerships ang Laguna Lakeshore Expressway Dike Project (LLEDP) sa Laguna Lake.

Pero simula’t sapul, inireklamo na ito ng mga mamamayang nakatira sa palibot ng Laguna Lake, lalo na ng mga mangingisda. Noong Oktubre, naglunsad ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas (Pamalakaya) ng fact-finding mission kasama ang Kalikasan at iba pang grupo. Napag-alaman nilang hindi umano magsisilbi sa interes ng mga mangingisda at mamamayan ang LLEDP. Lalong sisirain ng naturang proyekto ang lawa habang nasasadlak sa kahirapan ang mga mangingisda at residente sa palibot nito.

Nakatakdang magsimula ang implementasyon ng proyekto ngayong 2016.


Pagkilos ng All Workers' Unity sa isang palengke sa Kamaynilaan noong Abril.
Pagkilos ng All Workers’ Unity sa isang palengke sa Kamaynilaan noong Abril.

15. Laban ng mga manggagawa sa pribado’t pampublikong sektor para sa dagdag-sahod at benepisyo

Katulad ng mga istorya hinggil sa welga ng mga manggagawa o pagtutol sa kontraktuwalisasyon sa paggawa, tila hindi pinapansin ng mainstream media ang mga istorya ng paglaban para sa dagdag-sahod at benepisyo—sa pampubliko at pribadong sektor.

Noong nakaraang taon, binuo ng mga grupo ng manggagawa’t kawani ng gobyerno mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU), Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW) at iba pa, ang All-Workers’ Unity. Ikinampanya ng alyansang ito ang pambansang minimum wage at makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor. Pinangunahin din ng mga grupo ang paggiit ng benepisyo, pagtaas ng pensiyon sa SSS at GSIS, pagbaba ng buwis sa mga minimum wage earners, at iba pa.