Dear Migrante

Ibasura ang OWWA Omnibus Policies


Walang pensiyon, at kinakaltasan pa ang mga benepisyo — iyan ang kalagayan ng migranteng Pinoy ngayon.

owwacampoutannasban-14-1
PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano
Dear Kuya Garry,
Magandang araw at maraming salamat sa patuloy na pagbibigay impormasyon at sa inyong pagsagot sa mga katanungan ng mga OFW na katulad ko. Halos 15 taon na akong nagtratrabaho bilang kasambahay sa ibang bansa. Tuwing nagre-renew ako ng kontrata ay nagbabayad ako ng $25 sa OWWA (Overseas Workers Welfare Administration). Kada dalawang taon po ako nagre-renew ng aking kontrata.
Hindi na po ako bumabata at naiisip ko na ring magretiro balang-araw. Ang tanong ko po, kapag nagretiro po ba ako ay may benepisyo akong makukuha mula sa OWWA? Paano ko po mapapakinabangan ang ilang beses na kontribusyon ko ng $25? Paano na po kapag dumating ang araw na hindi ko na kayang magpatuloy sa pagtatrabaho? May maasahan ba akong benepisyong medikal o pinansiyal o pensiyon mula sa OWWA?
Maraming salamat at patuloy po sana kayo sa pagtulong at pagtatanggol sa karapatan ng ating mga kababayan.
Sumasainyo,
OFW Melanie

Melanie,

Maraming salamat sa iyong pagsubaybay sa kolum na ito. Nakakataba ng pusong marinig sa mismong mga migrante na may nakukuha tayong mga bagong impormasyon at kaalaman sa pamamagitan ng espasyong ito.

Napapanahon ang iyong katanungan. Mainit ngayon ang isyu tungkol sa pensiyon para sa ating mga lolo at lola na member ng SSS. Alam nating pinaghirapan ng ating mga senior citizen ang paghuhulog sa SSS, ‘di naiiba sa ating $25 kontribusyon sa OWWA kada kontrata. Kaya naman nakakalungkot at nakakagalit ang ginawang pag-veto ni Pang. Noynoy Aquino sa panukalang batas na dagdagan ng P2,000 ang buwanang pensiyong makukuha ng ating mga lola at lola. Kaisa po ang Migrante sa laban at panawagang ito dahil may mahigit isang milyong OFW rin ang boluntaryong naghuhulog sa SSS.

Tungkol naman sa kung may pensiyon o benipisyo ka bang makukuha mula sa OWWA o sa gobyerno sa panahong hindi mo na kayang magtrabaho sa ibayong dagat, ito ang isa pang masaklap na katotohanan para sa ating mga migrante. Bukod sa kapos na nga sa benepisyo at halos mamalimos na tayo sa serbisyo, sa lahat ng manggagawang Pilipino, tayong mga OFW lang ang walang malinaw na pensiyon mula sa gobyerno.

Maraming mga OFW natin ang senior citizens na ngayon. Sila yaong mga nangibang-bansa mula pa noong unang mag-labor export ang gobyerno ng Pilipinas noong dekada ‘70. Pinaghirapan nila ang paghuhulog sa OWWA at pagbabayad sa samu’t saring mga bayarin at legalized kotong ng gobyerno. Hindi matatawaran ang dekadang ambag nila sa ekonomiya mula sa kanilang mga remitans. Pero wala silang maasahang benepisyo mula sa gobyerno. Marami sa kanila ang kahit makailang beses nang naghuhulog sa OWWA at ilang taon nang nag-contribute sa ekonomiya ay wala man lang naramdamang serbisyo o benepisyo pagkatapos ng kanilang pagreretiro.

Lalo pang pinasikip at nilimitahan ng OWWA ang mga serbisyo at benepisyo nito nang ipasa ang OWWA Omnibus Policies (OOP) noong 2003. Dahil sa OOP, inalis ng OWWA ang mga benepisyong dating ibinibigay sa mga OFW, tulad ng General Financial Assistace, Medical Assistance, Lifetime Membership at marami pang iba. Malinaw na isa itong kontra-migranteng patakaran.

Kung tutuusin, mahigit P17 Bilyong ang pondo ng OWWA noong 2014, at patuloy itong lumalaki dahil na rin sa paglaki ng bilang ng lumalabas ng bansa. Kaya naman malaking pagtraydor sa ating mga migrante ang kabulastugang ito ng OWWA.

Sa kasalukuyan, may kampanya ang Migrante na tipunin ang lahat ng mga migrante at pamilya na tinanggihang bigyan ng serbisyo at benepisyo ng OWWA. Napapanahon nang ibigay ng OWWA ang para sa kanila. Napapahon nang singilin ang gobyerno at ibasura ang OOP.

Katulad ng ating mga lolo at lola na nasa takipsilim ng kanilang buhay at pinagkakaitan pa ng kakarampot na pensyon, huwag nating hayaan na gawin lang tayong palabigasan ng gobyerno. Kung nais nating mga migrante na makiisa sa pagkuha ng benepisyo at manawagan ng pagbabasura sa OOP, maaaring makipag-ugnayan lang po sa aming tanggapan sa #45 Cambridge Street, Cubao, QC o tumawag sa aming mga hotline: 911-4910 o 0921-2709079.

Para sa migrante at pamilya,

Kuya Garry