Editoryal

Editoryal | Si Marcos at ang ilusyon ng pag-unlad


Nag-iilusyon si Bongbong Marcos sa pagsabing mas maganda ang buhay sa ilalim ng diktadura ng kanyang ama noong panahon ng Batas Militar. Pero ilusyon din ang pagsabihing isang rebolusyong nagbago sa lipunang Pilipino ang pinasimulan ng pag-aalsa sa EDSA.

<b>Gabby Pancho</b>
Dibuho ni Gabby Pancho

Iisa ang tono ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tuwing nababanggit ang kanyang tatay na si Ferdinand Marcos na pinatalsik sa Malakanyang sa unang People Power sa EDSA: Kung hindi nagkaroon ng EDSA People Power, maunlad na sana ang Pilipinas.

PW-editoryal-thumbTila sinasabi niyang pagkakamali ang EDSA People Power kung kaya nananatili ang krisis dito sa bansa. Tila walang kasalanan ang administrasyon ng kanyang ama sa kahirapan na nararanasan ng mga mamamayan sa ilalim ng administrasyon nito noon.

Mas maunlad daw noon ang Pilipinas kumpara sa kalagayan ng bansa ngayon. Kahit na ihambing umano ang Pilipinas sa iba pang bansa sa Asya, di hamak na nangunguna raw ito. Sa madaling sabi, maunlad noon ang Pilipinas at dahil ito sa kanyang ama.

Kung may isang kakambal na pangalan ngayon ang mga Marcos, iyun ang Martial Law (ang deklerasyon na kumitil hindi lamang ng demokrasya sa bansa kundi maging ng buhay ng pinakamagigiting at pinakamahuhusay na anak ng bayan). Ito ang idineklara ni Marcos para umano makontrol ang bansa at magkaroon ng “kaayusan” at sumulong ang ekonomiya ng bansa.

Pero nakakalimutan yata ni Bongbong na isang planadong krimen ang Martial Law para mapanatili ang kapangyarihan ng kanyang ama sa puwesto tulad ng inamin ni Juan Ponce Enrile, isa sa mga arkitekto nito.

Totoong matindi ang kahirapan na nararanasan ng bansa ngayon sa ilalim ni Aquino (at iba pang rehimeng nagdaan). Pero hindi ibig sabihin di na matindi ang kahirapang nararanasan noon ng mga Pilipino sa ilalim ni Marcos.

Mula noong panahon ni Marcos (o bago pa man), isa nang tatsulok ang lipunang Pilipino na nasa itaas ang naghaharing mga uri, at iilan lang na pamilya ang nakikinabang. Ganito pa rin ang lipunan ngayon, dahil wala naman talagang tunay o makabuluhang pagbabagong ginagawa ang mga pulitikong nakaupo mula pa nang likhain ng Estados Unidos ang paggogobyerno sa Pilipinas batay sa kanilang interes.

Wala sa mga nakaupo sa puwesto ang makakagawa na ipamahagi nang libre ang lupa sa mga magsasaka. Wala sa kanila ang magbibigay ng nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa at ipatitigil ang kontraktuwalisasyon. Wala sa kanila ang pangungunahan ang industriyalisasyon sa bansa. At wala sa kanila ang titindig laban sa panghihimasok ng ibang bansa gaya ng Estados Unidos (at kahit pa Tsina).

Labag ang lahat nang ito sa interes at batas ng naghaharing mga uri na nakaupo sa puwesto. Nakailang eleksiyon na ang mga Pilipino, pero nananatiling dominante ng mga pamilyang ito ang eleksiyon sa Pilipinas. Wala silang lilikhaing batas na labag sa interes ng mga asyendero at mga kapitalista.

May Marcos o wala na nakaupo sa bansa, o may Martial Law man o wala, hinding hindi tunay na uunlad ang Pilipinas at mga mamamayan nito habang nananatiling nakadisenyo ang gobyerno para mapanatili ang naghaharing mga uri sa kanilang puwesto at panatilihin ang ganitong sistema na sila lang ang nakikinabang.

Desperasyon na marahil ng ibang mga Pilipino ang pagkakaroon ng Martial Law o kamay na bakal tulad ng mga itinotono ng mga pulitikong tumatakbo para umano umayos at umunlad ang bansa.

Ipapangako ng mga pulitiko ang lahat para manalo. Pero alam na ng marami na hindi ito magkakatotoo. Dahil kung may tunay na pagbabago na magkakatotoo at makabubuti sa ordinaryong mga tao, hindi ito manggagaling sa mga kandidato.

Napatunayan ng mga pag-aalsa, mula panahon ng kolonyalismong Espanyol, hanggang First Quarter Storm ng 1970, hanggang sa EDSA noong 1986 na nagkakaisang mga mamamayan ang nagtutulak ng pagbabago.